Liwanag

13340728_1197380196948564_1356629121_o.jpg

Noong pinagbubuntis ko si Lumiere, sabi nila sa ‘kin, makinig daw ako ng classical songs. Pampatalino raw ng baby. Sinubukan ko naman. Pero shet, sobrang inaantok ako sa trabaho! Bawal pa naman uminom ng kape ang buntis. Imbes na classical music, Gloc-9 ang pinakikinggan ko. Kaya nga memorize ko ang mga kantang Sirena at Magda.

Bukod kay Gloc-9, inuulit-ulit ko rin ang mga kanta ni Ed Sheeran (kapag hindi ako inaantok). Kapag wala na akong ginagawa, habang nakikinig, naka-open sa browser ang sinearch kong lyrics. Binabasa ko. Noong mga panahong ‘to, Thinking Out Loud lang ang paboritong Ed Sheeran song ng mga tao. Ako, paborito ko no’n ang kantang Tenerife Sea.

Ulit-ulit ko itong pinakikinggan pero may parteng hindi ko maintindihan. Sa bridge, isang word. Kaya tulad ng nakagawian, sinearch ko ang lyrics. Nahanap ko — “Lumiere, darling, Lumiere, over me.”

Lumiere — hinanap ko ang ibig sabihin. French word pala ito for Light. Inilagay ko agad sa notepad document ko na listahan ng possible Tiki names. (Tiki ang nickname namin sa baby namin no’ng hindi pa namin alam ang gender, at wala pang napipiling pangalan.) Ipinwesto ko sa kauna-unahan, do’n sa column ng pambabae. Hindi ko sinasabi kay Jelo, kasi madalas akong mag-suggest – Isabel, Elizabeth, Nathaniel, Charles – pero ayaw niya. Korni raw.

Isang gabi, habang nasa bahay nila, nakikinig kami ng mga kanta ni Ed Sheeran sa Spotify. Tumugtog ang kantang Tenerife Sea.

Should this be the last thing I see, I want you to know it’s enough for me. ‘Cause all that you are is all that I’ll ever need.

Lumiere, darling. Lumiere, over me.

Hindi ko pa rin sinabing ‘yon ang gusto kong pangalan ng anak namin kung babae. Pero maya-maya, bigla siyang nagsalita.

“Lumiere na lang ipangalan natin kay Tiki kung girl siya.”

It’s a Bird, it’s a Plane, it’s Superbump

Minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko.

Nu’ng isang araw, nagpa-renew ako ng passport sa DFA Pampanga, sa 2nd floor ng Robinsons Starmills.

Pagdating namin, nagkalat na ang maraming tao sa 2nd floor. Sa maliit na TV screen, nakasulat na 136 pa ang waiting applicants. Hindi ko alam kung kasama na du’n sa 136 ang mga tambay na may dalang folder na nakasandal sa pader ng mga shops na nakapalibot sa DFA, o ‘yung mga nakaupo lang sa mga nakahilerang itim na upuan sa labas ng DFA office. Usually, sa mga ganitong lakad, maaga ako ng isang oras sa pagbubukas ng opisina, dahil ina-anticipate ko nga ‘yung dami ng tao. Pero sa araw na ‘yon, 1PM na ako dumating dahil ‘yon ang oras na binigay ng kikitain kong travel agency liaison officer.

Sa totoo lang, hindi ko naman alam anong ginagawa ng liaison officer. Basta’t inabot ko sa kanya ‘yung mga forms at photocopy ng ID. Sabi niya, ipapa-verify niya lang daw at tatawagin niya ako. Nu’ng tinawag niya naman ako, pumila din ako kasama ng mga nakaupo sa mga nakahilerang itim na upuan. Wala rin naman ‘atang pinagkaiba ang pagkakaroon ng liaison officer du’n sa mga sila mismo ang nag-aapply. Kung meron man, hindi ko napansin, dahil pinagdaanan ko rin naman ang matagal na paghihintay at ang bawat proseso ng pagre-renew – verification, processing, payment at encoding. Halos tatlong oras din ang tinagal ng buong proseso. Nainggit tuloy ako du’n sa senior citizen na tinawag, pumasok at sampung minuto lang, nakalabas na.

Kaya minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko, at ang superpowers na kadikit nito.

Dahil tamad ako, bandang January to February ko na nitong taon inasikaso ang mga requirements para sa panganganak (May ang kabuwanan ko) at maternity leave sa opisina, gaya ng SSS at Philhealth. Mabuti na lang pala at hinintay kong lumobo na ang tiyan ko bago lakarin ang mga ito, dahil naging magical gate pass ang tiyan ko sa mga government offices. Para itong neon sign na nagsusumigaw ng “Hello, excuse me, yes, una ako.”

Naalala ko nu’n, 8 AM ako dumating sa Philhealth Ayala. Pagpasok ko, tinawag na ako sa counter 1. “’Yung buntis.” 8:15 AM, natapos na ako. Inagahan ko pa naman dahil 10 AM ang pasok ko sa opisina (malapit lang ang branch ng Philhealth na ‘yun sa office). Pero sa lagay na ‘yun, magrereklamo pa ba ako?

Sa SSS naman, pumunta ako kahit pwede namang online ang kailangan kong kopya ng monthly contributions. (Pa’no kasi, medyo bulok ‘yung website at ayaw gumana kapag nasa probinsya ako). Diretso na akong pinaakyat sa 2nd floor. Medyo syunga ako nu’n at nakatayo lang akong naghihintay na matapos si Lolo sa pakikipag-usap du’n sa lalaki nakaupo sa ilalim ng karatulang ADMINISTRATION. Hindi ko kasi alam kung kanino ako magtatanong. Nang lumipas ang 10 minutes at nakikipagkwentuhan pa rin siya kay sir tungkol sa mga anak niya sa US (Hindi ko rin alam pa’no napunta ru’n ang usapan nila), lumapit na ako sa random na staff at tinuro niya ako sa isang babae sa may RECORDS section. Siya na ang nag-register ng SSS number ko sa website at nag-print ng contributions ko. Dagdag pro rin ng pagiging buntis ang sobrang kabaitan ng mga tao. Tulad ni ma’am na ngiti ng ngiti sa ‘kin. May pabaon pa siyang “good luck sa panganganak mo,” bago ako bumaba.

Pagdating ko sa 1st floor, napag-tripan kong tanungin ang guard kung mabagal ba ang proseso ng pagkuha ng ID. Wala pa kasi akong government ID at napaaga na naman ako. Sabi niya sa ‘kin – kasabay ng stating-the-obvious expression sa mukha niya – “Mabilis lang ‘yan, buntis ka, eh.” Binigyan niya ako ng form at sinabing idiretso ko sa counter 1 pagkatapos. In less than 20 minutes, tapos na ang lahat, pati picture. Magang-maga ang mata, ilong at pisngi ko sa picture (7 months preggy), pero magrereklamo pa ba ako? Solb na dahil hindi naman ako pumila. (Nga lang, four months pa raw bago i-deliver ang ID sa postal address ko.)

Marami pang ibang pros na kasama sa pagiging buntis. Isa sa mga paborito kong superpower ay ang unang wagon ng MRT na nakalaan sa senior citizens, PWD, mga magulang na may dalang anak at pregnant women. Kaya lang, applicable lang ang superpower na ito kapag: a.) sa North Avenue ako sumasakay KAHIT rush hour, o b.) sa kahit saang station ako sumakay, BASTA hindi rush hour.

Kung anong stress at pagtitiis ko sa pakikipagdigma at pakikipagsiksikan sa giant halimaw na ito nu’ng hindi pa ako buntis, ‘yun naman ang chill ko nu’ng malaki na ang tiyan ko. Kahit pa nakatayo ako, paniguradong pauupuin ako. Basta’t technique ko ‘yung tatapat ako sa obviously hindi buntis, or sa senior citizen na hindi pa masyadong senior. Minsang sumakay ako, maraming buntis na nakatayo. Pero pagpasok ko, sinenyasan ako ng isang lolo at pinaupo sa lugar niya. Pagkatayo niya, sumigaw siya ng “Hoy, paupuin niyo mga buntis! ‘Pag nanganak ‘yan dito!” kaya nagsitayuan ang mga may bilbil na mapagpanggap.

Ayoko lang nga na sumasakay ‘pag rush hour, kung hindi ako manggagaling sa North Avenue station, ang unang istasyon. Panigurado kasing nakatayo ako dahil minsan (madalas) may mga walang damdaming commuter (mga may bilbil na mapagpanggap, at meron ring mga walang bilbil na pinipilit umupo at kinakatwirang kasama nila ang katabing buntis) na umuupo kahit na may mga buntis, PWD, senior at may dalang bata na nakatayo. Nakakaimbyerna at dahil bitchesa ako nu’ng buntis ako, tinititigan ko talaga sila hanggang tumayo sila. Fight for your right, sabi ng magical baby bump ko. Hindi ko kailangang pumila ng matagal, makipagsiksikan at makipagtulakan papasok ng wagon at makipag-away dahil nga buntis ako.

Pero teka, gano’n naman talaga dapat para sa kahit na sino lalo na’t ang laki na ng pamasahe, pero dahil sa bulok na sistema, kinailangan ko pang mabuntis (at lumaki ang tiyan, dahil no’ng maliit pa ang tiyan ko, hindi ako pinaniniwalaan ng mga guard at mukha raw akong bata) bago ko maranasan ang walang hassle na biyahe sakay ng MRT.

Syempre, given na ang iba pang mga pros ng pagiging buntis, gaya ng CR sa malls and other establishments na nakalaan sa senior, PWD at pregnant women, at special lane sa fast food para rin sa mga nabanggit.

Pero isa sa mga gusto ko pang pros ng pagkakaroon ng baby bump ay ang pagiging extra understanding ng mga tao sa kakaibang mood swings. May one time na nakapila ako sa sakayan ng jeep at nagsasabi-sabi na ako sa kaibigan ko dahil ang tagal at ang haba pa ng pila. Naririnig pala ako ng katabi ko (malamang) at nang may dumating na jeep, tinawag niya ang barker, tinuro ako, at sinabing “may buntis, o.” Hindi rin ako sinakay pero hiyang-hiya ako dahil sa mga pinagsasabi ko na narinig ni kuya. Pero tumawa lang siya at sinabihan pa ako na sa susunod, ‘wag na akong pumila dahil buntis naman ako.

Madalas rin ako no’ng makipag-away sa mga tricycle driver. Pa’no ba naman kasi, araw-araw akong nagta-tricycle pauwi at alam kong bente lang ang pamasahe mula office hanggang boarding house, pero may mga driver na naninigil ng bente singko, at minsan, trenta. Being the (very) grumpy buntis that I am, sisigawan ko talaga si kuya ng “Araw-araw ho akong nagta-tricycle, bente pesos lang ho. Kayo talagang mga tricycle driver kayo.” (Yes, nilalahat ko. And yes, that’s unfair, kaya lang ako ‘yung tipo ng buntis na nawawalan ng tamang reasoning kapag napipikon.)

Paglabas ko ng tricycle (dahil kapag nakikipag-away ako, gusto ko may hand gestures at gusto ko makikita ni kuya driver ang angas ko), nakatulala na lang si kuya sa ‘kin. Madalas, paglabas ko pa lang nila mapapansin ang tiyan ko. Magla-landing ang titig nila sa magical bump, iiling, at sasabihing, “sige.”

Kapag hindi pumayag na bente lang, nag-wo-walkout ako. Maangas ako, eh. Ang mahal kaya manganak.

Last week, pumunta ako ng SSS Ayala para i-add as dependent ang anak ko. Dapat, sa araw din na ‘yon, aasikasuhin ko na ang Philhealth at BIR chorva para matapos na. Nakalimutan kong hindi na pala ako buntis at hindi ko na-anticipate na sa SSS pa lang, magtatagal na ako. Maaga na nga akong dumating – 7:45 AM, 7 AM nagbubukas ang SSS – pero number 37 na ako. Minalas pa ako (or sadyang syunga lang) dahil nakalimutan kong ipa-photocopy ang birth certificate ng anak ko. Buti na lang, mabait si sir sa counter 3. Magpa-photocopy raw muna ako at bumalik na lang sa kanya pagkatapos. ‘Wag na raw akong pumila ulit.

Pagbalik ko, may kausap pa si sir sa counter 3 kaya umupo muna ako sa mga upuang nakahilera sa bandang harap, katabi ng isang ate na may hawak na number 57. Sumigaw ang sir sa counter 4 ng next. Tumayo si Ate 57 pero may mas naunang lumapit. Number 49 daw siya at hindi raw niya narinig. Nakasimangot na bumalik si Ate 57 sa tabi ko. Maya-maya lang, tumawag na si Sir counter 3. “Next!” Tumayo ako agad at lumapit. Naramdaman kong sumusunod si Ate 57 pero dire-diretso lang ako. Sumenyas ako kay Sir counter 3 at medyo nagtaka pa siya nu’ng una kaya nagkaro’n ng pagkakataon si Ate 57 na kalabitin ako.

“Anong number ka?!” Hala, masungit.

“Pinabalik lang po ako,” tiningnan ko si Sir counter 3 with help-me-eyes at namukhaan din niya ako. “Akin na,” sabi niya, inaabot ang hawak kong photocopy.

“Number 57 ako, o,” hirit ni ate. Galit na inaabot ang maliit na papel na may nakasulat na “57” sa akin.

“Number 37 po ako, ‘di ba, Sir?” Pinakita ko sa kanya ang nakaipit na “37” sa clear white envelope na dala ko. Tapos humarap na ako kay Sir counter 3. “Wait lang po, ma’am,” sabi niya kay Ate 57.

Dahil medyo scary na siya at nawala na ang maangas kong ugali kasabay ng pagkawala ng maangas kong baby bump, umupo na lang ako at hindi ko na siya nilingon. Narinig ko pa siyang bumubulong ng galit. Gusto ko sana siyang paunahin kaya lang nagmamadali rin ako dahil sa Pampanga pa ako uuwi.

Gano’n talaga, Ate 57. Kung hindi ka senior, PWD o buntis, kailangan mong maghintay ng matagal, makipagsiksikan at magtiyaga. Nakakalungkot man, pero ‘yun na ang ‘normal’ at nakasanayan.

Pagkatapos ko sa SSS, pupunta pa ako ng office dahil may requirements pang kailangang ipasa para makuha ang kalahati ng maternity benefit ko. Pero bago ‘yun, kumain muna ako sa Mcdo. Syempre, hindi na ako sa special lane pumila. Pero at least, this time, makaka-order na uli ako ng coke.

Ramdam ko ang bigat ng tiyan ko pagkatapos kumain. Hinimas ko tulad ng nakagawian sa mga nakaraang buwan, at nanibago ang kamay ko nang dumapo sa tiyan ko. Wala na nga pala ang aking magical bump.