Sa akin ka pinakamasaya

Sa tuwing nag-aalala ako dahil pakiramdam ko, mahal mo pa siya, lagi mong sinasabing sa akin ka pinakamasaya.

Ako, na pumulot sa lahat ng basag na piraso mo nang magpakawasak ka para sa kanya. Ako, na nagkasugat-sugat habang sinubukan kang buuin ulit. Ako, na napagod at napapagod na yakapin ka para manatiling dikit-dikit ang basag-basag mong piraso.

Sa akin ka pinakamasaya, sabi mo.

Pero kahit kailan, hindi mo gagawin sa akin ang lahat ng ginawa at kaya mong gawin para sa kanya. Hindi natin aalalahanin at paghahandaan ang mga mahahalagang araw. Hindi mo ipagsisigawang mahal mo ako. Hindi ka luluhod sa harap ko kung dumating man ang araw na iiwan kita, dahil hindi. Dahil sabi mo, sino mang umalis ay hinding-hindi mo na babalikan. Kaya hindi ka babalik sa akin kapag umalis ako, kahit sinabi mo rin sa akin na kapag siya ang bumalik, kakainin mo ang lahat ng sinabi mo.

May anino ng alaala niya kahit saan tayo lumingon. May bakas ng mapait pero gustong gusto mong kahapon. Sa kanta, pagkain, libro, lugar, palabas at pelikula, lahat, kaya mong ikonekta sa kanya. Kahit ilang beses mong ipilit na kinalimutan mo na ang nakaraan dahil sa akin, sa ngayon, ka pinakamasaya, ramdam ko ang pagpigil mong gumawa ng bagong alaala dahil matatabunan ang mga alaala niyang hanggang ngayon baon mo, araw araw.

Hindi ko kayang angkinin ang mga bagay na matagal mo nang isinuko sa kanya. Paano ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa espasyong nakuha na ng iba. Sa kanya ang isip mo pagmulat ng mata pagkagising at bago pumikit pagtulog, sa mga panaginip, sa rurok ng kalasingan. Kahit paulit-ulit kong pulutin ang basag-basag mong piraso, hindi ka mabubuo. Hindi mabubuo ang isang taong may nawawalang puso.

Sa akin ka pinakamasaya, alam ko, at gagawin ko ang lahat para sa ‘yo. Ako ang sasalo ng lahat ng lungkot mo. Kahit na bawat lilingon tayo, siya ang maaalala mo. Kahit pilit mong itago, nakikita ko. Kahit gusto ko nang maging bulag para maniwala akong ako na talaga ang mahal mo, alam kong kahit sa pinakamadilim, siya at siya pa rin.

Sa akin ka nga pinakamasaya.

Pero iba ang pinakamasaya sa pinakaminahal. Pwede kang maging pinakamasaya dahil pinakamasaya ka sa pagpili mong hindi na ibigay ang lahat.

Para hindi ka na maging pinakamalungkot.

Advertisements

Panukat

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

kailan ito matatawag na sapat?

Masusukat ba ng ruler, o ng meter stick

ang haba ng pasensya,

ang tagal ng paghihintay

o kung hanggang saan kinaya

ang pagtitiis;

Kakayanin ba ng measuring tape

ang distansya

ng mga pusong malayo sa isa’t isa?

Ng weighing scale

ang mga timba ng luha,

o ang bigat ng damdaming

pinuno ng saya

o ‘di kaya’y sama ng loob,

o kaya naman ang pag-gaan

ng pag-ibig na unti-unting nauubos

Eh, ang thermometer

ang init ng pagsisimula

at lamig ng pagtatapos,

o kaya ng stopwatch

ang oras bago ito kinapos;

ang bilis bago mo nasabing

“oo, mahal kita,”

at ang mga minutong lumipas bago ang “ayoko na,”

Pilit nating sinusukat,

inilalagay sa kalendaryo,

na para bang nag-aabang –

ilang buwan, ilang taon, bago huminto?

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

siguro may batayan,

kung kailan ito sapat.

Siguro hindi lalabis,

at hindi magkukulang.

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

laging may higit, laging may ‘mas’

kaya siguro,

hindi.

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

kaso –

hindi. 

Pikit

Gusto kong matulog,

Pero sa tuwing pipikit

Ako ay nahuhulog

At nagnanais maulit

Ang paglalakbay ng ‘yong mga kamay

Mga yakap at bawat sambit

Bawat galaw, nagbibigay-buhay

Kaya’t hahawakan ka pa ng mas mahigpit

Sa mga matang kabisado ko

Ang mukha kong umiibig, nagmamahal

At lalong tumitibok sa bawat kilos mo

Ang puso kong sa’yo ng pagkatagal-tagal.

Mga labing manipis at ngiting mayabang

Boses na maamo, tawang saglit

Amoy na walang tulad, at sa’yo lamang

Pag-ibig na malawak sa kamay mong maliit

Pikit.

Gusto kong matulog

Sawa na akong mag-isip

Lalo lang mahuhulog

Mabuti pa’y umidlip.