First Date

13691064_10154476184699430_7048909634676807270_o

Four years ago, July 24, 2012, ang first date namin ni Jelo.

Four years ago, July 24, 2012, ang first date ko, buong buhay ko.

Hindi ko pa no’n alam na hindi lang ako ang dine-date niya. Binibigyan niya ako ng hints – “Ang chicks ko talaga”, “marami akong crush”, pero ewan ko ba. Hindi talaga nagsi-sink in.

Malayo ako sa maharot pero kinilig ako nang ayain niya ako sa Facebook chat, kung san kami una at madalas na mag-usap. “I-date mo ako,” sabi niya. Hindi ko pa no’n alam na kapag sinabing “i-date mo ako” at hindi “date tayo”, ililibre mo ang taong nagsabi.

“Samahan mo ‘kong manood ng Dark Knight rises.”

“Libre mo?” sabi ko.

“I-date mo nga ako, eh. Edi libre mo,” kaya ko nalaman.

Guys, pa-demure naman ako ng very very slight no’n kahit crush na crush ko siya. Ayoko, sabi ko. Pero nangulit ang lolo niyo. Super landi niya no’ng time na ‘yon, kahit tanungin niyo pa siya, aamin ‘yan.

Sabi ko na lang, ililibre ko siya kapag walang news test sa subject namin kinabukasan. Magkaklase kami sa Journ no’n, at sa subject na ‘yon (Advanced Newswriting ‘ata, nakalimutan ko na), walang mintis na may quiz tungkol sa balita every meeting. So sabi niya, “imposible naman ‘yan, eh.”

Eh, ‘yun naman sana ang intensyon ko.

Pero bumagyo kinabukasan. Nasa labas na kaming lahat ng classroom nang i-announce na wala nang pasok. Nakaupo kami ng mga kaibigan ko sa bench sa labas ng classroom at tinabihan niya ako.

Hindi ko na maalala kung nag-usap pa ba kami no’n. Ang naaalala ko na lang, umuwi rin ako agad no’n sa probinsya dahil Sabado.

Pero naaalala kong ka-text ko siya sa bus sa biyahe pauwi. Sabi niya, “Walang news test.” Naaalala kong napag-usapan namin ang pesteng pustahang date.

Naaalala ko pang bumaba ako sa SM Pampanga dahil hinihintay ako ni Mama, Ate Pat at Quiel. Naaalala ko pang inabangan ako ni Ate Pat sa labas ng sinehan dahil nag-umpisa na ang panonoorin naming pelikula – yup, Dark Knight Rises.

Habang nasa sinehan, pumayag akong makipag-date at manlibre, nang Tuesday dahil wala kaming pasok. (Malandi rin naman pala.)

Nilibre ko siya ng Dark Knight Rises at nagpanggap akong hindi ko pa napapanood. Inakbayan niya ako no’n. Simula no’n, inaakbayan niya na ako ‘pag hinahatid pagkatapos naming kumain ng dinner with friends after Wednesday class.

Nagsayang siya ng pera do’n sa stuff toy machine sa Tom’s World. Lagi niyang pinagmamalaki sa ‘kin na magaling siya kumuha ng stuff toy sa mga gano’ng makina, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya napapatunayan.

Nilibre niya ako sa Lydia’s Lechon at lagi niya akong inaasar (hanggang ngayon) na no’ng tanungin niya ako kung anong gusto ko, sumagot ako ng “kahit ano.”

Mas madaldal pa ako no’n ‘pag kausap siya sa chat o text kaya mostly, siya ang nagkwento habang kumakain kami. Ang kwento na no’n, tungkol sa kabataan niya sa Novaliches. Nakangiti lang akong nakikinig.

Sinilip ko pa no’n ang resibo para makita kung nalagpasan niya ang binayad ko sa sinehan. Gusto ko sigurong patunayan na hindi ako ang nakalamang ng libre sa first date ko ever all my life. Lumagpas naman ng three pesos. Isa rin sa mga sinilip ko ang screen ng cellphone niya. Nakita kong may ka-text siyang girlie.

Pero hindi ko na binanggit.

Hinatid niya ako sa dorm. Sabi niya may kikitain pa raw siya. Hindi ko na tinanong kung sino.

Naitago ko ang lahat ng movie tickets sa bawat date namin buong “landian” taon. May isang natapon, no’ng siya ang nag-bulsa – “The Reunion”.

No’ng kami-na-may-label-na-officially-wala-nang-girlie-sa-wakas-thank-you-Lord, dinidikit ko naman ang mga movie ticket at resibo ng date sa planner ko.

Kung tatanungin ako kung bakit hindi ako bumitiw, isasagot ko ang gasgas nang ‘hindi ka naman nagmamahal para mahalin pabalik’. Pero isa lang ‘yon sa mga dahilan. Siguro, mas matimbang na rason – alam kong hindi ako magsasawang makinig sa mga kwento niya, at siya, sa mga kwento ko.

Four years na rin pala. Sinong mag-aakala na ngayon, resibo na ng vaccine, diaper at gatas ang itatago ko.

Buti na lang, hindi natuloy ang news test.

(24 July 2016)

 

Advertisements

Kulang

Hindi ko naman hinangad na maging number one. Gusto ko lang naman, maging sapat para sa kanya. Pero kahit anong pilit, hindi pa rin.

“Kapag hindi ka nag-Magna Cum Laude, hindi ako a-attend ng graduation mo,” sigaw ng boses sa kabilang linya. Hindi na lang ako umimik. Unti-unting lumuwang ang yakap ng mga daliri ko sa cellphone, kasabay ng paglakas lalo ng kanyang boses at pagbilis ng kanyang pagsasalita.

“Mahiya ka sa ate mong Registered Pharmacist. Eh ikaw, ano ka? Ang problema sayo masyado kang nagre-relax, puro ka barkada. Nag-boyfriend ka pa, akala mo mauubusan ka ng lalaki.”

Naramdaman ko ang pagtulo ng luha. Isa, dalawa, tatlo, hanggang hindi ko na mapigilan. Pero kahit kailan, hindi ko kayang sumagot sa kanya. Suminghot-singhot na lang ako.

“Ano? Maawa ka sa Papa mo, nagta-trabaho para makapag-aral ka. Pinagbibigyan ka sa lahat ng gusto mo, anong ginagawa mo? Loka, umayos ka. Hindi lang kita napagsasabihan pero napapansin ko ‘yang mga ginagawa mo,” Ano bang ginagawa ko? Hindi pa rin ako nagsalita. Narinig ko na lang ang pagbaba niya ng telepono.

Sinusumpong na naman si Mama.

• • •

Hindi ko na namalayan, pero dumating na lang sa puntong tuwing sasabihin ko kay Mama na, “Ma, DL pa rin ako,” hindi na siya magugulat. Ngingiti lang siya at sasabihing, “Good, anak.” Hindi na namin mapag-uusapan. Naisip ko na lang, siguro, sanay na siya.

Simula kasi pagkabata (O simula n’ung nabundol ako ng bumper ng sasakyan sa ulo habang tumatawid at nadapa n’ung nursery. Bago kasi ‘yun, pang-9 lang ako sa klase), naging hobby ko na ang paghahakot ng awards. Isang beses lang ako hindi first honor n’ung elementary – n’ung Grade 2 ako, dahil may policy ang school na hindi pwedeng mag-honor ‘pag transferee- at madalas, higit sa isang medal ang nakukuha ko tuwing recognition. 19 medals, Valedictorian, n’ung elementary. Anim naman n’ung 4th year, tatlong framed certificates galing sa malaking Luzon wide contest ng CBCP, at First Honorable Mention.

Pero kahit gan’un, ako pa rin ang paboritong pinapagalitan. Palagay ko, hindi na makalimutan ni Mama ‘yung nahuli niya akong nagvi-videoke sa may kainan sa harap ng school n’ung Grade 5 pa lang ako. Hindi ako agad umuuwi (hindi ko agad sinisipot ‘yung service kong tricycle) kasi nagvi-videoke pa ako. ‘Yun ang unang sermon na napalo ako ng ruler sa braso. At simula n’un, (sabi ni Mama), nawalan na siya ng tiwala sa’kin.

Pag tuntong ng High School, sinubukan ko namang ibalik ang tiwalang nawala pero dahil aktibo at laging sumasali sa kung anong contest, ginagabi ako ng uwi at ‘di naman siya naniniwalang school ang dahilan. Lagi akong gala, lakwatsera, nababarkada, pabaya kaya First Honorable Mention lang nag-graduate kahit kaya kong mag-Valedictorian. Lakwatsera pero buong buhay ko n’ung high school, isang beses lang yata ako nakapag-mall kasama ang mga kaibigan ko. Pabaya, pero kung hindi pagre-review para sa exam o recitation ang inaatupag ko, pagre-review naman para sa kung anong contest.

Ewan ko ba, pero sa mata ni Mama, ako ang pasaway. Alibughang anak ang peg ko sa bahay. Ako ang burara sa gamit (inaamin ko naman), ang laging nakakalimot magpatay ng ilaw at electricfan sa mga kwartong hindi ginagamit o mag-flush ng toilet (kahit minsan, hindi naman talaga ako), ang laging nakababasag ng mga plato’t baso (kahit huli yata akong nakabasag n’ung 9-years-old pa ako) at ang nakawala o nakaiwan ng payong, baby book sa clinic ni Doctora, pinabitbit niyang biniling tocino o kung ano man (makakalimutin kasi talaga ako).

Ako ang kamukha niya sa’ming tatlong magkakapatid (ang tawag sa akin sa’min ay “Little Gina”) pero hindi ako ang paborito.

Nagiging paborito lang ako sa tuwing lalayas ang katulong dahil napagod sa endless sermon. Ako agad ang substitute. Si Mama, naku, sobrang partikular pagdating sa paglilinis ng bahay. Hindi pwedeng basta mop ang gamit sa paglalampaso, kailangan kamay at basahan ang gamit. Feeling ko ako si Cinderella sa tuwing nawawalan kami ng katulong. Tumataba nga ang puso ko kasi kapag may bisita, puring-puri lagi ang bahay. “Ang linis naman dito sa inyo.” Gusto kong sabihing, “ako po ang nag-lampaso.”

Hindi kasi pwedeng mag-lampaso si ate o si bunso, may asthma sila, kaya ako lagi. Ako din ang paboritong utusan bumili ng merienda sa tindahan o barbecue sa kanto kapag walang ulam. Official taga-hiwa rin ako ng sibuyas, bawang, kamatis at mga gulay para sa iluluto niya. Ako din ang inuutusang pumunta sa bahay ni ganito o ni ganyan dahil may ipapaabot. Ang trabaho ni ate, mag-tupi ng bagong labang damit at ilagay sa mga cabinet. Si bunso, mag-refill ng mga pitsel na walang laman. Sa’kin na ‘yung iba. At syempre, ako ang taga-masahe ng paa’t kamay bago matulog.

• • •

Alam ko namang mahal na mahal ako ni Mama. Pero hindi ko alam kung alam niya bang mahal na mahal ko siya. ‘Di ko makalimutan n’ung uminom siya ng chlorox dahil sa sama ng loob kay Papa. Humahagulgol ako n’un at hindi nila ako mapatahan. Niyakap ako ni Mama. Sabi niya, “Mahal na mahal mo pala ako, anak. Tama na. Hindi ko na gagawin ‘yun uli.”

Bilib ako kay Mama dahil kinaya niya lahat.  Nasaksihan ko kung pa’no niya tinago ang sakit n’ung uti-unti na silang nagkakahiwalay ni Papa. ‘Yung gabi-gabi nilang sigawan sa telepono, mga pag-iyak ni Mama habang akala niya tulog na kaming magkakapatid.

Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na tapos na talaga sila ni Papa, na kailangan pa rin niyang kausapin ang lalaking nanakit at nang-iwan sa kanya dahil dapat silang maging maayos, maging sibil kung hindi magkaibigan, para maipagpatuloy ni Papa ang pagtustos sa mga pangangailangan namin. N’ung nag-abroad kasi siya, nag-resign na si Mama para matutukan kaming magkakapatid.

Sobrang bilib ako kay Mama. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na hanggang d’un na lang talaga sila ni Papa, at ang kung ano mang ini-imagine niyang happily ever after nila ni Papa, ‘di na mangyayari.

Bawat pag-iyak ni Mama, ‘di namin pansing magkakapatid. Kahit magkakatabing matulog sa iisang kwarto, hindi talaga kami ‘yung madramang tipo ng pamilya na pinag-uusapan ang problema habang nag-iiyakan tapos magyayakapan. Isang beses lang kami nag-iyakan habang nagyayakapan – n’ung uminom ng chlorox si Mama. Kahit n’un, hindi namin pinag-usapan ang problema.

Ako, alam ko lang na wala akong magagawa. Alam kong hindi mapapatahan ng yakap o haplos ko ang bawat pag-iyak ni Mama. Hindi ako sapat para maghilom lahat ng sugat. Kaya wala akong ginawa. Nag-aral na lang ako ng mabuti.Pumasok ako sa school at sa paglabas ko ng pinto ng bahay, iniiwan ko d’un ang problema. Pinagpatuloy ko ang nakagawiang paghakot ng kung anu-anong awards. Kapag nasa school ako, lalo na sa tuwing may bagong quiz bee o spelling bee o essay writing contest, nakakalimutan ko na may nanay akong mag-isa sa bahay, umiiyak siguro. Nakakalimutan ko na malapit nang masira ang pamilya ko.

Ayokong isipin ang problema. Ayokong magtanong kung ano na nga ba talagang nangyayari. Ang kwentong alam ko, pinagtagpi-tagpi mula sa mga gabing nakikinig ako sa away nila sa telepono. May babae, ayaw pakasalan si Papa para maging legal siya sa States. Sa pakikinig ko lang nga nalaman na hiwalay na pala sila ni Mama, matagal na. Hindi ako nagtanong, nakinig lang ako sa bawat pag-uusap tuwing gabi, habang nababasa ng luha ang unan ko at pinipigilan ko ang bawat hikbi at singhot.

Hanggang sa tumigil ang sigawan, natapos ang pag-iyak, at ‘eto na kami ngayon.

May mga problema palang natatapos kahit kailan man, hindi pinag-usapan.

• • •

Kung ako ang dumanas ng gan’ung klaseng sakit, mas matigas pa siguro ako kay Mama ngayon.

Pilit kong iniintindi kung bakit madalas siyang magsungit, o madaling magalit. Kapag nagsisimula na akong magkimkim ng sama ng loob, pilit kong inaalala kung paano siya mataranta at tumawag sa tita kong nurse o sa secretary ni Doktora ‘pag may sakit ako, kung paano niya ako pinasasalubungan ng yellow na bag o wallet o pouch, o sleeveless na blouse, o makukulay na ballpen, o mga may disenyong papel at notebook, dahil alam niyang gusto ko. Iniisip ko kung paano siya nag-aral magluto ng sinigang (at dinadamihan ang pechay at pinapaasim pa ang sabaw dahil gusto ko) at adobong pusit – mga paborito kong pagkain. O kung paano niya sinabing mapapatay niya ang lalaking nagpaiyak sa’kin.

Bawat sermon ni Mama, gusto kong isumbat ang nakuhang mga medalya. Bawat akusasyon na gala ako, pabaya, at walang inatupag kun’di lakwatsa, gusto kong isigaw na lahat ng pagsisikap sa pag-aaral ay para sa kanya.

• • •

Kahit kailan, hindi ko ginustong maging number one.

Hindi ako nagsikap dahil sa kung anong pangarap para sa sarili ko. Nagsikap ako kasi akala ko, magiging masaya si Mama dahil may anak siyang tulad ko. Gusto kong mapangiti siya kahit sandali, malimot man lang niya lahat ng hapdi, sa bawat panalo ko. Hindi ko kasi alam kung ano bang pwede kong gawin, kaya wala akong ginawa kun’di magpapansin. Ang kaso, hindi pa rin sapat.

Sa bawat utos, wala akong reklamo. Kapag kinukumpara ako sa ate kong mas responsable at mas malinis sa gamit at mas masunurin, o kapag mas pinagbibigyan si bunso dahil “mas bata,” hindi ako nanunumbat. Humihiling na lang ako na sana, balang araw, mapansin niya ang mga ginagawa kong tama, hindi lang ang nakikita niyang mga pagkakamali ko.

Sinusubukan kong maging perpekto pero kulang pa rin. Iniiwasan kong magkamali pero may napupuna pa rin. Minsan, pagod na pagod na akong maging ako. Madalas, pagod na akong magpapansin. Pero ‘di pa rin ako tumitigil.

Kahit alam kong makakuha man ako ng ilang awards, o soaring-flying man ang GWA ko at mapasaya ko man siya sa pagpupumilit kong maging perpekto, hindi mapapantayan ang sayang pwede nararamdaman sana niya kung nandito pa si Papa.

Hindi ko siya mapapasaya. Dahil alam kong hindi ko na maibabalik ang oras, at hindi ko na siya mayayakap n’ung mga gabing may sigawan at iyakan. N’ung mga gabing akala ko, wala akong magagawa, masisira ang dapat masira. Pero ang totoo natakot lang akong may gawin.

At ngayong wala na, ngayong huli na, wala na nga akong magagawa, kun’di subukang maging number one. Baka sakaling mag-number one din ako sa taong kahit anong mangyari, number one sa puso ko.

Baka sakaling pag-akyat ni Mama ng entablado para sabitan ako ng medalyang pang-Magna, maramdaman niya na. Lahat ng ginagawa ko ay para sumaya na siya.

Si Lola

Ang hirap magpigil ng luha. Nakatingin lang ako sa kanya; nagpupumilit akong ngumiti. Tahimik. Parang may kamay na nakahawak ng mahigpit sa lalamunan ko, pinipigilan ang bawat salitang gustong ilabas ng bibig. Nababalot ng lamig ang puso ko, lamig na gumagapang, umiikot sa baga, sa bituka, sa buong pagkatao ko.

Malapit na siyang kunin pero parang wala lang sa amin. Parang normal na araw lang, tulad ng dati. Normal na araw na matatapos na halos hindi kami nag-uusap. Mga normal na araw na sa sobrang dami, ni hindi ko naisip na bilang pala at mauubos din.

• • •

Nakakainis. Istorbo sa tulog ang pagbangon sa madaling araw para pagbuksan ng pinto si Lola. Lagi na lang ako, kasi ako lang naman ang pumapayag na tumayo mula sa mahimbing na tulog. At kahit gusto nila Mama, ako pa rin naman ang tinatawag ni Lola. “Bum… bum…” habang walang tigil na kumakatok sa pinto. Babangon ako, at halos ayaw kong imulat ang mga mata ko sa takot na makakita ng white lady sa madilim na sala. Bubuksan ang pinto, at papasok si Lola. Minsan, hindi ako papansinin. Minsan, galit, kasi ang tagal bago ko buksan ang pinto. Kadalasan, ngingitian ako bago pumasok.

Inabot nanaman ng madaling-araw ang reyna ng sugal.

Pagsapit ng umaga, kung hindi bangayan nina Mama at Lola ang magsisimula ng araw ko, si Lola rin na tumatawag sa’kin. Syempre, mas gusto ko na ‘yung pangalawa. Nakakapagod kasi ang ulit-ulit nilang pag-aaway tungkol sa pagsusugal ni Lola, tapos ilang araw silang hindi nagpapansinan, tapos magbabati, at mag-aaway ulit.

“Bum…” tawag niya.

Ginising na nga ako ng madaling-araw, siya pa ang gigising sa akin sa umaga. Paglapit ko, hahalikan ako agad. Ilalapit ko sa kanya ang ulo ko, kasi ayaw kong nagpapahalik sa kanya sa pisngi. Amoy beha kasi siya, amoy sigarilyo. Matapos humalik, uutusan niya akong bumili ng coke at boy bawang. Kahit na halatang-halata sa mukha ko na ayokong lumabas. Pero hindi ko siya matitiis, kaya wala rin akong takas.

Kahit kailan, hindi niya ako pinalo. Kahit na si ate, ipinasok niya sa sako. At si bunso, pinalo niya na ng  hanger. Si Bum, hindi. Si Bum ang paboritong apo. Si Bum, dahil n’ung sanggol pa siya, iyak siya ng iyak dahil sa lagnat, ayaw ni Lola na paliguan siya. Hindi pwedeng paliguan ang batang may lagnat, sabi niya. Sa kakaiyak, bigla na lang tumahimik si Bum. Nakabukas ang bibig at hindi na humihinga. Isinugod siya sa ospital, at sa kabutihang palad, hindi naman napahamak pa. Simula n’un, siya na ang pinakamahal ni Lola. Simula n’un, bantay-sarado na si Bum kay Lola. Hinahatid siya sa eskwela, at hihintayin hanggang pag-uwi. Kapag nasa bahay, hindi makapaglaro sa labas si Bum dahil ayaw ni Lola. Hindi siya pwedeng masugatan, kahit maliit na galos man lang. Hindi siya pwedeng mapabayaan. At simula n’un, sa mata ni Lola, si Bum lang ang matalino. Si Bum lang ang maganda. “Pinakamaganda sa balat ng lupa” si Bum.

Si Mama, kay bunso. Si Papa, kay Ate. Ako, si Bum, kay Lola.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, n’ung elementary ako, lagi akong umiiyak dahil tinutukso ako ng mga kaklase ko. Buko dahil malaki ang noo. Dwende dahil maliit. Kamatis dahil pula at malaki ang ilong. Pero hindi ako umuuwi na umiiyak. Alam kong papagalitan ako ni Mama at sasabihin lang niyang wag akong paapekto. Ako pa ang uulanin ng sermon. Pero minsan, sa sobrang sakit ng loob ko sa kaklase kong nang-asar sa akin, hindi ko naiwasan umuwi na humahagulgol. Pagpasok ng gate ng bahay, sakay ng tri-bike ng hatid-sundo kong si Kuya Amang, hindi ako makatayo sa kakaiyak. Nasa garahe si Lola. Tinanong kung bakit ako umiyak, sumakay ng tri-bike, bumalik sa eskwelahan. Tinuro ko ‘yung lalaking nagpaiyak sa akin. Lumapit si Lola, hinawakan ito sa kwelyo, inangat at binantaan. Wag na raw akong paiiyakin. Ibinaba niyang takot na takot ang kaklase ko. Simula n’un, bihira na akong tuksuhin sa eskwelahan.

Si Lola din ang kasama ko n’ung first communion ko. Kakanta ako n’un ng Responsorial Psalm kaya inayusan niya ako. Naalala kong habang kumakanta, nakita kong nakangiti at natatawa ang mga guro kong nakaupo sa harapan. Akala ko n’un, natutuwa sila sa pagkanta ko. Nalaman kong tinatawanan nila ang makapal na blush-on na nilagay ni Lola bago kami umalis. Pulang-pulang pisngi, at pati labi, katulad ng sa kanya.

Tuwing umaga, ipagluluto niya kaming magkakapatid ng sinangag tsaka itlog na may sibuyas, tapos nakahilera kami sa mesa at sinusubuan niya kami ng nagkakamay. Isa-isa kaming lalapit, pumapatong pa nga minsan sa mesa. Isa o dalawang beses sa isang linggo namin inaalmusal ‘yun. Nakakasawa pero nakasanayan. May isang beses na tumakbo pa ako sa banyo para iluwa ‘yun sa basurahan kasi ayaw ko talaga ang lasa. Pero kailangang kainin. Kasi luto ni Lola.

Kapag may sipon ako at maririnig ako ni Lolang sumisinghot, kukuha siya agad ng maduming damit sa labahan. Lalapit sa’kin, hahawakan ako sa ulo, itatapat sa ilong ko ang damit, at uutusan ako, “Singa.” Hindi kami titigil hangga’t sa palagay niya, may sipon pang natira. Kahit na parang hindi nauubos. “Singa,” utos niya. Kahit na pakiramdam ko dudugo na ang ilong ko at wala ng akong sipong ilalabas pa, “Singa,” at sisinga ako dahil utos ni Lola.

Sa tuwing meron akong lagnat, kailangan sa tabi ni Lola matulog. Papatungan niya ng bimpong may suka ang noo ko, na sa asim ay minsan, hindi ako makatulog. Sa kalagitnaan ng gabi, uutusan niya akong huminga sa kamay niya, at kapag mainit pa ang hininga ko, may lagnat pa ako. Mainit naman talaga ang hininga, ‘di ba? Kaya laging may lagnat pa din si Bum. Hindi matutulog si Lola, buong gabi akong pinapaypayan, buong gabi akong binabantayan. Hindi napapagod. Basta, para kay Bum.

N’ung 17th birthday ko, at malungkot ako dahil walang handa, pinapatay ni Lola ang dalawang manok sa bakuran, at inadobo, para kahit papano may mapagsaluhan. Nagpabili pa nga siya ng cake kay Kuya Amang. Tuwang-tuwa ako at gustung-gusto ko ng i-text ang mga kaibigan ko na pumunta na sa bahay. Pero nagkataong n’ung araw na ‘yon, may meeting sina Mama at ang mga kasama niyang nag-aayos ng fiesta ng barangay. Pinakain sila ni Mama ng adobong manok at cake, at inutusan niya akong bumili ng dalawang 1.5 na coke at yelo sa tindahan. Pagkabigay ko sa kanila ng coke, sinalubong ako ng maraming “Happy birthday” mula sa mga bibig na ngumunguya ng adobong manok. Hiningi ni Mama ang sukli sa coke at yelo, at dahil hindi ko alam anong gagawin ko, umalis na lang ako. Umakyat ako sa kwarto, umupo sa tapat ng electric fan at bumulong, “Okay lang. ‘Di ako iiyak kasi birthday ko.” Sumilip si Lola sa pinto at ngumiting malungkot. Ngumiti na lang din ako. Pag-alis niya, hindi ko na napigilang humagulgol. “Buti pa si Lola,” sabay singhot.

N’ung lumalaki ako, lagi akong pinupuri ni Lola na maganda’t matalino’t mabait. Kahit n’ung malaki na ako ay hinahalikan niya pa rin niya ako sa noo, at kinakantahan ng mga kantang simula sanggol pa ako ay naririnig ko na. “Bum bum, ang ganda-ganda ni Bum bum.” Sabay halik sa noo, halik na matagal, halik na sinisinghot ang ulo ko, halik na parang hinding-hindi matatapos. Dahil si Bum at si Bum lang ang paboritong apo ni Lola.

Si Bum, ang kasabay ni Lola sa pagkanta sa karaoke ng Fascination, Only You at Diana. Kung hindi sasabay si Bum, hindi kakanta si Lola. Si Lola at si Bum. Si Bum at si Lola.

Si Lola, ang Reyna ng barangay. Pagkatapos kumain ng pananghalian, lalabas na siya, hawak ang kanyang payong, may araw man o wala. Bibisita sa apat na sitio ng barangay, pupunta kung saan niya trip magsugal. Si Lola, ang Reyna. Ang Reyna na  kilala ng lahat, nirerespeto, at minamahal. Mahal na mahal siya ng mga tao sa labas ng apat na sulok ng kanyang bahay – ang bahay kung saan kami nakikitira, dahil iniwan kami ni Papa na walang sariling lupang matatawag na sa amin.

Si Lola, na halos mag-iiyak sa harap kong sinasabing may lalaki si Mama. Si Lola, na isang araw na napuno, sinigawan si Mama, at kumuha ng kutsilyo. Sinugod si Mama at sa sala, sa harap ko, ni ate at ni bunso, unti-unting nilapitan si Mama. Humarang si ate kay Mama. Tinulak si Lola palayo. Yakap ko si bunso, hindi kami halos makatayo. Si Lola, na simula n’un, ay halos hindi na nila kausapin. Si Lola, na hindi ko pinaniwalaan at pinagtaniman ko ng sama ng loob. Si Lola, na kahit kailan, hindi ako sinaktan.

Si Mama, si ate at si bunso, laban kay Lola. Wala akong ginawa. Hindi ko pinansin ang bangayan na araw-araw na gumigising sa akin. Sa pagdaan ng mga taon, wala akong ginawa at nasanay ako ag an’un. Halos hindi nag-uusap sina Mama at Lola, magpapabili ng meryendang coke at boy bawang si Lola sa tindahan, manananghalian si Lola (minsan sa kapitbahay na), aalis para magsugal, babalik ng madaling-araw, tatawagin si Bum. Mga normal na araw, na unti-unting naubos na hindi ko namamalayan.

Nabawasan din ang pagsusugal ni Lola. Nagtataka ako n’un kung bakit nasa kwarto na lang siya, nakahiga, at lalabas lang kung kakain. Minsan, magsusugal pa din, pero maaga na ang uwi. Pati si Mama, nag-alala. Pina-check-up namin siya at wala namang nakitang malala. Dumating sa puntong binibigyan na ni Mama ng pang-sugal si Lola para siya mismo ang magkusang lumabas. Pero nanghina siya. Wala pa din akong ginawa.

Nagkasakit si Lola, nasa kolehiyo na ako. At sa isang iglap, nag-uusap na sila uli ni Mama. Dahil malaki naman ang kita ng dalawang anak ni Lola sa abroad, pinadala siya sa pinakamagandang ospital sa Maynila. Cancer of the ovary ang sakit ni Lola. Stage four. Inoperahan siya para tanggalin ang mga malignant na ceast, pero hindi na natanggal. Open-close ang operasyon, sabi ni Mama. Binuksan, para lang isara ulit. Hindi na sinabi kay Lola na hindi natanggal ang mga bukol sa ovary niya. Hindi niya nalaman pero alam kong alam niya.

Dalawang buwan na ang nakalipas at higit kalahating-milyon na ang bill sa ospital. Ipinalipat ng mga Tito ko si Lola sa pampublikong ospital, may discount kasi dahil Hukbalahap si Lolo. Pampublikong ospital ‘yon na ibang-iba doon sa pribado, kung saan alagang-alaga si Lola ng mga doktor at nars. Sa araw ng paglilipat una kong nakitang iyakan ni Mama ang kalagayan ni Lola. Habang nakahiga si Lola sa hindi kumportableng kama, nakaupo si Mama sa sulok ng bagong kwarto, nakatingin sa kanya, at hindi mapigil ang luha. Iniyakan niya ako n’un. “Kung mayaman lang tayo tulad ng mga tito mo, anak, hindi natin ililipat ng ospital ang Lola mo. Kumikita sila ng milyon, anak. Pero sumusuko na sila. Wala tayong magagawa.”  Hindi dapat nilipat si Lola. Hindi sila dapat sumuko.

Tuwing dumadalaw ako kay Lola, nag-uusap kami na parang wala siyang sakit. Kung anu-ano lang na walang kakwenta-kwentang bagay. Hindi ko din siya matignan sa mata dahil alam kong iiyak lang ako. Ayaw kong ipakita kay Lola na nasasaktan ako, na nahihirapan ako, dahil alam kong mas masakit ang pinagdadaanan niya. Isang beses lang siya may nabanggit tungkol sa sakit niya. Kinumusta niya si bunso na pinagbawalan ni Mama na dumalaw sa ospital. “Hindi ko na siya makikita.”

Hindi ko makakalimutan ‘yung huling dalaw ko kay Lola, nanonood kami ng Eat Bulaga sa maliit na TV sa kwarto niya. Payat na payat na siya. Nakatakip naman ng kumot ang tiyan niya, pero nakita ko pa rin ang bakal na nagdidikit sa hati n’ung inoperahan siya. Hindi magawang tanggalin dahil ang hindi na gumagaling ang sugat. Kinukumusta niya ang bahay, ang mga grades ko sa school, at binibilinan akong h’wag munang mag-asawa at magtapos muna sa pag-aaral. Ayokong makinig kasi pakiramdam ko namamaalam na siya. Hindi ko kayang mawala si Lola. Bumaho ang kwarto at napatingin ako sa kanya, namimilipit sa sakit ang mukha niya. Maya-maya’y inutusan niya akong tawagin ang caretaker niya, para palitan daw ang kanyang diaper kasi tumae siya. Nakuha niya pang matawa sa utos niya. Pero ako, hindi halos makangiti dahil kitang-kita ko ang paghihirap niya.

Sa mga huling sandali ni Lola ay wala ako. Wala ako dahil may quiz sa major subject kinabukasan. Wala ako, at hinahanap niya ako. Wala ako. Hindi ko alam kung kailan ko mapapatawad ang sarili ko dahil do’n. Hanggang ngayon, hindi pa rin. Hanggang ngayon, gusto ko pa ring ibalik ang oras, makapagpaalam man lang kay Lola. Pero hindi ko din siguro kakayanin.

Si Bum at si Lola. Si Lola at si Bum. Ngayon, si Bum na lang.

Ang sakit ipatanggap sa sarili ko na wala na, wala ng papansin sa akin pag maganda ang suot ko, kapag maganda ang buhok ko, kapag mataas ang grades ko, kapag mabunganga ako, kapag tahimik ako, kapag sobrang saya ko, o sobrang lungkot ko. Wala ng magsasabi sa akin na ako ang pinakamaganda at pinakamatalino at pinakamagaling at pinakamahal, kasi sa mata lang naman ni Lola bida si Bum. At sapat na siya para sa akin. Sa akin tuloy, wala ng pinaka-nagmamahal. Ang sakit na wala na yung iisang tao na unang-una ako sa puso.

Araw-araw ko siyang mami-miss.

• • •

Ilang taon na siyang wala. Ngayon, ang normal na araw ko ay gan’un pa din. Hindi na nga lang ako bumibili ng coke at boy bawang pang-meryenda ni Lola. Matutulog ako at babangon, pagbubuksan si Mama na madaling-araw na nakauwi dahil sa sugal. Kinabukasan, gigising ako dahil sa inaaway na naman ni Mama ang kasambahay. Normal na araw.

Miss ko na si Lola.