Mundo ng mga Titi, version 2.0

Lunes nang umaga ‘yon. Badtrip na si Jelo sa ‘kin dahil ang bagal ko raw kumilos—na totoo naman. Male-late na raw siya.  Tiningnan niya ako nang masama habang nagsusuot ako ng sapatos sa tapat ng pintuan ng bahay. Napailing habang naglalakad papunta sa gate.

Nagmadali na akong sundan siya. Nakalabas na siya ng gate kaya nauna siya sa ‘kin sa paglalakad pagpunta sa sakayan. Kaya siguro, akala ng lalaking nagsabi sa ‘kin ng “Labyu”, mag-isa lang ako.

May sigarilyo sa bibig, Nakapulang t-shirt na malaki para sa payat niyang katawan. Nanlalagkit ang buhok sa langis. Itim at maluwang ang suot na shorts. “Labyu,” narinig ko. Sinabi niya sa ‘kin, medyo mahina, nang magkasalubong kami.

Kaya naman, tulad nang nakagawian, tumalikod ako at sinigawan ko siya ng “Tangina mo!” Pagharap kong muli sa nilalakaran, nakita kong patakbo na si Jelo sa lalaki. Muntik na niya akong mabangga. Dali-dali akong sumunod.

Hinila niya ito sa manggas. “Anong sabi mo?” Nagulat ang lalaki, at syempre, nagmaang-maangan. Tumingin si Jelo sa ‘kin. “Anong sabi nito?”

“Labyu raw.”

Hinigpitan ni Jelo ang hawak sa lalaki. “Alam mo bang pwede kitang ipa-pulis? Bawal ‘yan dito, eh!”

“Brad, wala akong sinabi! Kagigising ko lang,” sabi nito, habang sinusubukang pumiglas.

“Sa’n ka pupunta? Dadalhin kita sa presinto. Halika dito,” kalmado si Jelo habang hinihila ang lalaki. Nakangisi. “Sasama ka sa ‘kin, o bibigwasan kita?”

Sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Gusto kong sabihin sa kanyang, “tara na, male-late ka na.” o kaya “hayaan mo na,” pero nakakasawang mabastos. No’ng umagang ‘yon, nakapantalon ako. Hindi na nga ako naka-shorts tulad nang madalas (maluwang kasi ang dress code sa opisina). Nakapantalon na nga ako, pero may nag-catcall pa rin.

Dahil ang pagiging bastos, nasa utak ng mga manyakis, at hindi kasalanan ng damit ng babae.

Pilit na sinasabi ng lalaki na kagigising lang niya at wala raw siyang sinasabi. Pero hinihila lang siya ni Jelo. Hanggang sa makita kami ni Mommy, Lola ni Jelo. Hawak-hawak niya pa si Lumi. Pumagitan siya sa dalawang lalaki. “Bakit ba?” sabi niya.

“Binastos si Iza, eh,” sagot ni Jelo.

Tinulak ni Mommy ang lalaki. “Sige na, umalis ka na,” sabi niya.

Tumalikod na si Jelo. Mabilis kong ipinaliwanag kay Mommy ang nangyari. Humalik ako kay Lumi at sinundan ko nang muli si Jelo.

 

Minsan, tinatawanan ako ng mga kasama ko tuwing sisigawan ko ang mga lalaking kakantyaw ng “hi, babe,” “hi, ganda!,” “ingat,” o “sexy”. Pero matagal-tagal ko na ring ipinangako sa sarili ko na hindi na ako mananahimik.

Bakit? Tanong nila.

No’ng isang araw, may isang batang lalaking nakasampa sa truck ng basura. Nang dumaan ito sa harap ko, sinigawan niya ako ng “Sexy!” Sobrang bata pa ito. Kaunti lang ang itinangkad niya sa anak kong isang taong gulang pa lang. Ito ang dahilan kung bakit.

Maraming mga babaeng pinagagalitan o pinapansin dahil naka-shorts, o naka-sleeveless, o maikli ang suot. Malandi raw ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit.

May viral post sa social media ng usapan sa chat group ng mga kolehiyong kalalakihan. Pinagpipiyestahan nila ang isang menor de edad dahil “masarap daw itong bastusin”. Ito ang dahilan kung bakit.

May babaeng palihim na lumuluha matapos hipuan sa pampublikong sasakyan, at masabihan ng konduktor ng “bakit ganyan kasi ang suot mo?” nang magsumbong ito. Ito ang dahilan kung bakit.

Nang minsang ipaglaban ko sa mga kaibigan kung bakit hindi dapat kinekwestyon ang kasuotan ng mga kababaihan, wala ni isa man sa kanila ang kumampi sa ‘kin. Karamihan sa amin na nag-uusap no’n, mga babae. Ito ang dahilan kung bakit.

 

Hindi ito ang unang akda na sinulat ko tungkol dito. Ang una, pinamagatan kong “Mundo ng mga Titi”. Ikinwento ko dito ang mga pambabastos na naranasan ko.

Tinanong ako ni Jelo no’n, “Okay, pero anong ginagawa mo?” Sabi niya, marami na raw naisulat na gano’ng akda sa dalas nitong mangyari. Maiiba lang ang sinulat ko, kung pipiliin kong may gawin. Nalulungkot daw siya na hindi niya ako naturuang ipagtanggol ang sarili ko, maging matapang at lumaban.

Simula no’n, pinauulanan ko na ng mura ang kahit na sinong mambastos sa ‘kin. Kahit pa catcalling lang, dahil hindi ito kailanman “lang”.

 

Alam kong hindi pa ito sapat. Pero ito ang aking simula.  Nakakalungkot na sa ngayon, sa Quezon City pa lang may ordinansang nagbabawal sa catcalling. Sana, lumawak pa ang sakop nang batas na ito, hanggang sa umabot ito sa buong bansa.

Masaya akong murahin ang mga lalaking nambabastos sa ‘kin. Sana sa susunod, madala ko na sila sa presinto.

Higit, masaya akong nakahanap ng lalaking ipaglalaban—hindi ako—kung ‘di ang paniniwalang basura ang misogynistic at sexist na pananaw ng mundo. Sana isang araw, hindi na mapanganib maging babae sa mundong ito.

15064196_10154827938914430_1098380511_o
“Sasama ka sa ‘kin, o bibigwasan kita?” (Reyes, 2016)

 

First Date

13691064_10154476184699430_7048909634676807270_o

Four years ago, July 24, 2012, ang first date namin ni Jelo.

Four years ago, July 24, 2012, ang first date ko, buong buhay ko.

Hindi ko pa no’n alam na hindi lang ako ang dine-date niya. Binibigyan niya ako ng hints – “Ang chicks ko talaga”, “marami akong crush”, pero ewan ko ba. Hindi talaga nagsi-sink in.

Malayo ako sa maharot pero kinilig ako nang ayain niya ako sa Facebook chat, kung san kami una at madalas na mag-usap. “I-date mo ako,” sabi niya. Hindi ko pa no’n alam na kapag sinabing “i-date mo ako” at hindi “date tayo”, ililibre mo ang taong nagsabi.

“Samahan mo ‘kong manood ng Dark Knight rises.”

“Libre mo?” sabi ko.

“I-date mo nga ako, eh. Edi libre mo,” kaya ko nalaman.

Guys, pa-demure naman ako ng very very slight no’n kahit crush na crush ko siya. Ayoko, sabi ko. Pero nangulit ang lolo niyo. Super landi niya no’ng time na ‘yon, kahit tanungin niyo pa siya, aamin ‘yan.

Sabi ko na lang, ililibre ko siya kapag walang news test sa subject namin kinabukasan. Magkaklase kami sa Journ no’n, at sa subject na ‘yon (Advanced Newswriting ‘ata, nakalimutan ko na), walang mintis na may quiz tungkol sa balita every meeting. So sabi niya, “imposible naman ‘yan, eh.”

Eh, ‘yun naman sana ang intensyon ko.

Pero bumagyo kinabukasan. Nasa labas na kaming lahat ng classroom nang i-announce na wala nang pasok. Nakaupo kami ng mga kaibigan ko sa bench sa labas ng classroom at tinabihan niya ako.

Hindi ko na maalala kung nag-usap pa ba kami no’n. Ang naaalala ko na lang, umuwi rin ako agad no’n sa probinsya dahil Sabado.

Pero naaalala kong ka-text ko siya sa bus sa biyahe pauwi. Sabi niya, “Walang news test.” Naaalala kong napag-usapan namin ang pesteng pustahang date.

Naaalala ko pang bumaba ako sa SM Pampanga dahil hinihintay ako ni Mama, Ate Pat at Quiel. Naaalala ko pang inabangan ako ni Ate Pat sa labas ng sinehan dahil nag-umpisa na ang panonoorin naming pelikula – yup, Dark Knight Rises.

Habang nasa sinehan, pumayag akong makipag-date at manlibre, nang Tuesday dahil wala kaming pasok. (Malandi rin naman pala.)

Nilibre ko siya ng Dark Knight Rises at nagpanggap akong hindi ko pa napapanood. Inakbayan niya ako no’n. Simula no’n, inaakbayan niya na ako ‘pag hinahatid pagkatapos naming kumain ng dinner with friends after Wednesday class.

Nagsayang siya ng pera do’n sa stuff toy machine sa Tom’s World. Lagi niyang pinagmamalaki sa ‘kin na magaling siya kumuha ng stuff toy sa mga gano’ng makina, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya napapatunayan.

Nilibre niya ako sa Lydia’s Lechon at lagi niya akong inaasar (hanggang ngayon) na no’ng tanungin niya ako kung anong gusto ko, sumagot ako ng “kahit ano.”

Mas madaldal pa ako no’n ‘pag kausap siya sa chat o text kaya mostly, siya ang nagkwento habang kumakain kami. Ang kwento na no’n, tungkol sa kabataan niya sa Novaliches. Nakangiti lang akong nakikinig.

Sinilip ko pa no’n ang resibo para makita kung nalagpasan niya ang binayad ko sa sinehan. Gusto ko sigurong patunayan na hindi ako ang nakalamang ng libre sa first date ko ever all my life. Lumagpas naman ng three pesos. Isa rin sa mga sinilip ko ang screen ng cellphone niya. Nakita kong may ka-text siyang girlie.

Pero hindi ko na binanggit.

Hinatid niya ako sa dorm. Sabi niya may kikitain pa raw siya. Hindi ko na tinanong kung sino.

Naitago ko ang lahat ng movie tickets sa bawat date namin buong “landian” taon. May isang natapon, no’ng siya ang nag-bulsa – “The Reunion”.

No’ng kami-na-may-label-na-officially-wala-nang-girlie-sa-wakas-thank-you-Lord, dinidikit ko naman ang mga movie ticket at resibo ng date sa planner ko.

Kung tatanungin ako kung bakit hindi ako bumitiw, isasagot ko ang gasgas nang ‘hindi ka naman nagmamahal para mahalin pabalik’. Pero isa lang ‘yon sa mga dahilan. Siguro, mas matimbang na rason – alam kong hindi ako magsasawang makinig sa mga kwento niya, at siya, sa mga kwento ko.

Four years na rin pala. Sinong mag-aakala na ngayon, resibo na ng vaccine, diaper at gatas ang itatago ko.

Buti na lang, hindi natuloy ang news test.

(24 July 2016)

 

Sa akin ka pinakamasaya

Sa tuwing nag-aalala ako dahil pakiramdam ko, mahal mo pa siya, lagi mong sinasabing sa akin ka pinakamasaya.

Ako, na pumulot sa lahat ng basag na piraso mo nang magpakawasak ka para sa kanya. Ako, na nagkasugat-sugat habang sinubukan kang buuin ulit. Ako, na napagod at napapagod na yakapin ka para manatiling dikit-dikit ang basag-basag mong piraso.

Sa akin ka pinakamasaya, sabi mo.

Pero kahit kailan, hindi mo gagawin sa akin ang lahat ng ginawa at kaya mong gawin para sa kanya. Hindi natin aalalahanin at paghahandaan ang mga mahahalagang araw. Hindi mo ipagsisigawang mahal mo ako. Hindi ka luluhod sa harap ko kung dumating man ang araw na iiwan kita, dahil hindi. Dahil sabi mo, sino mang umalis ay hinding-hindi mo na babalikan. Kaya hindi ka babalik sa akin kapag umalis ako, kahit sinabi mo rin sa akin na kapag siya ang bumalik, kakainin mo ang lahat ng sinabi mo.

May anino ng alaala niya kahit saan tayo lumingon. May bakas ng mapait pero gustong gusto mong kahapon. Sa kanta, pagkain, libro, lugar, palabas at pelikula, lahat, kaya mong ikonekta sa kanya. Kahit ilang beses mong ipilit na kinalimutan mo na ang nakaraan dahil sa akin, sa ngayon, ka pinakamasaya, ramdam ko ang pagpigil mong gumawa ng bagong alaala dahil matatabunan ang mga alaala niyang hanggang ngayon baon mo, araw araw.

Hindi ko kayang angkinin ang mga bagay na matagal mo nang isinuko sa kanya. Paano ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa espasyong nakuha na ng iba. Sa kanya ang isip mo pagmulat ng mata pagkagising at bago pumikit pagtulog, sa mga panaginip, sa rurok ng kalasingan. Kahit paulit-ulit kong pulutin ang basag-basag mong piraso, hindi ka mabubuo. Hindi mabubuo ang isang taong may nawawalang puso.

Sa akin ka pinakamasaya, alam ko, at gagawin ko ang lahat para sa ‘yo. Ako ang sasalo ng lahat ng lungkot mo. Kahit na bawat lilingon tayo, siya ang maaalala mo. Kahit pilit mong itago, nakikita ko. Kahit gusto ko nang maging bulag para maniwala akong ako na talaga ang mahal mo, alam kong kahit sa pinakamadilim, siya at siya pa rin.

Sa akin ka nga pinakamasaya.

Pero iba ang pinakamasaya sa pinakaminahal. Pwede kang maging pinakamasaya dahil pinakamasaya ka sa pagpili mong hindi na ibigay ang lahat.

Para hindi ka na maging pinakamalungkot.

It’s a Bird, it’s a Plane, it’s Superbump

Minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko.

Nu’ng isang araw, nagpa-renew ako ng passport sa DFA Pampanga, sa 2nd floor ng Robinsons Starmills.

Pagdating namin, nagkalat na ang maraming tao sa 2nd floor. Sa maliit na TV screen, nakasulat na 136 pa ang waiting applicants. Hindi ko alam kung kasama na du’n sa 136 ang mga tambay na may dalang folder na nakasandal sa pader ng mga shops na nakapalibot sa DFA, o ‘yung mga nakaupo lang sa mga nakahilerang itim na upuan sa labas ng DFA office. Usually, sa mga ganitong lakad, maaga ako ng isang oras sa pagbubukas ng opisina, dahil ina-anticipate ko nga ‘yung dami ng tao. Pero sa araw na ‘yon, 1PM na ako dumating dahil ‘yon ang oras na binigay ng kikitain kong travel agency liaison officer.

Sa totoo lang, hindi ko naman alam anong ginagawa ng liaison officer. Basta’t inabot ko sa kanya ‘yung mga forms at photocopy ng ID. Sabi niya, ipapa-verify niya lang daw at tatawagin niya ako. Nu’ng tinawag niya naman ako, pumila din ako kasama ng mga nakaupo sa mga nakahilerang itim na upuan. Wala rin naman ‘atang pinagkaiba ang pagkakaroon ng liaison officer du’n sa mga sila mismo ang nag-aapply. Kung meron man, hindi ko napansin, dahil pinagdaanan ko rin naman ang matagal na paghihintay at ang bawat proseso ng pagre-renew – verification, processing, payment at encoding. Halos tatlong oras din ang tinagal ng buong proseso. Nainggit tuloy ako du’n sa senior citizen na tinawag, pumasok at sampung minuto lang, nakalabas na.

Kaya minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko, at ang superpowers na kadikit nito.

Dahil tamad ako, bandang January to February ko na nitong taon inasikaso ang mga requirements para sa panganganak (May ang kabuwanan ko) at maternity leave sa opisina, gaya ng SSS at Philhealth. Mabuti na lang pala at hinintay kong lumobo na ang tiyan ko bago lakarin ang mga ito, dahil naging magical gate pass ang tiyan ko sa mga government offices. Para itong neon sign na nagsusumigaw ng “Hello, excuse me, yes, una ako.”

Naalala ko nu’n, 8 AM ako dumating sa Philhealth Ayala. Pagpasok ko, tinawag na ako sa counter 1. “’Yung buntis.” 8:15 AM, natapos na ako. Inagahan ko pa naman dahil 10 AM ang pasok ko sa opisina (malapit lang ang branch ng Philhealth na ‘yun sa office). Pero sa lagay na ‘yun, magrereklamo pa ba ako?

Sa SSS naman, pumunta ako kahit pwede namang online ang kailangan kong kopya ng monthly contributions. (Pa’no kasi, medyo bulok ‘yung website at ayaw gumana kapag nasa probinsya ako). Diretso na akong pinaakyat sa 2nd floor. Medyo syunga ako nu’n at nakatayo lang akong naghihintay na matapos si Lolo sa pakikipag-usap du’n sa lalaki nakaupo sa ilalim ng karatulang ADMINISTRATION. Hindi ko kasi alam kung kanino ako magtatanong. Nang lumipas ang 10 minutes at nakikipagkwentuhan pa rin siya kay sir tungkol sa mga anak niya sa US (Hindi ko rin alam pa’no napunta ru’n ang usapan nila), lumapit na ako sa random na staff at tinuro niya ako sa isang babae sa may RECORDS section. Siya na ang nag-register ng SSS number ko sa website at nag-print ng contributions ko. Dagdag pro rin ng pagiging buntis ang sobrang kabaitan ng mga tao. Tulad ni ma’am na ngiti ng ngiti sa ‘kin. May pabaon pa siyang “good luck sa panganganak mo,” bago ako bumaba.

Pagdating ko sa 1st floor, napag-tripan kong tanungin ang guard kung mabagal ba ang proseso ng pagkuha ng ID. Wala pa kasi akong government ID at napaaga na naman ako. Sabi niya sa ‘kin – kasabay ng stating-the-obvious expression sa mukha niya – “Mabilis lang ‘yan, buntis ka, eh.” Binigyan niya ako ng form at sinabing idiretso ko sa counter 1 pagkatapos. In less than 20 minutes, tapos na ang lahat, pati picture. Magang-maga ang mata, ilong at pisngi ko sa picture (7 months preggy), pero magrereklamo pa ba ako? Solb na dahil hindi naman ako pumila. (Nga lang, four months pa raw bago i-deliver ang ID sa postal address ko.)

Marami pang ibang pros na kasama sa pagiging buntis. Isa sa mga paborito kong superpower ay ang unang wagon ng MRT na nakalaan sa senior citizens, PWD, mga magulang na may dalang anak at pregnant women. Kaya lang, applicable lang ang superpower na ito kapag: a.) sa North Avenue ako sumasakay KAHIT rush hour, o b.) sa kahit saang station ako sumakay, BASTA hindi rush hour.

Kung anong stress at pagtitiis ko sa pakikipagdigma at pakikipagsiksikan sa giant halimaw na ito nu’ng hindi pa ako buntis, ‘yun naman ang chill ko nu’ng malaki na ang tiyan ko. Kahit pa nakatayo ako, paniguradong pauupuin ako. Basta’t technique ko ‘yung tatapat ako sa obviously hindi buntis, or sa senior citizen na hindi pa masyadong senior. Minsang sumakay ako, maraming buntis na nakatayo. Pero pagpasok ko, sinenyasan ako ng isang lolo at pinaupo sa lugar niya. Pagkatayo niya, sumigaw siya ng “Hoy, paupuin niyo mga buntis! ‘Pag nanganak ‘yan dito!” kaya nagsitayuan ang mga may bilbil na mapagpanggap.

Ayoko lang nga na sumasakay ‘pag rush hour, kung hindi ako manggagaling sa North Avenue station, ang unang istasyon. Panigurado kasing nakatayo ako dahil minsan (madalas) may mga walang damdaming commuter (mga may bilbil na mapagpanggap, at meron ring mga walang bilbil na pinipilit umupo at kinakatwirang kasama nila ang katabing buntis) na umuupo kahit na may mga buntis, PWD, senior at may dalang bata na nakatayo. Nakakaimbyerna at dahil bitchesa ako nu’ng buntis ako, tinititigan ko talaga sila hanggang tumayo sila. Fight for your right, sabi ng magical baby bump ko. Hindi ko kailangang pumila ng matagal, makipagsiksikan at makipagtulakan papasok ng wagon at makipag-away dahil nga buntis ako.

Pero teka, gano’n naman talaga dapat para sa kahit na sino lalo na’t ang laki na ng pamasahe, pero dahil sa bulok na sistema, kinailangan ko pang mabuntis (at lumaki ang tiyan, dahil no’ng maliit pa ang tiyan ko, hindi ako pinaniniwalaan ng mga guard at mukha raw akong bata) bago ko maranasan ang walang hassle na biyahe sakay ng MRT.

Syempre, given na ang iba pang mga pros ng pagiging buntis, gaya ng CR sa malls and other establishments na nakalaan sa senior, PWD at pregnant women, at special lane sa fast food para rin sa mga nabanggit.

Pero isa sa mga gusto ko pang pros ng pagkakaroon ng baby bump ay ang pagiging extra understanding ng mga tao sa kakaibang mood swings. May one time na nakapila ako sa sakayan ng jeep at nagsasabi-sabi na ako sa kaibigan ko dahil ang tagal at ang haba pa ng pila. Naririnig pala ako ng katabi ko (malamang) at nang may dumating na jeep, tinawag niya ang barker, tinuro ako, at sinabing “may buntis, o.” Hindi rin ako sinakay pero hiyang-hiya ako dahil sa mga pinagsasabi ko na narinig ni kuya. Pero tumawa lang siya at sinabihan pa ako na sa susunod, ‘wag na akong pumila dahil buntis naman ako.

Madalas rin ako no’ng makipag-away sa mga tricycle driver. Pa’no ba naman kasi, araw-araw akong nagta-tricycle pauwi at alam kong bente lang ang pamasahe mula office hanggang boarding house, pero may mga driver na naninigil ng bente singko, at minsan, trenta. Being the (very) grumpy buntis that I am, sisigawan ko talaga si kuya ng “Araw-araw ho akong nagta-tricycle, bente pesos lang ho. Kayo talagang mga tricycle driver kayo.” (Yes, nilalahat ko. And yes, that’s unfair, kaya lang ako ‘yung tipo ng buntis na nawawalan ng tamang reasoning kapag napipikon.)

Paglabas ko ng tricycle (dahil kapag nakikipag-away ako, gusto ko may hand gestures at gusto ko makikita ni kuya driver ang angas ko), nakatulala na lang si kuya sa ‘kin. Madalas, paglabas ko pa lang nila mapapansin ang tiyan ko. Magla-landing ang titig nila sa magical bump, iiling, at sasabihing, “sige.”

Kapag hindi pumayag na bente lang, nag-wo-walkout ako. Maangas ako, eh. Ang mahal kaya manganak.

Last week, pumunta ako ng SSS Ayala para i-add as dependent ang anak ko. Dapat, sa araw din na ‘yon, aasikasuhin ko na ang Philhealth at BIR chorva para matapos na. Nakalimutan kong hindi na pala ako buntis at hindi ko na-anticipate na sa SSS pa lang, magtatagal na ako. Maaga na nga akong dumating – 7:45 AM, 7 AM nagbubukas ang SSS – pero number 37 na ako. Minalas pa ako (or sadyang syunga lang) dahil nakalimutan kong ipa-photocopy ang birth certificate ng anak ko. Buti na lang, mabait si sir sa counter 3. Magpa-photocopy raw muna ako at bumalik na lang sa kanya pagkatapos. ‘Wag na raw akong pumila ulit.

Pagbalik ko, may kausap pa si sir sa counter 3 kaya umupo muna ako sa mga upuang nakahilera sa bandang harap, katabi ng isang ate na may hawak na number 57. Sumigaw ang sir sa counter 4 ng next. Tumayo si Ate 57 pero may mas naunang lumapit. Number 49 daw siya at hindi raw niya narinig. Nakasimangot na bumalik si Ate 57 sa tabi ko. Maya-maya lang, tumawag na si Sir counter 3. “Next!” Tumayo ako agad at lumapit. Naramdaman kong sumusunod si Ate 57 pero dire-diretso lang ako. Sumenyas ako kay Sir counter 3 at medyo nagtaka pa siya nu’ng una kaya nagkaro’n ng pagkakataon si Ate 57 na kalabitin ako.

“Anong number ka?!” Hala, masungit.

“Pinabalik lang po ako,” tiningnan ko si Sir counter 3 with help-me-eyes at namukhaan din niya ako. “Akin na,” sabi niya, inaabot ang hawak kong photocopy.

“Number 57 ako, o,” hirit ni ate. Galit na inaabot ang maliit na papel na may nakasulat na “57” sa akin.

“Number 37 po ako, ‘di ba, Sir?” Pinakita ko sa kanya ang nakaipit na “37” sa clear white envelope na dala ko. Tapos humarap na ako kay Sir counter 3. “Wait lang po, ma’am,” sabi niya kay Ate 57.

Dahil medyo scary na siya at nawala na ang maangas kong ugali kasabay ng pagkawala ng maangas kong baby bump, umupo na lang ako at hindi ko na siya nilingon. Narinig ko pa siyang bumubulong ng galit. Gusto ko sana siyang paunahin kaya lang nagmamadali rin ako dahil sa Pampanga pa ako uuwi.

Gano’n talaga, Ate 57. Kung hindi ka senior, PWD o buntis, kailangan mong maghintay ng matagal, makipagsiksikan at magtiyaga. Nakakalungkot man, pero ‘yun na ang ‘normal’ at nakasanayan.

Pagkatapos ko sa SSS, pupunta pa ako ng office dahil may requirements pang kailangang ipasa para makuha ang kalahati ng maternity benefit ko. Pero bago ‘yun, kumain muna ako sa Mcdo. Syempre, hindi na ako sa special lane pumila. Pero at least, this time, makaka-order na uli ako ng coke.

Ramdam ko ang bigat ng tiyan ko pagkatapos kumain. Hinimas ko tulad ng nakagawian sa mga nakaraang buwan, at nanibago ang kamay ko nang dumapo sa tiyan ko. Wala na nga pala ang aking magical bump.

Kawalan

Nanaginip ako, at sa panaginip,

nahuhulog ako sa itim na kawalan.

Sa ’king pagbitiw, wala kong naramdaman

kun’di ang malayang pagsama ng katawan.

Walang sasalo, walang sasagip –

sumasabay lang sa malakas na ihip –

Pagod na akong lumaban o matakot

O magpalamon sa makulay na lungkot

Wala na akong marinig na sigaw

na naghahanap sa nahuhulog, sa nahuhulog na ako.

Hinayaan na ako ng aking mundo,

na malaglag sa kawalang ginawa ko.

Nanaginip ako, at sa panaginip,

Nahulog ako sa itim na kawalan.

Nahulog akong nakatayo at payapa –

payapa ang puso.

Payapa ang puso.

Nanaginip ako, at sa panaginip,

nahulog ako sa itim na katawan.

Nanaginip ako at ang hiling,

wag na sana, kung pwede sana, wag magising.

Panukat

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

kailan ito matatawag na sapat?

Masusukat ba ng ruler, o ng meter stick

ang haba ng pasensya,

ang tagal ng paghihintay

o kung hanggang saan kinaya

ang pagtitiis;

Kakayanin ba ng measuring tape

ang distansya

ng mga pusong malayo sa isa’t isa?

Ng weighing scale

ang mga timba ng luha,

o ang bigat ng damdaming

pinuno ng saya

o ‘di kaya’y sama ng loob,

o kaya naman ang pag-gaan

ng pag-ibig na unti-unting nauubos

Eh, ang thermometer

ang init ng pagsisimula

at lamig ng pagtatapos,

o kaya ng stopwatch

ang oras bago ito kinapos;

ang bilis bago mo nasabing

“oo, mahal kita,”

at ang mga minutong lumipas bago ang “ayoko na,”

Pilit nating sinusukat,

inilalagay sa kalendaryo,

na para bang nag-aabang –

ilang buwan, ilang taon, bago huminto?

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

siguro may batayan,

kung kailan ito sapat.

Siguro hindi lalabis,

at hindi magkukulang.

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

laging may higit, laging may ‘mas’

kaya siguro,

hindi.

 

Kung ang pag-ibig ay nasusukat,

kaso –

hindi. 

Kulang

Hindi ko naman hinangad na maging number one. Gusto ko lang naman, maging sapat para sa kanya. Pero kahit anong pilit, hindi pa rin.

“Kapag hindi ka nag-Magna Cum Laude, hindi ako a-attend ng graduation mo,” sigaw ng boses sa kabilang linya. Hindi na lang ako umimik. Unti-unting lumuwang ang yakap ng mga daliri ko sa cellphone, kasabay ng paglakas lalo ng kanyang boses at pagbilis ng kanyang pagsasalita.

“Mahiya ka sa ate mong Registered Pharmacist. Eh ikaw, ano ka? Ang problema sayo masyado kang nagre-relax, puro ka barkada. Nag-boyfriend ka pa, akala mo mauubusan ka ng lalaki.”

Naramdaman ko ang pagtulo ng luha. Isa, dalawa, tatlo, hanggang hindi ko na mapigilan. Pero kahit kailan, hindi ko kayang sumagot sa kanya. Suminghot-singhot na lang ako.

“Ano? Maawa ka sa Papa mo, nagta-trabaho para makapag-aral ka. Pinagbibigyan ka sa lahat ng gusto mo, anong ginagawa mo? Loka, umayos ka. Hindi lang kita napagsasabihan pero napapansin ko ‘yang mga ginagawa mo,” Ano bang ginagawa ko? Hindi pa rin ako nagsalita. Narinig ko na lang ang pagbaba niya ng telepono.

Sinusumpong na naman si Mama.

• • •

Hindi ko na namalayan, pero dumating na lang sa puntong tuwing sasabihin ko kay Mama na, “Ma, DL pa rin ako,” hindi na siya magugulat. Ngingiti lang siya at sasabihing, “Good, anak.” Hindi na namin mapag-uusapan. Naisip ko na lang, siguro, sanay na siya.

Simula kasi pagkabata (O simula n’ung nabundol ako ng bumper ng sasakyan sa ulo habang tumatawid at nadapa n’ung nursery. Bago kasi ‘yun, pang-9 lang ako sa klase), naging hobby ko na ang paghahakot ng awards. Isang beses lang ako hindi first honor n’ung elementary – n’ung Grade 2 ako, dahil may policy ang school na hindi pwedeng mag-honor ‘pag transferee- at madalas, higit sa isang medal ang nakukuha ko tuwing recognition. 19 medals, Valedictorian, n’ung elementary. Anim naman n’ung 4th year, tatlong framed certificates galing sa malaking Luzon wide contest ng CBCP, at First Honorable Mention.

Pero kahit gan’un, ako pa rin ang paboritong pinapagalitan. Palagay ko, hindi na makalimutan ni Mama ‘yung nahuli niya akong nagvi-videoke sa may kainan sa harap ng school n’ung Grade 5 pa lang ako. Hindi ako agad umuuwi (hindi ko agad sinisipot ‘yung service kong tricycle) kasi nagvi-videoke pa ako. ‘Yun ang unang sermon na napalo ako ng ruler sa braso. At simula n’un, (sabi ni Mama), nawalan na siya ng tiwala sa’kin.

Pag tuntong ng High School, sinubukan ko namang ibalik ang tiwalang nawala pero dahil aktibo at laging sumasali sa kung anong contest, ginagabi ako ng uwi at ‘di naman siya naniniwalang school ang dahilan. Lagi akong gala, lakwatsera, nababarkada, pabaya kaya First Honorable Mention lang nag-graduate kahit kaya kong mag-Valedictorian. Lakwatsera pero buong buhay ko n’ung high school, isang beses lang yata ako nakapag-mall kasama ang mga kaibigan ko. Pabaya, pero kung hindi pagre-review para sa exam o recitation ang inaatupag ko, pagre-review naman para sa kung anong contest.

Ewan ko ba, pero sa mata ni Mama, ako ang pasaway. Alibughang anak ang peg ko sa bahay. Ako ang burara sa gamit (inaamin ko naman), ang laging nakakalimot magpatay ng ilaw at electricfan sa mga kwartong hindi ginagamit o mag-flush ng toilet (kahit minsan, hindi naman talaga ako), ang laging nakababasag ng mga plato’t baso (kahit huli yata akong nakabasag n’ung 9-years-old pa ako) at ang nakawala o nakaiwan ng payong, baby book sa clinic ni Doctora, pinabitbit niyang biniling tocino o kung ano man (makakalimutin kasi talaga ako).

Ako ang kamukha niya sa’ming tatlong magkakapatid (ang tawag sa akin sa’min ay “Little Gina”) pero hindi ako ang paborito.

Nagiging paborito lang ako sa tuwing lalayas ang katulong dahil napagod sa endless sermon. Ako agad ang substitute. Si Mama, naku, sobrang partikular pagdating sa paglilinis ng bahay. Hindi pwedeng basta mop ang gamit sa paglalampaso, kailangan kamay at basahan ang gamit. Feeling ko ako si Cinderella sa tuwing nawawalan kami ng katulong. Tumataba nga ang puso ko kasi kapag may bisita, puring-puri lagi ang bahay. “Ang linis naman dito sa inyo.” Gusto kong sabihing, “ako po ang nag-lampaso.”

Hindi kasi pwedeng mag-lampaso si ate o si bunso, may asthma sila, kaya ako lagi. Ako din ang paboritong utusan bumili ng merienda sa tindahan o barbecue sa kanto kapag walang ulam. Official taga-hiwa rin ako ng sibuyas, bawang, kamatis at mga gulay para sa iluluto niya. Ako din ang inuutusang pumunta sa bahay ni ganito o ni ganyan dahil may ipapaabot. Ang trabaho ni ate, mag-tupi ng bagong labang damit at ilagay sa mga cabinet. Si bunso, mag-refill ng mga pitsel na walang laman. Sa’kin na ‘yung iba. At syempre, ako ang taga-masahe ng paa’t kamay bago matulog.

• • •

Alam ko namang mahal na mahal ako ni Mama. Pero hindi ko alam kung alam niya bang mahal na mahal ko siya. ‘Di ko makalimutan n’ung uminom siya ng chlorox dahil sa sama ng loob kay Papa. Humahagulgol ako n’un at hindi nila ako mapatahan. Niyakap ako ni Mama. Sabi niya, “Mahal na mahal mo pala ako, anak. Tama na. Hindi ko na gagawin ‘yun uli.”

Bilib ako kay Mama dahil kinaya niya lahat.  Nasaksihan ko kung pa’no niya tinago ang sakit n’ung uti-unti na silang nagkakahiwalay ni Papa. ‘Yung gabi-gabi nilang sigawan sa telepono, mga pag-iyak ni Mama habang akala niya tulog na kaming magkakapatid.

Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na tapos na talaga sila ni Papa, na kailangan pa rin niyang kausapin ang lalaking nanakit at nang-iwan sa kanya dahil dapat silang maging maayos, maging sibil kung hindi magkaibigan, para maipagpatuloy ni Papa ang pagtustos sa mga pangangailangan namin. N’ung nag-abroad kasi siya, nag-resign na si Mama para matutukan kaming magkakapatid.

Sobrang bilib ako kay Mama. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na hanggang d’un na lang talaga sila ni Papa, at ang kung ano mang ini-imagine niyang happily ever after nila ni Papa, ‘di na mangyayari.

Bawat pag-iyak ni Mama, ‘di namin pansing magkakapatid. Kahit magkakatabing matulog sa iisang kwarto, hindi talaga kami ‘yung madramang tipo ng pamilya na pinag-uusapan ang problema habang nag-iiyakan tapos magyayakapan. Isang beses lang kami nag-iyakan habang nagyayakapan – n’ung uminom ng chlorox si Mama. Kahit n’un, hindi namin pinag-usapan ang problema.

Ako, alam ko lang na wala akong magagawa. Alam kong hindi mapapatahan ng yakap o haplos ko ang bawat pag-iyak ni Mama. Hindi ako sapat para maghilom lahat ng sugat. Kaya wala akong ginawa. Nag-aral na lang ako ng mabuti.Pumasok ako sa school at sa paglabas ko ng pinto ng bahay, iniiwan ko d’un ang problema. Pinagpatuloy ko ang nakagawiang paghakot ng kung anu-anong awards. Kapag nasa school ako, lalo na sa tuwing may bagong quiz bee o spelling bee o essay writing contest, nakakalimutan ko na may nanay akong mag-isa sa bahay, umiiyak siguro. Nakakalimutan ko na malapit nang masira ang pamilya ko.

Ayokong isipin ang problema. Ayokong magtanong kung ano na nga ba talagang nangyayari. Ang kwentong alam ko, pinagtagpi-tagpi mula sa mga gabing nakikinig ako sa away nila sa telepono. May babae, ayaw pakasalan si Papa para maging legal siya sa States. Sa pakikinig ko lang nga nalaman na hiwalay na pala sila ni Mama, matagal na. Hindi ako nagtanong, nakinig lang ako sa bawat pag-uusap tuwing gabi, habang nababasa ng luha ang unan ko at pinipigilan ko ang bawat hikbi at singhot.

Hanggang sa tumigil ang sigawan, natapos ang pag-iyak, at ‘eto na kami ngayon.

May mga problema palang natatapos kahit kailan man, hindi pinag-usapan.

• • •

Kung ako ang dumanas ng gan’ung klaseng sakit, mas matigas pa siguro ako kay Mama ngayon.

Pilit kong iniintindi kung bakit madalas siyang magsungit, o madaling magalit. Kapag nagsisimula na akong magkimkim ng sama ng loob, pilit kong inaalala kung paano siya mataranta at tumawag sa tita kong nurse o sa secretary ni Doktora ‘pag may sakit ako, kung paano niya ako pinasasalubungan ng yellow na bag o wallet o pouch, o sleeveless na blouse, o makukulay na ballpen, o mga may disenyong papel at notebook, dahil alam niyang gusto ko. Iniisip ko kung paano siya nag-aral magluto ng sinigang (at dinadamihan ang pechay at pinapaasim pa ang sabaw dahil gusto ko) at adobong pusit – mga paborito kong pagkain. O kung paano niya sinabing mapapatay niya ang lalaking nagpaiyak sa’kin.

Bawat sermon ni Mama, gusto kong isumbat ang nakuhang mga medalya. Bawat akusasyon na gala ako, pabaya, at walang inatupag kun’di lakwatsa, gusto kong isigaw na lahat ng pagsisikap sa pag-aaral ay para sa kanya.

• • •

Kahit kailan, hindi ko ginustong maging number one.

Hindi ako nagsikap dahil sa kung anong pangarap para sa sarili ko. Nagsikap ako kasi akala ko, magiging masaya si Mama dahil may anak siyang tulad ko. Gusto kong mapangiti siya kahit sandali, malimot man lang niya lahat ng hapdi, sa bawat panalo ko. Hindi ko kasi alam kung ano bang pwede kong gawin, kaya wala akong ginawa kun’di magpapansin. Ang kaso, hindi pa rin sapat.

Sa bawat utos, wala akong reklamo. Kapag kinukumpara ako sa ate kong mas responsable at mas malinis sa gamit at mas masunurin, o kapag mas pinagbibigyan si bunso dahil “mas bata,” hindi ako nanunumbat. Humihiling na lang ako na sana, balang araw, mapansin niya ang mga ginagawa kong tama, hindi lang ang nakikita niyang mga pagkakamali ko.

Sinusubukan kong maging perpekto pero kulang pa rin. Iniiwasan kong magkamali pero may napupuna pa rin. Minsan, pagod na pagod na akong maging ako. Madalas, pagod na akong magpapansin. Pero ‘di pa rin ako tumitigil.

Kahit alam kong makakuha man ako ng ilang awards, o soaring-flying man ang GWA ko at mapasaya ko man siya sa pagpupumilit kong maging perpekto, hindi mapapantayan ang sayang pwede nararamdaman sana niya kung nandito pa si Papa.

Hindi ko siya mapapasaya. Dahil alam kong hindi ko na maibabalik ang oras, at hindi ko na siya mayayakap n’ung mga gabing may sigawan at iyakan. N’ung mga gabing akala ko, wala akong magagawa, masisira ang dapat masira. Pero ang totoo natakot lang akong may gawin.

At ngayong wala na, ngayong huli na, wala na nga akong magagawa, kun’di subukang maging number one. Baka sakaling mag-number one din ako sa taong kahit anong mangyari, number one sa puso ko.

Baka sakaling pag-akyat ni Mama ng entablado para sabitan ako ng medalyang pang-Magna, maramdaman niya na. Lahat ng ginagawa ko ay para sumaya na siya.

Mommy

Pinanood ko si Mommy

na inaayos ang gamit ko

Inaamoy ang mga damit, tinutupi

Sinisinghot na para bang lahat, mabango

Sa balikbayan box, isa-isa niyang nilagay,

At tumayo siya pagkatapos.

Pinagmasdan niya ang silid na bright pink ang kulay

Na ang dekorasyon ay Hello Kitty halos.

Maya-maya’y kinuha niya ang gitara sa tabi ng pinto

Umupo siya ulit sa kamang puno na ng alikabok

Isa-isa niyang kinalabit ang anim na string ng gitara ko

Napatigil, tumingin sa paligid at napalunok.

Umupo ako sa tabi ni Mommy,

‘Di ako umimik, kasi ano ba ang dapat kong sabihin?

Paano ko pipigilan ang bawat luha’t hikbi?

Kung lahat ng ‘yon, dahil sa’kin?

Tumayo ulit si Mommy, tinabi ang gitara

Sinipat ang bookshelf, tatlong hanay ng mga libro

Naglakbay ang mga mata sa katabing mesa

May mga ballpen, papel, calculator at notebook na bago.

Sa notebook, nakapatong ang pink kong salamin,

regalo ni Mommy n’ung lumalabo na ang mata ko

Matapos magpatingin, lagi kong bilin

Na pink lang ang frame na gusto.

Nanginginig ang kamay ni Mommy,

Kinuha at sinuot ang salamin

Sa halip na luminaw ang paningin ay lumabo

Hanggang ngayon, hirap pa din siyang intindihin.

Sa tabi ng kama, may litrato

Babaeng nakangiti at may apat na gold medal

Sunod na nilapitan ‘yon ni Mommy at gumuho

ang mundo, umiyak siya ng pagkatagal-tagal.

Lumapit ako kay Mommy,

Binalot ko siya ng mahigpit na yakap.

Imbis na tumigil ay lalong tumindi,

Humagulgol siya at lalo akong hinanap.

“Anak,” sumigaw siya, kinakausap ang litrato

“Mommy, nandito lang naman ako.”

Umiyak siya at narinig kong muli ang iyak niya n’ung ako’y naghihingalo

At bumitiw, dahil ayoko nang saktan pa ang Mommy ko.

Blumentritt

Dumaan na ang apat na jeep.

Pa-blumentritt. 

Apat na jeep at walang masikip.

Pero nakakapit pa din ang girlfriend mong maliit.

Nakatayo sa ‘yong harap at nakabungisngis,

Puro pa-cute.

Bulong niya, agad ka niyang ma-mimiss

Wag ka lang mapa-alis, ang daming pautot. 

Mabigat na ang talukap ng mga mata.

Pagod, inaantok.

Pero kulang na lang, i-mighty bond ang ‘yong paa

Matindi talaga ang katok.

Nakasampung “ba-bye” na simula kanina,

Ngingiti pang nakakaloko.

“Ba-bye,” pero ‘di magawang iwan ka,

Kamot-ulo.

At sa wakas aalis, dahil oras na.

Kiss sa pisngi.

Ngingiti siya ulit at tatalikod na,

Hahawakan mo siya sa braso, “Sandali.” 

Hihilahin, yayakapin, mahigpit, matagal at ika’y ngingiti.

Bago ka sumakay pa-Blumentritt.

Gabi na, pagod ka at uwing-uwi,

Pero yakap mo pa ang girlfriend mong maliit.

Paghihintay

“Paa,” naiiritang bulong ng katabi mo, tsaka tinapik ang hita mo para patigilin ang paa mong kumukuyakoy. Tumingin ka sa relo na umaandar naman pero parang hindi. Isang oras pa bago makauwi.  Inangat mo ang ulo mo para tignan ang professor mong nakaririndi, kanina pa kasi nag-momonologue. Gusto mong sumigaw, Sir, wala naman pong nakikinig, baka sakaling manahimik na siya at tapusin na ang klase. Pero hindi ka pa nasisiraan ng bait. Bukod sa puti na ang lahat ng buhok ni sir, daig pa nito ang nag-memenopause kung magsungit. Kaya kinagat mo na lang ang labi mo.

Tingin uli sa relo. Napabuntung-hininga, limampu’t walong minuto pa.

“Paa!” ulit ng boses sa’yong tabi, mas malakas, mas iritable. Kanina niya pa kasi sinasabi. Kanina pa niya tinatapik-tapik ang hita mo pero ang likot-likot mo pa din. Galaw dito, galaw doon, parang kiti-kiting masarap tirisin. Inip na inip ka na, gusto mo na siyang makita.

N’ung huli mo siyang makita, niyakap ka niya ng mahigpit. Excited na excited ka na na mayakap siya ulit. Sinabi niya pa sa’yo, ikaw lang. Ang sabi niya, aalagaan kita, hindi kita papabayaan. Tinignan niya ang mga mata mo at bumulong, hindi ko hahayaang masaktan ka. Ang sabi niya, ang gusto ko, lagi kang masaya. Niyakap mo siya pabalik.  At kasabay ng pagyakap mo sa kanya ay ang pagyakap mo sa kanyang mga pangako.

Gustung-gusto mo na siyang makita, at marinig ulit ang mga pangakong binitawan niya. Gustung-gusto mo ng marinig mula sa kanyang bibig na mahal ka niya, na mahal na mahal ka niya, at hindi iiwan, hindi pababayaan. Alam mong hinihintay ka na niya.

Kaya kanina ka pa hindi mapakali at kanina pa uwing-uwi. Kanina ka pa bumubulong ng dasal sa lahat ng mga santong kilala mo, kahit konti lang sila, na sana bumilis ang oras at uwian na.

Tumingin ka sa relo, Apatnapung minuto. Kulang ka kasi sa mga kilalang santo.

Okay lang, sandali na lang naman ang apatnapung minuto. Makikita mo na ang tanging lalaking nagpasaya sa’yo. Ano ba naman ang matagal na oras ng paghihintay kung sa dulo n’un, makakasama mo na siya. Wala lang ang paghihintay.

Sa puso mo, siya ang una. Higit sa iba, higit kanino man, walang makahihigit sa pagmamahal mo sa kanya. Kahit matagal siyang nawala, kahit n’ung mga panahong wala siya, wala kang ibang inisip kundi ang mga pangako niya, na alam mong hindi napako. Na naniniwala kang tinutupad at tutuparin niya pa rin. Kasi alam mo, mahal na mahal ka rin niya. Na sa puso niya, ikaw rin ang una.

Pinagtatawanan ka nila kasi, pinipilit mong darating siya. Sabi nila, nahihibang ka na. Sabi pa nga ng Mommy mo, para kang tangang naghihintay sa wala. Pero ‘di ka nakinig sa kanila. Hindi naman nila alam na nangako siya, nangako siyang pasasayahin ka niya.

Pero alam nila na hanggang ngayon, ‘di ka pa rin masaya.

“Louise, tinitignan ka ni sir, ano ka ba ba’t sa bintana ka kasi nakatingin,” sabi ng katabi mong kulang na lang ay sapatusin ka. Tumingin ka sa professor mong nag-momonologue at sinalubong ka ng mga matang nag-aapoy sa galit. Lumunok ka ng isang timbang laway. Ngumiti ka na lang. Pulang-pula ang mukha mo sa kahihiyan. Inalis niya ang tingin sa’yo at nag-monologue ulit. Buntung-hininga. Inip na inip ka na.

Tumingin ka sa relo. Tatlumpung minuto. 

Ano na kayang itsura niya ngayon? Napa-ayos niya na kaya ang maliit na siwang sa pagitan ng ngipin niya sa harap? Tumaba na kaya siya, o daig pa din ng kawayan ang kanyang katawan? Suot niya pa din kaya lagi ang sumbrerong asul na kupas na, at ang relong itim na laging pinapalitan ang baterya? O kaya ang singsing na iniingat-ingatan niya na n’ung minsang mahulog sa butas ng lababo, pinatawag pa ang tubero? Iniisip niya kaya kung ano na ang itsura mo?

Siguro. Sabi niya sa’yo dati, walang tatalo sa’yong ganda. Kahit may siwang din sa pagitan ng ngipin mo sa harap, at kahit may nunal kang malaki sa gitna ng noo na ngayon, tinakpan mo na ng bangs. Lagi ka niyang hahalikan sa pisngi at titignan na para bang ikaw lang ang babaeng gusto niyang pagmasdan. At kahit alam mong hindi, maniniwala ka kahit saglit. Wala nga sigurong tatalo sa’yong ganda. Sabi kasi niya.

Pero lumipas ang mga araw, mga buwan, mga taon, at wala namang nakapansin ng ganda mong walang makatatalo, kaya ‘di ka na naniwala. Walang kahit na sino man ang nagpunas ng luha mo habang umiiyak ka dahil sa kung ano, walang nagbigay ng tsokolate at mga regalo tuwing birthday mo o Pasko, walang tumatalon sa tuwa ‘pag may nagawa kang maganda. Wala ng pumupuri. Wala ng sumusuyo sa’yo tuwing nagtatampo. Wala ng bumubuhat sa’yo na parang prinsesa. Hindi mo na maramdaman na prinsesa ka. Kasi nawala siya. Iniwan ka. 

Hindi, hindi ka niya iniwan.

Biglang umingay ang palgid at napansin mong lumabas pala ang professor. Akala mo, uwian na, pero hindi tumatayo ang mga kaklase mo. Malamang, ‘di nanaman ma-kontrol ng professor mo ang pantog niya. Tumingin ka sa relo, dalawampu’t limang minuto pa. “Shit,” bulong mo, at padabog na sinara ang libro sa mesa mo. “Napano ka?” tanong ng katabing naiirita.

“Bagal ng oras e,” sabi mo, at napangisi siya. “Lagi naman, sa subject niya.”

Napailing ka na lang. Hindi, mas mabagal ngayon, ‘di hamak na mas mabagal ngayon. Yumuko ka na lang, pinatong ang ulo mo sa mesa, nagpasalamat na sandaling tumigil sa pag-momonologue ang professor mo. Konting tiis na lang naman, makikita mo na siya uli

N’ung huli mo siyang makita, kumain pa kayo sa labas. Binili niya pa para sa’yo ang paborito mong one-piece chicken sa Mcdo, hiningi pa ang leg part dahil alam niyang ‘yun ang gusto mo. Pina-large niya pa ang coke mo dahil alam niyang kulang sa’yo ang regular. Pinagmasdan ka niya habang kumakain, sabi niya ‘di daw siya gutom. Nakikinig siya sa mga kwento mo. Naririnig niya lahat kahit ang bilis mo magsalita, kahit nagsasalita kang punung-puno ang bunganga mo ng kanin at chicken. Tapos pumunta kayo sa parke sa plaza. Umupo sa bakal na bench na walang sandalan. Tahimik lang pero masaya ka. Kasi pakiramdam mo, walang pwedeng masamang mangyari, kasi magkasama kayo.

Umuwi na kayo at sa labas ng bahay ka niya niyakap. Sa labas ng bahay nangako siya, na mahal ka niya, ‘di ka niya pababayaan, ‘di niya hahayaang masaktan ka. Na gusto niya, lagi kang masaya. Sinabi niya ‘yon na may luha sa mga mata niya. Kaya niyakap mo na lang siya pabalik, kasi ayaw mong makitang umiiyak siya. ‘Di mo napansing tumutulo na din pala ang mga luha mo, hanggang sa humahagulgol ka na, at ng bumitaw ka sa yakap at tumingin sa kanya, humihikbi-hikbi, pinunasan niya ang uhog mo gamit ang damit niya.

“Pasok ka na, anak,” sabi niya. “Happy birthday.”

“Papa,” sabi mo, sabay sinok. “’Di ka papasok?”

“Mamaya na, may pupuntahan lang ako,” sagot niya, nakangiti.

“Pa, sa susunod na birthday ko ulit ha? Mcdo tayo ulit,” humawak ka sa laylayan ng berde niyang polo. Hindi siya sumagot. Hinila-hila mo ang damit niya. “Ha, Papa?”

“Oo, anak. Gusto mo, bawat birthday mo pa eh,” sabi niya.

“Promise, pa?”

“Oo,” sabi niya, dahan-dahang tinanggal ang mga daliri mo sa pagka-kapit sa kanyang damit. “Pumasok ka na. Hinahanap ka na ni Mommy.”

Kahit ayaw mo pa, pumasok ka na. Sinunod mo si Papa dahil lagi ka namang sumusunod sa kanya. Sinusuway mo si Mommy pero si Papa hindi. Si Papa kasi, mahal na mahal ka. Si Papa kasi, ikaw ang prinsesa. Ikaw, hindi si Mommy, dahil lagi siyang inaaway ni Mommy. Ikaw ang pinakamahal ni Papa at siya ang pinakamahal mo.

Nagising ka sa kalabit ng kaklase mo. “Uy, dismissal na. Buti na lang ‘di na bumalik si sir, ‘di ka nahuling tulog,” sabi niya. Tumingin ka sa relo mo. Alas dose na. Tumayo ka na, inayos ang gamit mo, nagmadali papalabas. Hindi mo manlang narinig ang mga kaibigan mong sumisigaw ng “Louise, sa’n ka pupunta?” at hinahabol ka.

Alas dose kayo umalis para kumain ni Papa sa Mcdo n’un. Kaya sumakay ka ng taxi papunta ng Mcdo kung sa’n kayo kumain ni Papa dati, ‘yung Mcdo na malapit sa bahay niyo. Nangako si Papa na bawat birthday, kakain kayo sa Mcdo. Alam mong sa birthday na ‘to, 18th birthday mo, tutuparin na niya ang pangako niya.

Walong taon ng hindi tinutupad ni Papa ang pangako niya pero umaasa ka pa din. Umaasa na kahit kinabukasan ng 9th birthday mo, hindi mo na siya nasilayan ulit. Wala ka ng narinig sa kanya na kahit ano, kahit paliwanag manlang kung bakit siya umalis. Hindi mo alam kung napagod ba siya sa pagmamahal sa inyo ni Mommy. O baka si Mommy ang napagod kasi away lang naman sila ng away. May babae daw si Papa. Paano magkakaro’n ng babae si Papa kung ikaw lang daw ang babae niya? Siguro, si Mommy ang may kasalanan. Simula naman n’ung umalis si Papa, hindi ka na rin minahal ni Mommy.

Pumasok ka sa Mcdo, umupo sa may pinto, kung sa’n kayo lagi ni Papa. Alam mong darating siya kaya maghihintay ka. Maghihintay ka hanggang gabi, hanggang hanapin ka ni Mommy, na alam na alam kung sa’n ka pupuntahan, kasi walong taon ka ng naghihintay sa Mcdo.

 along taon ka ng naghihintay sa pagdating ni Papa, kasi sabi niya mahal ka niya, ‘di ka niya iiwan, ‘di ka niya pababayaan, ayaw ka niyang masaktan at gusto ka niyang maging masaya. Si Papa na pinaka-nagmamahal sa’yo, pero iniwan ka.

Iniwan ka. Iniwan kayo ni Mommy.

 

Walong taon ka ng naghihintay. Pagsilip mo sa labas, nakita mo si Mommy, umiiyak, nakatitig sa’yo. Hindi na siya naghintay pa ng gabi bago ka sunduin. Tumingin ka sa paligid, at umasa, umasa na sana, sana andito na si Papa.

Pero wala siya.

Tumayo ka na at umalis. Pinuntahan mo si Mommy at pinunasan mo ang luha niya. Hindi mo alam kung bakit hindi ka na umiiyak, kahit walong taon mo ‘yung ginagawa halos gabi-gabi. Hindi mo alam kung bakit sa oras na ‘yon, nangako ka sa sarili mong magiging masaya ka na.

 Tumingin ka sa relo. Ala una na. Tapos na ang paghihintay. Inabot din ng walong taon.

Hindi na siya babalik.