Full-time Mom

Kanina, nakabasa ako ng post sa isang Facebook group dedicated to Pinay mothers (yes, member ako ng ganitong group–dalawa pa nga) na ‘mas mahirap’ daw ang maging full-time mom kaysa magtrabaho. After that sentence naman, wala ng ibang sinabi ang mommy na ‘yon about working moms. Ikinwento na lang niya ang araw-araw na pamumuhay ng isang ‘full-time’ mom, na talaga namang mahirap.

Pero nalungkot ako. Hindi dahil working mom ako. Partly because inggit talaga ako sa stay-at-home na mga nanay. Mostly because, lagi na lang kinukumpara ang stay-at-home moms and working moms, na para bang running competition.

Ano ba ang full-time mom? Nanay 24/7? Hindi ba ito applicable sa lahat ng mga nanay? Ako, pagtapak ko sa labas ng bahay para pumunta sa trabaho, nawawala ba ang pagiging nanay ko? Ang mga inang nagtatrabaho sa bahay, ‘pag bukas ba nila ng laptop, hindi na ba sila nanay? Kung hindi ako full-time mom dahil working mom ako, does that make me a part-time mom? Wala namang gano’n.

Sakripisyo ang pananatili sa bahay, oo, pero sakripisyo rin ang pag-alis.

Malaki ang respeto ko sa stay-at-home moms. No’ng nag-resign na ang nanay ko after decades of working, nakita ko ang hirap niya sa pagiging hands-on sa amin at sa mga dapat asikasuhin sa bahay. May excel files pa si Mama ng budgets! Notebooks, planners, mga listahan. Para ring nagtatrabaho sa opisina. Alam kong hindi lang siya ang nanay na gano’n ka-organisado kung mag-manage ng bahay. I’ve always looked up to her as a mother, when she was working and when she decided to stay at home.

Marami rin akong kakilalang stay-at-home moms na from the start. Bilib ako sa sakripisyo nilang halos hindi na lumabas ng bahay–minsan hindi na nga sila nakaliligo!–sa dami ng gawaing bahay, plus nag-aalaga ng mga anak. Halos wala na silang social life pero okay lang. All for their families.

At syempre, ang mga tulad kong working moms. Minsan, naiiyak pa rin ako kapag iniiwan ko si Lumi sa bahay. Kahit nasa trabaho ako, lagi ko siyang naiisip. Gusto ko mang samahan na lang siya sa bahay, gusto ko mang ako na lang ang mag-alaga sa kanya, kailangan kong magtrabaho para sa kanya.

Walong oras sa trabaho, idagdag mo pa ang ilang oras na biyahe, pero pinakamasayang bahagi pa rin ng pagiging working mom ang pag-uwi at pag-aalaga sa anak, kahit pagod sa maghapon.

Tapos, may mga stay-at-home pero work-from-home din. Sabay ang pag-aalaga at pagtatrabaho. Pagkatapos mag-alaga, kapag natulog sandali ang anak–kung bata pa–, check agad ng laptop para magtrabaho. Meron ding mga alaga sa umaga, trabaho sa gabi! Ibang klase ang tiyaga.

Paano pa kaya ang mga OFW moms? Siguro, okay lang na sabihing ‘mas’ mahirap. Wala na yatang mas mahirap pa sa pagkalayo sa anak, pero kinakaya nila, dahil kailangan.

Stay-at-home, working, kombinasyon ng dalawa, o OFW mom ka man, may student moms din, kahit anong klaseng nanay ka pa, full-time ang pagiging ina. Kahit kailan at saan, anak ang lagi nating inuuna at habang buhay na uunahin.

Go, mga inays!

Nagmamahal,
Isang working full-time mom

16807748_10155146197809430_674206198952809623_n
With the love of my life, Lumiere

Mundo ng mga Titi, version 2.0

Lunes nang umaga ‘yon. Badtrip na si Jelo sa ‘kin dahil ang bagal ko raw kumilos—na totoo naman. Male-late na raw siya.  Tiningnan niya ako nang masama habang nagsusuot ako ng sapatos sa tapat ng pintuan ng bahay. Napailing habang naglalakad papunta sa gate.

Nagmadali na akong sundan siya. Nakalabas na siya ng gate kaya nauna siya sa ‘kin sa paglalakad pagpunta sa sakayan. Kaya siguro, akala ng lalaking nagsabi sa ‘kin ng “Labyu”, mag-isa lang ako.

May sigarilyo sa bibig, Nakapulang t-shirt na malaki para sa payat niyang katawan. Nanlalagkit ang buhok sa langis. Itim at maluwang ang suot na shorts. “Labyu,” narinig ko. Sinabi niya sa ‘kin, medyo mahina, nang magkasalubong kami.

Kaya naman, tulad nang nakagawian, tumalikod ako at sinigawan ko siya ng “Tangina mo!” Pagharap kong muli sa nilalakaran, nakita kong patakbo na si Jelo sa lalaki. Muntik na niya akong mabangga. Dali-dali akong sumunod.

Hinila niya ito sa manggas. “Anong sabi mo?” Nagulat ang lalaki, at syempre, nagmaang-maangan. Tumingin si Jelo sa ‘kin. “Anong sabi nito?”

“Labyu raw.”

Hinigpitan ni Jelo ang hawak sa lalaki. “Alam mo bang pwede kitang ipa-pulis? Bawal ‘yan dito, eh!”

“Brad, wala akong sinabi! Kagigising ko lang,” sabi nito, habang sinusubukang pumiglas.

“Sa’n ka pupunta? Dadalhin kita sa presinto. Halika dito,” kalmado si Jelo habang hinihila ang lalaki. Nakangisi. “Sasama ka sa ‘kin, o bibigwasan kita?”

Sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Gusto kong sabihin sa kanyang, “tara na, male-late ka na.” o kaya “hayaan mo na,” pero nakakasawang mabastos. No’ng umagang ‘yon, nakapantalon ako. Hindi na nga ako naka-shorts tulad nang madalas (maluwang kasi ang dress code sa opisina). Nakapantalon na nga ako, pero may nag-catcall pa rin.

Dahil ang pagiging bastos, nasa utak ng mga manyakis, at hindi kasalanan ng damit ng babae.

Pilit na sinasabi ng lalaki na kagigising lang niya at wala raw siyang sinasabi. Pero hinihila lang siya ni Jelo. Hanggang sa makita kami ni Mommy, Lola ni Jelo. Hawak-hawak niya pa si Lumi. Pumagitan siya sa dalawang lalaki. “Bakit ba?” sabi niya.

“Binastos si Iza, eh,” sagot ni Jelo.

Tinulak ni Mommy ang lalaki. “Sige na, umalis ka na,” sabi niya.

Tumalikod na si Jelo. Mabilis kong ipinaliwanag kay Mommy ang nangyari. Humalik ako kay Lumi at sinundan ko nang muli si Jelo.

 

Minsan, tinatawanan ako ng mga kasama ko tuwing sisigawan ko ang mga lalaking kakantyaw ng “hi, babe,” “hi, ganda!,” “ingat,” o “sexy”. Pero matagal-tagal ko na ring ipinangako sa sarili ko na hindi na ako mananahimik.

Bakit? Tanong nila.

No’ng isang araw, may isang batang lalaking nakasampa sa truck ng basura. Nang dumaan ito sa harap ko, sinigawan niya ako ng “Sexy!” Sobrang bata pa ito. Kaunti lang ang itinangkad niya sa anak kong isang taong gulang pa lang. Ito ang dahilan kung bakit.

Maraming mga babaeng pinagagalitan o pinapansin dahil naka-shorts, o naka-sleeveless, o maikli ang suot. Malandi raw ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit.

May viral post sa social media ng usapan sa chat group ng mga kolehiyong kalalakihan. Pinagpipiyestahan nila ang isang menor de edad dahil “masarap daw itong bastusin”. Ito ang dahilan kung bakit.

May babaeng palihim na lumuluha matapos hipuan sa pampublikong sasakyan, at masabihan ng konduktor ng “bakit ganyan kasi ang suot mo?” nang magsumbong ito. Ito ang dahilan kung bakit.

Nang minsang ipaglaban ko sa mga kaibigan kung bakit hindi dapat kinekwestyon ang kasuotan ng mga kababaihan, wala ni isa man sa kanila ang kumampi sa ‘kin. Karamihan sa amin na nag-uusap no’n, mga babae. Ito ang dahilan kung bakit.

 

Hindi ito ang unang akda na sinulat ko tungkol dito. Ang una, pinamagatan kong “Mundo ng mga Titi”. Ikinwento ko dito ang mga pambabastos na naranasan ko.

Tinanong ako ni Jelo no’n, “Okay, pero anong ginagawa mo?” Sabi niya, marami na raw naisulat na gano’ng akda sa dalas nitong mangyari. Maiiba lang ang sinulat ko, kung pipiliin kong may gawin. Nalulungkot daw siya na hindi niya ako naturuang ipagtanggol ang sarili ko, maging matapang at lumaban.

Simula no’n, pinauulanan ko na ng mura ang kahit na sinong mambastos sa ‘kin. Kahit pa catcalling lang, dahil hindi ito kailanman “lang”.

 

Alam kong hindi pa ito sapat. Pero ito ang aking simula.  Nakakalungkot na sa ngayon, sa Quezon City pa lang may ordinansang nagbabawal sa catcalling. Sana, lumawak pa ang sakop nang batas na ito, hanggang sa umabot ito sa buong bansa.

Masaya akong murahin ang mga lalaking nambabastos sa ‘kin. Sana sa susunod, madala ko na sila sa presinto.

Higit, masaya akong nakahanap ng lalaking ipaglalaban—hindi ako—kung ‘di ang paniniwalang basura ang misogynistic at sexist na pananaw ng mundo. Sana isang araw, hindi na mapanganib maging babae sa mundong ito.

15064196_10154827938914430_1098380511_o
“Sasama ka sa ‘kin, o bibigwasan kita?” (Reyes, 2016)

 

Para kay Tiktik, Trixie, Ate Pat: Pagbati at Pasasalamat

Bagama’t nangako sa Ate ko na bobonggahan ko ang Facebook Congratulatory Post para sa kasal nila ni Jo, hindi ko agad ito nagawa. September 10 sila ikinasal, at mag-iisang buwan na, pero hindi ko pa ka’gad nabigyan ng panahon.

blushing-bride
The blushing bride. *Iza fights back happy tears*

Naisip ko kasing napakahirap isaletra ang nararamdaman: saya dahil sa wakas, pagkatapos ng lahat ng hirap at sakit, pagkatapos ng iba’t ibang klase ng pagkadurog ng puso na nasaksihan ko, pagkatapos ng paghahanap, paghahangad at paghihintay, ikakasal na siya sa isang taong tanggap siya nang buong buo; at syempre, ang lungkot, dahil wala ako sa isa sa pinakaimportanteng araw ng buhay niya.

Malamang sasapukin ako no’n at this point, kung hindi lang siya malayo sa ‘kin, kasi madrama na. Pero pag-alis pa lang niya papuntang States, gusto ko nang magsulat tungkol sa kanya. Nakita ko pa lang ang salitang “departures” sa airport, iniisip ko na, sisimulan ko ang sanaysay sa salitang ito—kung bakit tila ang bigat nitong pakinggan at basahin, na para bang sa unang dalawang pantig pa lang, ide-detach sa iyo ang minsan mo nang naging bahagi.

Pero kahit kailan, hindi ko ‘yon naisulat. Natitigil ako sa tuwing magsisimula, sa takot na maramdaman uli ang paninikip ng dibdib at ang bloke sa lalamunan sa huling sulyap bago siya pumasok sa boarding area.

Miss ko na ang Ate ko. Kahit nakakausap ko naman siya sa chat minsan, iba pa rin syempre ang nakukulit siya sa personal. Hindi madaling mapikon ‘yon, pero mabigat ang kamay. Mahilig mamalo, minsan sa likod pa. Minsan, bigla na lang siyang papatong sa ‘kin kapag nakahiga sa kama, o sa sahig, kasi, wala lang. Madalas din ‘yan mangagat sa braso, kahit pa sobrang mapipikon ako pagkatapos. Akalain mong pati pala ‘yon, hahanap-hanapin ko?

hk
HK trip 2014 (look for our cutie bunso in the background)

Nang sabihin ko kay Ate Pat na buntis ako, mga ilang buwan bago siya umalis, habang papunta kami sa simbahan (hindi ko na maaalala kung bakit, hindi naman Linggo, novena ‘ata para sa fiesta), ang sabi niya sa ‘kin, “lagot ka,” nang nakangiti. Pagkatapos, nag-chikahan na kami kung anong ipapangalan sa anak ko.

Hindi kami agad na magkasundo ni Ate Pat. Sobrang lapit nang agwat ng edad namin, March 1992 siya pinanganak, at sumunod na ako ka’gad ng October 1993, kaya no’ng mga bata pa kami, ang natatandaan ko, ang lagi naming pag-aaway, at ang palayaw niyang nakakatawa: Tiktik. Pero sa mga kaklase at kamag-anak, Trixie.

me-n-pati
Tiktik and Lumi (charot, me)

Malaki kasi ang pinagkaiba ng mga ugali namin. Ako, mabunganga, maingay, at sa unang tingin, approachable daw. Siya, tahimik, hindi ga’nong nagsasalita kung hindi naman kailangan, at ang first impression lagi sa kanya ng mga tao, masungit.

Maingat siya sa mga gamit. Hanggang ngayon yata, buhay pa ang mga damit at sapatos ng mga Barbie niya, at syempre, ang mga Barbie. Ako naman, burara. Agad nawawala at nasisira ang mga laruan ko. Pugot ang mga Barbie at may sulat-sulat ng colored markers sa mukha at buhok. Kaya no’ng bata kami, lagi kong pinagdidiskitahan ang mga laruan niya. Tapos, magagalit siya sa ‘kin. Grabe pa naman siya magalit. Naninigaw talaga ‘yan, nagdadabog, tapos hindi namamansin. Maya-maya, bigla niya akong kakausapin na parang walang nangyari. Madalas, aalukin niya ako ng pagkain bilang peace offering. Pero kahit kailan, hindi ako ang unang kumakausap kapag nag-aaway kami. Minsan ko na kasing ginawa, tapos galit pa rin siya, at katahimikan lang ang sinagot niya sa ‘kin.

Kung may masasayang alaala man sa kabataan namin na naaalala ko, ‘eto ‘yung naglalaro kami ng “orphanage-orphanage” kasama ng napakarami naming stuffed toy. Ayaw namin ng bahay-bahayan. Kunwari may orphanage kami, tapos bida ang dalawa naming favorite stuffed toy—sa kanya si Bubbles, sa ‘kin si Blossom, na dinugtungan namin ng mahabang pangalan pa. Blossom Angelina Mae na lang ang naaalala ko, pero pito ata ‘yan o walo.

Naalala kong inggit ako sa kanya dahil sa tingin ko, sa kanya lagi napupunta ang mas magagandang pasalubong. Pakiramdam ko ako lang ‘yon, dahil madalas namang pareho ang binibiling pasalubong ni Mama para sa ‘ming dalawa, naiba lang ng kulay.

Pati pangalan niya, mas gusto ko kaysa sa pangalan ko. Louise Patricia, ang haba, naisip ko no’n. Ang akin kasi, eight letters lang.

Isa pang kinaiinggitan ko, ang halaga ng nakukuha niyang aginaldo. No’ng sa Pampanga na kasi kami nakatira, mas marami siyang nakukuha dahil taga-Pampanga ang mga ninong at ninang niya. Ako naman, halos asa Manila, kung sa’n kami tumira nang walong taon, bago nag-abroad si Papa.

May isang Pasko na hindi ko talaga matanggap na mas malaki ang nakuha niyang aginaldo, kaya umiyak ako nang umiyak habang nasa bahay ng tita ko, kasama ang iba pang mga kapamilya namin. Kaya ayon, binigyan nila ako ng pera para mapantayan ko ang halaga na nakuha niya.

Nagalit siya sa ‘kin no’n. Sabi niya, “ang daya mo naman, ‘eh.”

Kinaiinggitan ko rin ang mahaba at diretso niyang buhok, na bihirang bihira niyang pinapagupit. Kapag nagkakagusto sa kanya ang mga kaklase o kakilala ko, sasabihin nila sa ‘king ang ganda kasi ng buhok niya. Samantalang ako, kulot at buhaghag ang buhok, at Grade 6 pa lang, pinaunat ko na, kaya unti-unting nasira at ngayon lang bumalik sa pagkanatural (na magulo).

Lalo pang lumala ang mga pag-aaway namin nang ipanganak ang bunso naming kapatid, si Quiel. Ayaw kasi sa ‘kin ni Quiel no’ng batang-bata pa siya. Maitim daw kasi ako, at silang dalawa, parehong maputi.

Maliban sa aginaldo, kulay ng balat at buhok, halos pareho kami sa lahat ng bagay ni Tiktik. Pareho kaming nasa honor roll no’ng elementary, 1st ako at 2nd siya no’n, consistently. Pareho kaming isinabak sa Campus Journalism pagdating ng Grade 5. (Oo, nagsusulat din ang ate ko, cool niya ‘no, at ngayon, si Quiel, student-journalist na rin na humahakot ng awards). Si Tiktik, sa Feature Writing, at ako naman, sa Editorial Writing, parehong sa Ingles. Sabay kaming nananalo no’n, Grade 5 ako at Grade 6 siya.

Pati sa damit, laging pareho ang binibili ni Mama para sa ‘ming dalawa, again—naiiba lang ng kulay. Hindi kami magkamukha, pero dahil pareho kami ng damit, tinatawag kaming kambal.

Pareho rin kaming mahilig magbasa, hanggang sa paglaki. Ang kinahihiligan namin no’n, mga Young Adult novels. Dahil siguro dito, pareho kaming may idealistic na tingin sa pag-ibig at pagmamahal. Siguro, dahil malayo si Papa sa ‘min, pareho kaming naghangad ng knight in shining armor, at mala-fairytale na kwentong pag-ibig. Ang paghahanap namin ng happy-ever-after, stems from “Daddy issues”, sabi ng karamihan.

High school ko sinimulang tawaging Ate Pat si Tiktik. Lagi kasi kaming nagkikita sa hallways at corridors, at binabati siya ng mga kaklase ko. “Pat” ang tawag sa kanya sa nilipatan naming eskwelahan, kaya kami, “Ate Pat” ang tawag sa kanya.

Lumala ang dati naming mga cute na away pagtuntong ng sekondarya. Naging pasaway din kasi ako. Nahuhuli ako minsan ng dating sa school service naming jeep dahil nakikipag-chikahan pa ako. Minsan din naming pinag-awayan ang pakikipag-telebabad ko. May inutos ‘ata siya sa ‘kin na hindi ko na maalala kung ano, at hindi ako sumunod, dahil busy ako, ulit, sa pakikipag-chikahan. 1st year high school ako nito.

Nagkulong siya sa kwarto at hindi na ako kinausap. Kung gaano katagal, hindi ko makakalimutan—tatlong buwan. Lagi-lagi noon, ginigising niya ako (sobrang hirap kong gisingin; tamad kasi akong bumangon), sa pamamagitan ng paghila nang malakas sa paa ko. Pero simula no’n, hindi na niya hinila ang paa ko. Tabi kaming matulog, pero nakatalikod siya sa ‘kin. Pati si Mama, napansing hindi kami nag-uusap.

Hindi ko na maalala kung pa’no kami nagbati, pero simula no’n, natakot akong ulitin niya sa ‘kin ang silent treatment (na naulit pa, pero hindi na gano’n kahaba), kaya binawasan ko naman ang pagiging pasaway ko.

Ilan sa mga nagpatibay ng relasyon namin no’ng high school ang pagsali sa streetdancing sa parokya no’ng 2nd year, hanggang 3rd year high school. Nagkaro’n kami ng “barkada,” puro lalaki, at isa do’n, boyfriend niya.

Ang isa sa mga well-known Pat facts ng mundo, mula pagkabata, hindi iyan madalas umiyak. Natatahimik ang isang kwarto ‘pag tumulo ang luha niyan, kasi nga minsan lang ‘ata sa isang taon mangyari. Isang beses ko lang siya naalala humagulgol no’ng mga bata kami, nang umalis si Papa.

Pero nang nakikipaghiwalay ang boyfriend na ‘to sa kanya, muli kong narinig ang mga hagulgol niya—na parang hagulgol ng lalaki, sa totoo lang, dahil sa sobrang dalang—sa mga hagdan sa labas ng bisitas (kapilya) ng barangay namin, nagmamakaawa, hindi pumapayag, sumisigaw ng “ayoko.”

Sa paglipas ng mga taon, natunghayan ko ang ilang pagkawasak ng puso ng Ate kong matapang. Walang nakatitinag sa kanya kun’di pag-ibig. Sa paglipas ng mga taon, tahimik akong sumasabay sa kanyang paghiling na mahanap ang lalaking hindi na siya paluluhain.

Kolehiyo kami naging mas malapit ni Ate Pat. No’ng una, nag-away pa kami, dahil nagselos siya nang nagiging malapit na sa ‘kin ang dormmates namin na dati’y dormmates lang niya. Pero pagkatapos niyang makipagbati sa pamamagitan ng pagbili ng Army Navy burrito para sa ‘kin, naging maayos naman ang lahat. Tulad ng dati, pagkain pa rin ang peace offering niya sa ‘kin.

Naging daan ang mga dormmates namin—sina Ate Yan, Ate Roan, Ate Aix, Ate KC at Dana—na mas maging matibay ang relasyon namin bilang magkapatid. Lagi kasi kaming kumakain sa labas, o nagte-takeout at nagfu-foodtrip sa kwarto, bumibili ng isang galong ice cream at pinagsasaluhan habang nanonood ng downloaded movie sa laptop, pumupunta sa SM San Lazaro, nagke-kwentuhan, nagpi-picture-picture sa loob ng room 5-1 na tirahan niya ng apat na taon, at ako, tatlo.

dormis
College, with roommates, nang ma-stuck kami sa dorm for three days dahil sa bagyo at baha

Si Ate Pat ang nag-aayos ng maruruming damit ko para ipa-laundry no’ng kolehiyo kami. Siya rin ang bumibili ng pagkain at toiletries na kakailanganin namin sa dorm. Siya ang nagbabayad ng mga bayarin—tuition fee, bayad sa dorm. Pakiramdam ko, may magulang pa rin ako kahit dapat, independent na ako. Kaya nga nang nagtapos na siya at naiwan akong mag-isa, pakiramdam ko, unang taon ko pa lang sa college, dahil first time kong kailanganing gawin ang lahat on my own.

Isa pang nakabibilib na katangian ni Ate Pat, sobrang galing niyang mag-ipon ng pera. Ewan ko ba, ako, ubos lagi ang allowance ko, at wala naman akong nabibili. Siya, ang dami niyang ipon, pero nakabibili pa siya ng sapatos, damit, Beatz na headphones, cellphone at kung ano pang mga luho. Pag-graduate niya pa lang ata, 5 digits na ang ipon niya, pero nagtapos ako na walang pera.

Masinop rin siya sa gamit; laging maayos ang kama niya. Puti ang uniporme pero kahit kailan, hindi umuwi na may mantsa. Malinis lagi ang sapatos, organisado ang lalagyan ng damit, walang basura sa bag, kabaligtaran ko pagdating sa gamit at damit.

Hindi rin iyan puspusan kung mag-aral, pero ‘pag tinanong mo, kabisado. Chill lang siya madalas, nanonood ng series o pelikula sa laptop, natutulog (!!!), kumakain, pero pumapasa, at minsan, mataas ang grado.

Kung may pinaglalaanan ng effort ang Ate ko, ‘yun ang pag-ibig. Husgahan man siya ng iba, hanga ako sa oras na inilalaan niya para dito. Bongga ang regalo niya kapag may selebrasyon. Matagal niyang pinaghahandaan ang mga okasyon, minsan nga, kahit wala.

Pero ayon nga, kapag todo-bigay, todo rin kung masaktan. Isa ako sa mga umakay sa kanya sa hagdan (fifth floor ang kwarto namin) nang naglasing siya dahil nag-two time ang jowang payatot nga. Umupo siya sa sahig, sumandal sa mga cabinet namin, at umiyak nang malakas. Nagsasalita pa, “Ano bang mali sa’ kin?” habang sumisipa, parang batang maliit. Walang gumagalaw sa ‘min no’n; nakatingin lang sa kanya, minsa’y nagpapalitan ng tingin, hanggang sa may tumayo na para pilitin siyang humiga na sa kama.

At hindi lang emosyonal ang sakit—hindi ko makakalimutan, isang Valentine’s Day, malungkot siya dahil pakiramdam niya walang surpresa sa kanya ang boyfriend niya. Nang tumawag ito na naghihintay sa ibaba ng dorm para sa kanya, at may dalang mga bulaklak, dali-dali itong tumakbo, nag-elevator pababa, at tumakbo uli palabas mula sa lobby. Ayon, nadapa, tumama ang baba sa konkreto, at nag-Valentine’s Day sila ng boyfriend niya sa Health Service ng unibersidad.

Hindi naman siya nagpatalo sa bigong pag-ibig. 4th year na siya no’ng mag-two-time ang dating boyfriend, at nag-desisyong ituon ang sarili sa pag-aaral. Kung tutuusin, maayos naman ang pag-aaral niya no’n. Mabilis naman siyang makaintindi ng mahihirap na aralin; matalas naman ang memorya niya; at marami ngang naiinggit na hindi siya nag-eeffort pero laging pumapasa. Pero nang nag-exert na siya ng extra effort, pagkatapos magloko ng jowa niyang payatot, aba, Dean’s Lister.

d-hapi-gradu8
The ‘chill’ student graduates!

Hindi na kami madalas mag-away ni Ate Pat no’ng college, pero naaalala ko pang nagalit siya sa ‘kin bago mag-Valentines (na naman), kasi pumapayag ako sa setup namin ni Jelo (na tatay na ng anak ko ngayon), ang usong-uso na walang label pero kung umasta, daig pa ang mag-nobyo’t nobya. Tama naman siya dahil nag-Valentine’s day at hindi ako pinuntahan ni Jelo (nawala “raw” ang wallet niya, pero alam niyo na), kaya lang, matigas ang ulo ko.

Nang may “label” na kami ni Jelo, isa siya sa excited na excited na may boyfriend na ako. Binigyan ako no’n ni Jelo nang isang box ng Krispy Kreme, pinost niya pa sa Instagram, “donuts from Iza’s boyfriend.”

No’ng buntis na ako, nag-uusap pa ‘yang si Ate Pat at Jelo via viber. Nakita ko lang ‘yon nang binigay na sa ‘kin ni Jelo ang cellphone niya dahil pinanakaw ko ang binili niya para sa ‘kin. Pinag-uusapan nilang dalawa kung ano bang balak ni Jelo.

Alam kong kahit madalas kaming mag-away ni Ate Pat noon, na akala mo’y kontrabida kami sa buhay ng isa’t isa, siya naman talaga ang kakampi ko sa buhay. Lagi niya akong binibili ng kung ano-anong pagkain no’ng college, minsan sapatos, minsan notebook. Walang mintis na may birthday gift ‘yan sa ‘kin—one time, no’ng nahumaling ako kay Nicholas Sparks dahil gusto siya ng crush ko—binilhan niya ako ng kalalabas pa lang na libro nito.

Madalas akong wala sa dorm dahil nababarkada, at laging tumatawag ang Mama namin sa kanya para mangumusta. Pinagtatakpan niya ako at sinasabing naliligo, o kumakain sa labas, o may binili. No’ng nagkakaro’n na ako ng pregnancy scares, hindi niya ako hinusgahan na hindi na ‘ko virgin tulad ng ginawa ng marami. Sa halip, tinanong niya ‘ko ng alam niyang symptoms, at sinabing hindi naman siguro ako buntis. No’ng nagdududa ako kung kakayanin ko bang isama ang anak ko sa buhay ko sa Maynila, imbis na iwan siya sa Pampanga dahil no’ng panahon na ‘yon, para bang ‘yon ang tamang gawin, hindi niya ako bineybi at binola-bola na “kaya mo ‘yan.” Sa halip, sinabi niya sa ‘kin, “anak mo ‘yan. Kailangan kasama mo ‘yan kahit sa’n ka makarating. Panindigan mo ‘yan. You’re an adult.”—something like that. At kahit kailan, hindi ko pinagsisihan na sinunod ko siya.

At ngayon na “Auntie Pat” na siya, siya yata ang number one na nag-iispoil kay Lumiere, sa anak namin ni Jelo, pagdating sa mga gamit. Therapy niya raw kasi kapag nalulungkot siya sa States ang pagbili ng damit at sapatos para sa anak ko. Bongga ng therapy niya, ‘di ba? At pati ako, spoiled, dahil hanggang ngayon, binibilhan niya pa rin ako ng gamit.

Bago siya umalis papuntang States, may boyfriend siya dito sa Pilipinas. Maayos ang lahat sa kanilang dalawa kahit pa madalas mag-away, kaya akala ko, hindi na itutuloy ni Ate Pat ang pag-alis. Pinipigilan kasi siya ng boyfriend niya no’n.

Pero matagal nang pangarap ng Ate ko ang makaalis at makapagtrabaho sa ibang bansa. Simple man at chill si Ate Pat, mataas ang pangarap niya sa buhay. At siya rin ang tipo ng taong kapag ginusto niya ang isang bagay, paninindigan niyang makuha ito. Kaya kahit nasakripisyo ang relasyon nila ng boyfriend niya no’n, kahit ga’no niya pa ito kamahal, umalis siya.

Kaya hindi na ako nagtaka nang ma-approve ang Visa niya at makaalis. Tatlong buwan ako no’ng buntis. Bago siya umalis, sabi niya sa ‘kin, padalhan ko raw siya bawat buwan ng retrato ng tiyan ko, via Viber. Hindi ko nagawang bawat buwan, pero napapakita ko naman sa kanya paminsan-minsan. Pinagtatawanan niya na “mataba’ na raw ako.

Hindi na kami gano’n kadalas mag-usap. Mahirap panindigan ang “keep in touch,” siguro kung hindi para sa iba, para sa akin. Siguro isa o dalawang beses sa isang buwan, pero sapat na ‘yon para malaman kong and’yan lang ang kakampi ko, hindi mawawala, kahit ga’no pa kalayo.

Alam kong hindi naging madali para kina Ate Pat ang Jo ang lahat—naging long distance din ang relasyon nila dahil nagsanay si Jo para sa Airforce nang dalawang buwan, at sa sulat lang sila nag-uusap no’n; minsan lang pwedeng tumawag. Naglo-long drive siya papuntang Vegas dahil taga-California siya, at kung hindi, si Jo naman ang pumupunta sa kanya.

Ngayon, naka-destino si Jo sa San Antonio, Texas, at do’n sila nakatira. Dalawampung oras ang layo kung ida-drive mula sa dati niyang tirahan, sa California, kasama ni Papa. Plano nilang dalawa na mag-aral uli, tapos bumili ng bahay, at in two to three years, magka-anak. Tulad ng dati, alam ni Ate Pat kung anong gusto niyang mangyari sa hinaharap, at tiwala akong magagawa niya ‘to lahat, dahil kailan ba hindi?

May pagkabaliw din ang Ate ko pagdating sa relasyon—tulad ko rin. Clingy siya, selosa, at possessive, pero mapagbigay, tapat, at todo-bigay. Masaya akong nakahanap siya ng isang Jo na tanggap ang lahat ng ito. Umaasa akong isang araw, makikilala ko at ni Lumiere nang lubos ang Uncle Jo niya.

Alam ko naman, hindi pa ito ang happy-ever-after ng Ate ko. Hindi naman ‘yon nag-eexist sa tunay na buhay. Pero alam kong happy siya, more than she has ever been in her lifetime. Kaya malaki rin ang pasasalamat ko na dumating si Jo sa buhay niya. Pero sana alam niya, malaking bahagi ng kasiyahan niya ngayon, ay dahil nagsikap siya at hindi siya kailanman sumuko.

Congrats, Ate Pat and Jo. Sorry kung halos isang buwan na, pero ngayon pa lang ako bumabati. Huli man, masaya ako para sa inyo, at sa panibagong simula na ito.

Sana, sa kasal ko, ando’n kayong dalawa at ang mga pamangkin ko, kung meron na.

wedding
The newlyweds, ready to make gorgeous babies (chos, 2-3 years pa raw), ready to conquer the world muna

First Date

13691064_10154476184699430_7048909634676807270_o

Four years ago, July 24, 2012, ang first date namin ni Jelo.

Four years ago, July 24, 2012, ang first date ko, buong buhay ko.

Hindi ko pa no’n alam na hindi lang ako ang dine-date niya. Binibigyan niya ako ng hints – “Ang chicks ko talaga”, “marami akong crush”, pero ewan ko ba. Hindi talaga nagsi-sink in.

Malayo ako sa maharot pero kinilig ako nang ayain niya ako sa Facebook chat, kung san kami una at madalas na mag-usap. “I-date mo ako,” sabi niya. Hindi ko pa no’n alam na kapag sinabing “i-date mo ako” at hindi “date tayo”, ililibre mo ang taong nagsabi.

“Samahan mo ‘kong manood ng Dark Knight rises.”

“Libre mo?” sabi ko.

“I-date mo nga ako, eh. Edi libre mo,” kaya ko nalaman.

Guys, pa-demure naman ako ng very very slight no’n kahit crush na crush ko siya. Ayoko, sabi ko. Pero nangulit ang lolo niyo. Super landi niya no’ng time na ‘yon, kahit tanungin niyo pa siya, aamin ‘yan.

Sabi ko na lang, ililibre ko siya kapag walang news test sa subject namin kinabukasan. Magkaklase kami sa Journ no’n, at sa subject na ‘yon (Advanced Newswriting ‘ata, nakalimutan ko na), walang mintis na may quiz tungkol sa balita every meeting. So sabi niya, “imposible naman ‘yan, eh.”

Eh, ‘yun naman sana ang intensyon ko.

Pero bumagyo kinabukasan. Nasa labas na kaming lahat ng classroom nang i-announce na wala nang pasok. Nakaupo kami ng mga kaibigan ko sa bench sa labas ng classroom at tinabihan niya ako.

Hindi ko na maalala kung nag-usap pa ba kami no’n. Ang naaalala ko na lang, umuwi rin ako agad no’n sa probinsya dahil Sabado.

Pero naaalala kong ka-text ko siya sa bus sa biyahe pauwi. Sabi niya, “Walang news test.” Naaalala kong napag-usapan namin ang pesteng pustahang date.

Naaalala ko pang bumaba ako sa SM Pampanga dahil hinihintay ako ni Mama, Ate Pat at Quiel. Naaalala ko pang inabangan ako ni Ate Pat sa labas ng sinehan dahil nag-umpisa na ang panonoorin naming pelikula – yup, Dark Knight Rises.

Habang nasa sinehan, pumayag akong makipag-date at manlibre, nang Tuesday dahil wala kaming pasok. (Malandi rin naman pala.)

Nilibre ko siya ng Dark Knight Rises at nagpanggap akong hindi ko pa napapanood. Inakbayan niya ako no’n. Simula no’n, inaakbayan niya na ako ‘pag hinahatid pagkatapos naming kumain ng dinner with friends after Wednesday class.

Nagsayang siya ng pera do’n sa stuff toy machine sa Tom’s World. Lagi niyang pinagmamalaki sa ‘kin na magaling siya kumuha ng stuff toy sa mga gano’ng makina, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya napapatunayan.

Nilibre niya ako sa Lydia’s Lechon at lagi niya akong inaasar (hanggang ngayon) na no’ng tanungin niya ako kung anong gusto ko, sumagot ako ng “kahit ano.”

Mas madaldal pa ako no’n ‘pag kausap siya sa chat o text kaya mostly, siya ang nagkwento habang kumakain kami. Ang kwento na no’n, tungkol sa kabataan niya sa Novaliches. Nakangiti lang akong nakikinig.

Sinilip ko pa no’n ang resibo para makita kung nalagpasan niya ang binayad ko sa sinehan. Gusto ko sigurong patunayan na hindi ako ang nakalamang ng libre sa first date ko ever all my life. Lumagpas naman ng three pesos. Isa rin sa mga sinilip ko ang screen ng cellphone niya. Nakita kong may ka-text siyang girlie.

Pero hindi ko na binanggit.

Hinatid niya ako sa dorm. Sabi niya may kikitain pa raw siya. Hindi ko na tinanong kung sino.

Naitago ko ang lahat ng movie tickets sa bawat date namin buong “landian” taon. May isang natapon, no’ng siya ang nag-bulsa – “The Reunion”.

No’ng kami-na-may-label-na-officially-wala-nang-girlie-sa-wakas-thank-you-Lord, dinidikit ko naman ang mga movie ticket at resibo ng date sa planner ko.

Kung tatanungin ako kung bakit hindi ako bumitiw, isasagot ko ang gasgas nang ‘hindi ka naman nagmamahal para mahalin pabalik’. Pero isa lang ‘yon sa mga dahilan. Siguro, mas matimbang na rason – alam kong hindi ako magsasawang makinig sa mga kwento niya, at siya, sa mga kwento ko.

Four years na rin pala. Sinong mag-aakala na ngayon, resibo na ng vaccine, diaper at gatas ang itatago ko.

Buti na lang, hindi natuloy ang news test.

(24 July 2016)

 

Liwanag

13340728_1197380196948564_1356629121_o.jpg

Noong pinagbubuntis ko si Lumiere, sabi nila sa ‘kin, makinig daw ako ng classical songs. Pampatalino raw ng baby. Sinubukan ko naman. Pero shet, sobrang inaantok ako sa trabaho! Bawal pa naman uminom ng kape ang buntis. Imbes na classical music, Gloc-9 ang pinakikinggan ko. Kaya nga memorize ko ang mga kantang Sirena at Magda.

Bukod kay Gloc-9, inuulit-ulit ko rin ang mga kanta ni Ed Sheeran (kapag hindi ako inaantok). Kapag wala na akong ginagawa, habang nakikinig, naka-open sa browser ang sinearch kong lyrics. Binabasa ko. Noong mga panahong ‘to, Thinking Out Loud lang ang paboritong Ed Sheeran song ng mga tao. Ako, paborito ko no’n ang kantang Tenerife Sea.

Ulit-ulit ko itong pinakikinggan pero may parteng hindi ko maintindihan. Sa bridge, isang word. Kaya tulad ng nakagawian, sinearch ko ang lyrics. Nahanap ko — “Lumiere, darling, Lumiere, over me.”

Lumiere — hinanap ko ang ibig sabihin. French word pala ito for Light. Inilagay ko agad sa notepad document ko na listahan ng possible Tiki names. (Tiki ang nickname namin sa baby namin no’ng hindi pa namin alam ang gender, at wala pang napipiling pangalan.) Ipinwesto ko sa kauna-unahan, do’n sa column ng pambabae. Hindi ko sinasabi kay Jelo, kasi madalas akong mag-suggest – Isabel, Elizabeth, Nathaniel, Charles – pero ayaw niya. Korni raw.

Isang gabi, habang nasa bahay nila, nakikinig kami ng mga kanta ni Ed Sheeran sa Spotify. Tumugtog ang kantang Tenerife Sea.

Should this be the last thing I see, I want you to know it’s enough for me. ‘Cause all that you are is all that I’ll ever need.

Lumiere, darling. Lumiere, over me.

Hindi ko pa rin sinabing ‘yon ang gusto kong pangalan ng anak namin kung babae. Pero maya-maya, bigla siyang nagsalita.

“Lumiere na lang ipangalan natin kay Tiki kung girl siya.”

Hindi ito okay.

“Tangina mo, pokpok ka. Puro ka satsat, gago. Makasalubong lang kita sa daan dito sa Los Banos, duduraan kita. Worst, baka buhusan pa kita ng asido. Pukingina mo.”

“Putang ina mo. Kung ayaw mo kay Duterte, tumahimik ka. Mas malinis pa titi ko kaysa sa mukha mo. Tang ina ka. Mga kaibigan ko gustong pumatay sa ‘yo. May pera ka naman. Handa mo na lang ‘yan panggastos sa ospital.”

“Hoy, ‘te. ‘Pag nanalo si Duterte, babalikan ka namin. ‘Langya mo! May pa-eyeglass-eyeglass ka pang nalalaman sa profile pic mo. Sobrang hindi naman bagay. Parang si Dora lang na tumanda.”

“Bobo.”

“Dunung-dunungan kasi. Lakas ng loob.”

“Idiot.”

“Tanga.”

“Hoy, ‘wag kang bobo. Mamulat ka, ‘te. Kasi ‘di mo alam nangyayari sa Pilipinas na pinamumunuan ng mga bias na tao. Corrupt. Fuck you. You deserve to be bashed.”

“Tangama mo. Magkano ba binayad sa ‘yo? Ulol. Wag kami, gago.”

“Sorry, hindi corrupt ang presidente namin. Baka sa ‘yo. Halatang-halata sa fats mo.”

“Ang bobo ng putang inang admin. I-report na ‘to.”

“Magbigti ka na lang.”

“Puta. Ang kitid ng utak. Hanap pa talaga kayo ng ikasisira ni Mayor namin. Kabahan na kayo. Hahaha.”

“Doble kayod ang paninira para magkapera naman. Mga bayaran. More like, more share, more money, ‘di ba?”

“Putang ina niyo, Philippine Star! Masunog sana lahat ng binabalita niyo. Magsama-sama kayo, mga gago. Hindi kami tanga dito sa Australia. Fuck you! Motherfucker!”

“Hoy. Putangina niyo. Ayusin niyo reports niyo. Post niyo ang full interview ni Mayor. Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas. Putangina. Pagbabarilin ko kayo. Putangina niyo. Pasabugin ko building niyo.”

As much as possible, ayokong mag-post ng kahit anong anti-Duterte statement dahil sa lala ng negatibong reaksyon ng mga taga-suporta niya. Kaya hindi ito kampanya laban kay Duterte.

Para ito sa mga Pilipinong kinakalaban ang kapwa Pilipino.

Messages at comments ang mga ‘to ng mga taga-suporta  ni Duterte. Kinuha ko ang mga ‘to mula sa iba-ibang tao, sa iba-ibang post, sa screenshots ng mga nakatanggap ng mga mensahe. Iilang patak lang ito sa ulan ng mga mensahe at komentong ganito rin ang tema – nag-aamok, nagbabanta, nanlalait at naninira. Alam ko, hindi naman lahat ng sumusuporta kay Duterte, ganito. Pero, the mere fact na merong ganitong mga tao – na napakarami nila – nakakatakot.

Hilig ko ang pagsusulat at pagbabasa dahil para sa ‘kin, words are powerful. Sandata ang mga salita – nakapagbabago ng pananaw, nakapagsisimula ng pagbabago. Pero ang paggamit ng salita bilang sandata sa paraang marahas, hindi ko matanggap.

Isa sa lagi kong nababasang argumento ng mga Duterte supporters, okay lang maging bad-mouthed, basta umaaksyon. Basta “good character.” Kaya ‘pag nakakabasa ako ng ganito, naiisip ko, kaya ba okay lang sa kanilang manakit ng kapwa gamit ang salita, eh dahil sa palagay nila, mabuti naman silang mga tao?

Naririnig o nababasa kaya nila ang mga sarili nila? Kailan pa naging okay murahin ang isang taong nagpapahayag lang ng opinyon? Bawal na ba magpahayag ng suporta sa ibang kandidato?

Hindi ba’t dapat nga, makinig at magbasa tayo ng balita, pati ng opinyon ng iba, para madagdagan ang kaalaman natin, so we can make informed decisions? Pero paano ‘yun, kung ang lahat ng nababasa nating balita o kahit anong post na kontra sa sarili nating opinyon, ang tingin natin, eh biased o bayad? Hindi ba, tayo ang biased no’n?

Elementary pa lang ako, lagi ko nang naririnig sa school na kilala ang mga Pilipino sa pagiging family-oriented, hospitable, maka-Diyos, matatag ang pananampalataya.

Ganitong klaseng “change” ba ang sinasabi niyong “change is coming”? Sana, hindi.

Hindi nga natin maayos ang pakikitungo natin sa kapwa natin Pilipino, eh, pa’no kaya aayos ang bansa? Naaawa ako sa bansa. Naaawa ako sa mga Pilipinong ang tingin sa ganitong uri ng pang-aapi ay “okay lang.”

Hindi ito okay.

It’s a Bird, it’s a Plane, it’s Superbump

Minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko.

Nu’ng isang araw, nagpa-renew ako ng passport sa DFA Pampanga, sa 2nd floor ng Robinsons Starmills.

Pagdating namin, nagkalat na ang maraming tao sa 2nd floor. Sa maliit na TV screen, nakasulat na 136 pa ang waiting applicants. Hindi ko alam kung kasama na du’n sa 136 ang mga tambay na may dalang folder na nakasandal sa pader ng mga shops na nakapalibot sa DFA, o ‘yung mga nakaupo lang sa mga nakahilerang itim na upuan sa labas ng DFA office. Usually, sa mga ganitong lakad, maaga ako ng isang oras sa pagbubukas ng opisina, dahil ina-anticipate ko nga ‘yung dami ng tao. Pero sa araw na ‘yon, 1PM na ako dumating dahil ‘yon ang oras na binigay ng kikitain kong travel agency liaison officer.

Sa totoo lang, hindi ko naman alam anong ginagawa ng liaison officer. Basta’t inabot ko sa kanya ‘yung mga forms at photocopy ng ID. Sabi niya, ipapa-verify niya lang daw at tatawagin niya ako. Nu’ng tinawag niya naman ako, pumila din ako kasama ng mga nakaupo sa mga nakahilerang itim na upuan. Wala rin naman ‘atang pinagkaiba ang pagkakaroon ng liaison officer du’n sa mga sila mismo ang nag-aapply. Kung meron man, hindi ko napansin, dahil pinagdaanan ko rin naman ang matagal na paghihintay at ang bawat proseso ng pagre-renew – verification, processing, payment at encoding. Halos tatlong oras din ang tinagal ng buong proseso. Nainggit tuloy ako du’n sa senior citizen na tinawag, pumasok at sampung minuto lang, nakalabas na.

Kaya minsan, nami-miss ko rin ang baby bump ko, at ang superpowers na kadikit nito.

Dahil tamad ako, bandang January to February ko na nitong taon inasikaso ang mga requirements para sa panganganak (May ang kabuwanan ko) at maternity leave sa opisina, gaya ng SSS at Philhealth. Mabuti na lang pala at hinintay kong lumobo na ang tiyan ko bago lakarin ang mga ito, dahil naging magical gate pass ang tiyan ko sa mga government offices. Para itong neon sign na nagsusumigaw ng “Hello, excuse me, yes, una ako.”

Naalala ko nu’n, 8 AM ako dumating sa Philhealth Ayala. Pagpasok ko, tinawag na ako sa counter 1. “’Yung buntis.” 8:15 AM, natapos na ako. Inagahan ko pa naman dahil 10 AM ang pasok ko sa opisina (malapit lang ang branch ng Philhealth na ‘yun sa office). Pero sa lagay na ‘yun, magrereklamo pa ba ako?

Sa SSS naman, pumunta ako kahit pwede namang online ang kailangan kong kopya ng monthly contributions. (Pa’no kasi, medyo bulok ‘yung website at ayaw gumana kapag nasa probinsya ako). Diretso na akong pinaakyat sa 2nd floor. Medyo syunga ako nu’n at nakatayo lang akong naghihintay na matapos si Lolo sa pakikipag-usap du’n sa lalaki nakaupo sa ilalim ng karatulang ADMINISTRATION. Hindi ko kasi alam kung kanino ako magtatanong. Nang lumipas ang 10 minutes at nakikipagkwentuhan pa rin siya kay sir tungkol sa mga anak niya sa US (Hindi ko rin alam pa’no napunta ru’n ang usapan nila), lumapit na ako sa random na staff at tinuro niya ako sa isang babae sa may RECORDS section. Siya na ang nag-register ng SSS number ko sa website at nag-print ng contributions ko. Dagdag pro rin ng pagiging buntis ang sobrang kabaitan ng mga tao. Tulad ni ma’am na ngiti ng ngiti sa ‘kin. May pabaon pa siyang “good luck sa panganganak mo,” bago ako bumaba.

Pagdating ko sa 1st floor, napag-tripan kong tanungin ang guard kung mabagal ba ang proseso ng pagkuha ng ID. Wala pa kasi akong government ID at napaaga na naman ako. Sabi niya sa ‘kin – kasabay ng stating-the-obvious expression sa mukha niya – “Mabilis lang ‘yan, buntis ka, eh.” Binigyan niya ako ng form at sinabing idiretso ko sa counter 1 pagkatapos. In less than 20 minutes, tapos na ang lahat, pati picture. Magang-maga ang mata, ilong at pisngi ko sa picture (7 months preggy), pero magrereklamo pa ba ako? Solb na dahil hindi naman ako pumila. (Nga lang, four months pa raw bago i-deliver ang ID sa postal address ko.)

Marami pang ibang pros na kasama sa pagiging buntis. Isa sa mga paborito kong superpower ay ang unang wagon ng MRT na nakalaan sa senior citizens, PWD, mga magulang na may dalang anak at pregnant women. Kaya lang, applicable lang ang superpower na ito kapag: a.) sa North Avenue ako sumasakay KAHIT rush hour, o b.) sa kahit saang station ako sumakay, BASTA hindi rush hour.

Kung anong stress at pagtitiis ko sa pakikipagdigma at pakikipagsiksikan sa giant halimaw na ito nu’ng hindi pa ako buntis, ‘yun naman ang chill ko nu’ng malaki na ang tiyan ko. Kahit pa nakatayo ako, paniguradong pauupuin ako. Basta’t technique ko ‘yung tatapat ako sa obviously hindi buntis, or sa senior citizen na hindi pa masyadong senior. Minsang sumakay ako, maraming buntis na nakatayo. Pero pagpasok ko, sinenyasan ako ng isang lolo at pinaupo sa lugar niya. Pagkatayo niya, sumigaw siya ng “Hoy, paupuin niyo mga buntis! ‘Pag nanganak ‘yan dito!” kaya nagsitayuan ang mga may bilbil na mapagpanggap.

Ayoko lang nga na sumasakay ‘pag rush hour, kung hindi ako manggagaling sa North Avenue station, ang unang istasyon. Panigurado kasing nakatayo ako dahil minsan (madalas) may mga walang damdaming commuter (mga may bilbil na mapagpanggap, at meron ring mga walang bilbil na pinipilit umupo at kinakatwirang kasama nila ang katabing buntis) na umuupo kahit na may mga buntis, PWD, senior at may dalang bata na nakatayo. Nakakaimbyerna at dahil bitchesa ako nu’ng buntis ako, tinititigan ko talaga sila hanggang tumayo sila. Fight for your right, sabi ng magical baby bump ko. Hindi ko kailangang pumila ng matagal, makipagsiksikan at makipagtulakan papasok ng wagon at makipag-away dahil nga buntis ako.

Pero teka, gano’n naman talaga dapat para sa kahit na sino lalo na’t ang laki na ng pamasahe, pero dahil sa bulok na sistema, kinailangan ko pang mabuntis (at lumaki ang tiyan, dahil no’ng maliit pa ang tiyan ko, hindi ako pinaniniwalaan ng mga guard at mukha raw akong bata) bago ko maranasan ang walang hassle na biyahe sakay ng MRT.

Syempre, given na ang iba pang mga pros ng pagiging buntis, gaya ng CR sa malls and other establishments na nakalaan sa senior, PWD at pregnant women, at special lane sa fast food para rin sa mga nabanggit.

Pero isa sa mga gusto ko pang pros ng pagkakaroon ng baby bump ay ang pagiging extra understanding ng mga tao sa kakaibang mood swings. May one time na nakapila ako sa sakayan ng jeep at nagsasabi-sabi na ako sa kaibigan ko dahil ang tagal at ang haba pa ng pila. Naririnig pala ako ng katabi ko (malamang) at nang may dumating na jeep, tinawag niya ang barker, tinuro ako, at sinabing “may buntis, o.” Hindi rin ako sinakay pero hiyang-hiya ako dahil sa mga pinagsasabi ko na narinig ni kuya. Pero tumawa lang siya at sinabihan pa ako na sa susunod, ‘wag na akong pumila dahil buntis naman ako.

Madalas rin ako no’ng makipag-away sa mga tricycle driver. Pa’no ba naman kasi, araw-araw akong nagta-tricycle pauwi at alam kong bente lang ang pamasahe mula office hanggang boarding house, pero may mga driver na naninigil ng bente singko, at minsan, trenta. Being the (very) grumpy buntis that I am, sisigawan ko talaga si kuya ng “Araw-araw ho akong nagta-tricycle, bente pesos lang ho. Kayo talagang mga tricycle driver kayo.” (Yes, nilalahat ko. And yes, that’s unfair, kaya lang ako ‘yung tipo ng buntis na nawawalan ng tamang reasoning kapag napipikon.)

Paglabas ko ng tricycle (dahil kapag nakikipag-away ako, gusto ko may hand gestures at gusto ko makikita ni kuya driver ang angas ko), nakatulala na lang si kuya sa ‘kin. Madalas, paglabas ko pa lang nila mapapansin ang tiyan ko. Magla-landing ang titig nila sa magical bump, iiling, at sasabihing, “sige.”

Kapag hindi pumayag na bente lang, nag-wo-walkout ako. Maangas ako, eh. Ang mahal kaya manganak.

Last week, pumunta ako ng SSS Ayala para i-add as dependent ang anak ko. Dapat, sa araw din na ‘yon, aasikasuhin ko na ang Philhealth at BIR chorva para matapos na. Nakalimutan kong hindi na pala ako buntis at hindi ko na-anticipate na sa SSS pa lang, magtatagal na ako. Maaga na nga akong dumating – 7:45 AM, 7 AM nagbubukas ang SSS – pero number 37 na ako. Minalas pa ako (or sadyang syunga lang) dahil nakalimutan kong ipa-photocopy ang birth certificate ng anak ko. Buti na lang, mabait si sir sa counter 3. Magpa-photocopy raw muna ako at bumalik na lang sa kanya pagkatapos. ‘Wag na raw akong pumila ulit.

Pagbalik ko, may kausap pa si sir sa counter 3 kaya umupo muna ako sa mga upuang nakahilera sa bandang harap, katabi ng isang ate na may hawak na number 57. Sumigaw ang sir sa counter 4 ng next. Tumayo si Ate 57 pero may mas naunang lumapit. Number 49 daw siya at hindi raw niya narinig. Nakasimangot na bumalik si Ate 57 sa tabi ko. Maya-maya lang, tumawag na si Sir counter 3. “Next!” Tumayo ako agad at lumapit. Naramdaman kong sumusunod si Ate 57 pero dire-diretso lang ako. Sumenyas ako kay Sir counter 3 at medyo nagtaka pa siya nu’ng una kaya nagkaro’n ng pagkakataon si Ate 57 na kalabitin ako.

“Anong number ka?!” Hala, masungit.

“Pinabalik lang po ako,” tiningnan ko si Sir counter 3 with help-me-eyes at namukhaan din niya ako. “Akin na,” sabi niya, inaabot ang hawak kong photocopy.

“Number 57 ako, o,” hirit ni ate. Galit na inaabot ang maliit na papel na may nakasulat na “57” sa akin.

“Number 37 po ako, ‘di ba, Sir?” Pinakita ko sa kanya ang nakaipit na “37” sa clear white envelope na dala ko. Tapos humarap na ako kay Sir counter 3. “Wait lang po, ma’am,” sabi niya kay Ate 57.

Dahil medyo scary na siya at nawala na ang maangas kong ugali kasabay ng pagkawala ng maangas kong baby bump, umupo na lang ako at hindi ko na siya nilingon. Narinig ko pa siyang bumubulong ng galit. Gusto ko sana siyang paunahin kaya lang nagmamadali rin ako dahil sa Pampanga pa ako uuwi.

Gano’n talaga, Ate 57. Kung hindi ka senior, PWD o buntis, kailangan mong maghintay ng matagal, makipagsiksikan at magtiyaga. Nakakalungkot man, pero ‘yun na ang ‘normal’ at nakasanayan.

Pagkatapos ko sa SSS, pupunta pa ako ng office dahil may requirements pang kailangang ipasa para makuha ang kalahati ng maternity benefit ko. Pero bago ‘yun, kumain muna ako sa Mcdo. Syempre, hindi na ako sa special lane pumila. Pero at least, this time, makaka-order na uli ako ng coke.

Ramdam ko ang bigat ng tiyan ko pagkatapos kumain. Hinimas ko tulad ng nakagawian sa mga nakaraang buwan, at nanibago ang kamay ko nang dumapo sa tiyan ko. Wala na nga pala ang aking magical bump.

Dahil Love ang Pinakamagandang Cliché

Aaminin kong isa ako sa mga taong masyadong idealistic ang tingin sa pag-ibig.

Love? To me, the most beautiful cliché. Hindi nakapagtataka na some people spend their lives searching for love. Hindi na rin bago na pag-ibig ang tema ng mga sikat na pelikula, kanta, palabas sa TV at libro. Ang sarap kasi, to fall in love.

‘Di na bago sa mga nakakakilala sa ‘kin na mahilig ako sa cheesy eklat. Gusto ko ng sweet, bongga, obvious, nagsusumigaw na pag-ibig. ‘Yun yata ang goal ko in life dati, ang magkaro’n ng gano’ng klaseng love, Siguro, sa mga na-absorb ko din dahil mahilig ako sa teleserye, love stories na pelikula, at romance novels.

Sa totoo lang, kung hindi pa ako na-inlove at nagka-boyfriend, ‘di ako magigising sa katotohanang may mas makabuluhang klase pa pala ng pag-ibig kaysa sa head-over-heels-sweep-me-off-my-feet type of love. May mas masayang pakiramdam pa pala kaysa sa kilig. May mas sweet na mga salita pa pala kaysa sa I love you. May hihigit pa pala sa sarap ng falling in love. And no, hindi ito bastos.

Mas masarap pala, to be in love.

Being in love. Ang phase ng pag-ibig matapos ibaba ng telon, matapos ang paglabas ng The End sa screen, matapos rumolyo ng credits, matapos ang huling nota ng bawat love song.

Ang phase matapos ang ligawan stage. Ang stage ng pagsuyo at pambobola. Ang stage ng – aminin – pagsisinungaling. Or sige na nga, pagha-hype ng personal traits para mas appealing. Pwede ring pagyayabang. Here-are-my-positive-attributes-so-love-me stage. In other words, tapos na ang pagbebenta ng sarili.

Lumipas na rin ang honeymoon stage. ‘Yung panahong ang bawat text message niyo, umaaabot ng three pages (or more). “Good morning, baby. I love you. I miss you so much. Ingat ka today. Can’t wait to see you. Mwah!” “Good night, honey. I love you. Mwah! I miss you so much. Dream happy dreams of me. Can’t wait to see you again tomorrow. Text mo ako paggising, ha.” Pare-pareho lang ang laman. Iba-iba lang ang placement ng I love you, I miss you at Mwah.

Ang stage na hatid-sundo si gurla, at matagal bago makapaghiwalay pagkatapos ng buong araw na magkasama. Hug hug muna kasi mami-miss niyo agad ang isa’t-isa. Magastos na stage para kay boylaloo, dahil usually siya pa ang nagbabayad sa date. (And ito ang stage na lagi kayong nagde-date.) ‘Eto ‘yung halos magkapalit na kayo ng mukha. Nagseselos na ang mga friends dahil “laging sa kanya ang oras mo.” Sa ibang couple, ito ‘yung maliliit na bagay lang pinag-aawayan na. Mas sweet raw kasi kapag kakabati lang.

May mga dumadaan din sa ang-cold-mo stage. Ito ‘yung unti-unti na kayong nasasanay sa presensya ng bawat isa. It’s either: ‘yung isa, magsasawa na sa kakadikit no’ng isa at magc-crave na ng ibang company. Mararamdaman ‘to ni partner at iisiping “hindi na mahal” o “nanlalamig na” ang significant other.  Or: Pareho lang kayong mabo-bore dahil ang dating extraordinary part of your day ay nagiging ordinary na, and you both become cold kasi monotonous na. Wala ng excitement. Wala na ang kaba na dulot ng questions asked sa first phase ng pag-ibig – “Gusto niya rin ba ako?, “Kailan niya kaya ako sasagutin?”, “Sign ba ‘yung *insert kung anong chorvang ginawa/sinabi niya* na may gusto siya sa ‘kin?”, “Ano kaya ang gagawin niya sa first monthsary namin?”

Dito na minsan nagkakaalaman kung siya ba talaga ang gusto mong makasama until you die. Yes, until death, dahil technically, dalawa lang naman talaga ‘yan. It’s either you break up, or you choose to spend the rest of your lives together. And when your significant other starts to feel normal, then shit gets real. Because the truth is, no matter how extraordinary s/he may seem at first, s/he will always end up as an ordinary part of your life.

To others, it may sound wrong. Pero ngayon ko lang na-realize na ‘yun siguro ang mas makabuluhang pag-ibig. Kapag ordinary o normal ka na sa buhay niya – parang pagtulog, paggising, pagkain, pagtae, pag-ihi. Hindi ka na pwedeng mawala, kasi ‘pag nawala ka, may mali na sa sistema niya. Ordinaryo ka sa buhay niya na parang paghinga. Lagi mo nang ginagawa, hindi dahil gusto mo, kun’di dahil kailangan. Kun’di dahil parte ka ng sistema.

And maybe at first, gusto ko ng sweep-me-off-my-feet-head-over-heels type of love. Pero ngayon, kuntento na ako sa normal. If being normal means being part of someone’s whole, at pagkakaroon ng isang taong bumubuo rin sa ‘kin.

Hindi man conventional ang simula ng love story ko at marami mang nagsasabi na ako ang nanligaw, dumaan din naman ako sa ligawan stage na mainly kilig. Sa maniwala man kayo’t sa hindi, nagse-send din naman dati ng super cheesy texts ang boypren. Nangulit din naman siya. (Please, don’t deny.) Kahit ga’no pa kami kagulo no’ng umpisa, umabot din kami sa honeymoon stage, ge, na nag-a-I love you 20 times a day, nagde-date every day at hindi nagsasawa sa mukha ng isa’t isa.

Pinagdudahan ko rin (actually, praning ako by nature, so) kung mahal niya pa ba ako. Lagi ko ‘yang tinatanong (given the unconventional beginning plus tingin ng mga tao na ako nga ang nanligaw at malabo ang mata niya shit blah), at hirap akong maniwala. May mga kung anek-anek na issue pa na dumaan pero, hi, hello, everyone, kami pa rin. (In your face(s)! Joke.) Bottom line is, akala ko itong mga phases/stages of love ang pinakaimportanteng parte ng relasyon namin at ng love in general pero well, hindi pala.

Mas masaya ako ngayon na, hindi lang siya ang may mahal sa ‘kin, pati pamilya niya. Mas nakakahaba pala ng buhok kaysa sa kahit anong regalo o surprise ang ipakilala sa magulang, sa pamilya, at maramdamang tanggap ka.

Na ang dating “Good morning baby blah blah blah blah, *undending declaration of love” ay “Morning bubu” na lang at “Mownin” na lang minsan.

Na sa tuwing makakakita kami ng couples of the earlier stage, pagtatawanan na lang namin sila. “Magiging normal din kayo.”

Na nakakautot ako freely sa harap niya, at siya sa harap ko. Hindi ko na kailangang mag-make-up dahil duh, alam naman niya ang bruhang itsura ko pagkagising. Ang pagsasabi ng “may kulangot/muta/tinga ka” ay hindi na awkward. Pati “natatae ako” at “hindi pa ako naliligo.” Alam kong kahit ga’no ako kadugyot, mahal niya pa rin ako. (At beh, mahal pa rin kita kahit minsan umaabot ka ng tatlong araw na walang ligo.) Yes, the more kadiri, the more meaningful love is.

Na nahilig na ako sa panonood ng stand-up ni Kevin Hart, o ng kahit anong nakakatawang video ng black guys o thugs. At lately, ng babies. Na may mga joke kami na kami lang ang tatawa. Na may mga hilig kami na kami lang ang nakakaintindi.

Na kasama ako sa mga future plans, at kasama akong nagpaplano.

Na hindi ko na kailangang magpaganda o magpasexy. Dahil mas masaya tumaba ng sabay.

Na hindi na niya kailangang sabihing mahal niya ako ulit-ulit, kasi alam ko na.

Na hindi lang ako basta girlfriend, kun’di pamilya.

Ito ang being in love ko. Iba-iba tayo sigurado. Pero lahat tayo, balang araw, magiging ordinaryo sa taong mahal natin. And that should be the goal.

Aaminin kong isa ako sa mga taong masyadong idealistic ang tingin sa pag-ibig. Pero may kanya-kanya naman tayong ideal pagdating sa love. Ngayon, para sa ‘kin, ideal ang pag-ibig ng buhay ko. Because my ideal love is love that is just normal.

And my love today is beautiful, because it is as normal as breathing.

(www.sba.ph)

Mahabang mahabang rant of my life.

Minsan, gusto kong maging ibang tao.

Gusto ko, pagdilat ko sa umaga, pipikit ako uli kasi inaantok pa ‘ko. Gusto kong bumangon kung kailan ko gustong bumangon, kumain kung kailan ko gustong kumain, humilata kung kailan ko gustong humilata, at hindi dahil dinidikta ng kung sino mang tao o kung ano mang pagkakataon.

Gusto kong dumaan ang mga oras na wala akong iniisip kun’di ang mga bagay na gusto kong isipin. Gusto kong mabasa ang mga librong matagal na akong hinihintay. Gusto kong manood ng movies na hindi ko napanood dahil wala akong oras. Gusto kong sumulat. Gusto kong kumanta. Ngayon, gusto ko lang magpahinga.

Minsan, gusto kong maging ibang tao.

‘Yun bang hindi ko iintindihin ang mababang mga marka. Hindi sila random na papasok na lang sa utak ko na istorbo sa daloy ng iba ko pang mga iniisip. ‘Yung hindi ko kailangang intindihin ang ibang tao dahil ‘pag hindi ko sila inintindi, damay ako. ‘Yung wala akong ayaw i-disappoint at gustong i-please. ‘Yung sana, kahit minsan lang, hindi ko kailangang gawin ang mga bagay na ayaw ko naman talaga dahil may goal ako na para naman sa ibang tao. Gusto kong gawin ang mga bagay para sa sarili ko.

Sana hindi na lang ako takot na may madismaya kapag hindi ko naabot ang ganito o ang ganyan. Sana hindi na lang sila naniniwala kuno sa kakayahan ko. Sana nu’ng elementary ako, hindi na lang nasulat ‘yung article tungkol sa ‘kin sa isang issue ng school paper namin – na ako raw ang wonderwoman ng batch, dahil kaya kong pagsabay-sabayin ang lahat ng gawain nang hindi napapagod o nabibigo – dahil pinaniwalaan ko ‘yun. Ngayon ko lang nare-realize na hindi naman ‘yun totoo.

Sana, hindi na lang ako nega. Sana, hindi na lang ako praning.

Sana.

Minsan, gusto kong maging ibang tao.

Sawang-sawa na ako mag-alala. Sawang-sawa na akong ilista ang lahat ng mga bagay na dapat kong gawin dahil takot akong hindi matapos. Sawang-sawa na akong akuin ang lahat ng responsibilidad dahil kailangan, dahil dapat, dahil kakayanin at kakayanin ko. Pero pa’no kung hindi ko na pala kaya?

Ayokong isipin na hindi ako sapat pero hindi ko ‘yun maalis sa utak ko kaya sinusubukan ko laging maging higit. Hindi ko maalis ang katarantaduhang pag-iisip na kailangan kong gawin ‘to at gawin ‘yan para may maka-appreciate sa ‘kin at ang mas katarantaduhang pag-iisip na wala pa ring nakaka-appreciate sa ‘kin. Ayokong isipin na mawawala rin lahat kasi ‘di naman ako sapat. Ayokong isipin na wala namang magbabago kung mawala ako sa buhay ng mga tao. Pero shet, wala naman talaga.

‘Pag nawala ako mapapalitan rin naman ako. Hindi naman ako halo-halo with ice cream or bibingka with egg. Sabi ko dati unconditional is always right, na dapat 100% ang binibigay mo sa lahat ng bagay sa buhay mo. Pero minsan iniisip ko, bakit ba ako nage-effort at bigay-todo-bigay-lahat sa lahat ng aspeto sa buhay ko? Eh sa huli, wala rin namang pakialam ang mga tao.

Ayoko nang mag-overthink. Minsan nga ayoko na rin mag-isip.

Minsan, gusto kong maging ibang tao.

Sana hindi na lang ako praning. Nakakapagod gumawa ng sariling problema.

Kulang

Hindi ko naman hinangad na maging number one. Gusto ko lang naman, maging sapat para sa kanya. Pero kahit anong pilit, hindi pa rin.

“Kapag hindi ka nag-Magna Cum Laude, hindi ako a-attend ng graduation mo,” sigaw ng boses sa kabilang linya. Hindi na lang ako umimik. Unti-unting lumuwang ang yakap ng mga daliri ko sa cellphone, kasabay ng paglakas lalo ng kanyang boses at pagbilis ng kanyang pagsasalita.

“Mahiya ka sa ate mong Registered Pharmacist. Eh ikaw, ano ka? Ang problema sayo masyado kang nagre-relax, puro ka barkada. Nag-boyfriend ka pa, akala mo mauubusan ka ng lalaki.”

Naramdaman ko ang pagtulo ng luha. Isa, dalawa, tatlo, hanggang hindi ko na mapigilan. Pero kahit kailan, hindi ko kayang sumagot sa kanya. Suminghot-singhot na lang ako.

“Ano? Maawa ka sa Papa mo, nagta-trabaho para makapag-aral ka. Pinagbibigyan ka sa lahat ng gusto mo, anong ginagawa mo? Loka, umayos ka. Hindi lang kita napagsasabihan pero napapansin ko ‘yang mga ginagawa mo,” Ano bang ginagawa ko? Hindi pa rin ako nagsalita. Narinig ko na lang ang pagbaba niya ng telepono.

Sinusumpong na naman si Mama.

• • •

Hindi ko na namalayan, pero dumating na lang sa puntong tuwing sasabihin ko kay Mama na, “Ma, DL pa rin ako,” hindi na siya magugulat. Ngingiti lang siya at sasabihing, “Good, anak.” Hindi na namin mapag-uusapan. Naisip ko na lang, siguro, sanay na siya.

Simula kasi pagkabata (O simula n’ung nabundol ako ng bumper ng sasakyan sa ulo habang tumatawid at nadapa n’ung nursery. Bago kasi ‘yun, pang-9 lang ako sa klase), naging hobby ko na ang paghahakot ng awards. Isang beses lang ako hindi first honor n’ung elementary – n’ung Grade 2 ako, dahil may policy ang school na hindi pwedeng mag-honor ‘pag transferee- at madalas, higit sa isang medal ang nakukuha ko tuwing recognition. 19 medals, Valedictorian, n’ung elementary. Anim naman n’ung 4th year, tatlong framed certificates galing sa malaking Luzon wide contest ng CBCP, at First Honorable Mention.

Pero kahit gan’un, ako pa rin ang paboritong pinapagalitan. Palagay ko, hindi na makalimutan ni Mama ‘yung nahuli niya akong nagvi-videoke sa may kainan sa harap ng school n’ung Grade 5 pa lang ako. Hindi ako agad umuuwi (hindi ko agad sinisipot ‘yung service kong tricycle) kasi nagvi-videoke pa ako. ‘Yun ang unang sermon na napalo ako ng ruler sa braso. At simula n’un, (sabi ni Mama), nawalan na siya ng tiwala sa’kin.

Pag tuntong ng High School, sinubukan ko namang ibalik ang tiwalang nawala pero dahil aktibo at laging sumasali sa kung anong contest, ginagabi ako ng uwi at ‘di naman siya naniniwalang school ang dahilan. Lagi akong gala, lakwatsera, nababarkada, pabaya kaya First Honorable Mention lang nag-graduate kahit kaya kong mag-Valedictorian. Lakwatsera pero buong buhay ko n’ung high school, isang beses lang yata ako nakapag-mall kasama ang mga kaibigan ko. Pabaya, pero kung hindi pagre-review para sa exam o recitation ang inaatupag ko, pagre-review naman para sa kung anong contest.

Ewan ko ba, pero sa mata ni Mama, ako ang pasaway. Alibughang anak ang peg ko sa bahay. Ako ang burara sa gamit (inaamin ko naman), ang laging nakakalimot magpatay ng ilaw at electricfan sa mga kwartong hindi ginagamit o mag-flush ng toilet (kahit minsan, hindi naman talaga ako), ang laging nakababasag ng mga plato’t baso (kahit huli yata akong nakabasag n’ung 9-years-old pa ako) at ang nakawala o nakaiwan ng payong, baby book sa clinic ni Doctora, pinabitbit niyang biniling tocino o kung ano man (makakalimutin kasi talaga ako).

Ako ang kamukha niya sa’ming tatlong magkakapatid (ang tawag sa akin sa’min ay “Little Gina”) pero hindi ako ang paborito.

Nagiging paborito lang ako sa tuwing lalayas ang katulong dahil napagod sa endless sermon. Ako agad ang substitute. Si Mama, naku, sobrang partikular pagdating sa paglilinis ng bahay. Hindi pwedeng basta mop ang gamit sa paglalampaso, kailangan kamay at basahan ang gamit. Feeling ko ako si Cinderella sa tuwing nawawalan kami ng katulong. Tumataba nga ang puso ko kasi kapag may bisita, puring-puri lagi ang bahay. “Ang linis naman dito sa inyo.” Gusto kong sabihing, “ako po ang nag-lampaso.”

Hindi kasi pwedeng mag-lampaso si ate o si bunso, may asthma sila, kaya ako lagi. Ako din ang paboritong utusan bumili ng merienda sa tindahan o barbecue sa kanto kapag walang ulam. Official taga-hiwa rin ako ng sibuyas, bawang, kamatis at mga gulay para sa iluluto niya. Ako din ang inuutusang pumunta sa bahay ni ganito o ni ganyan dahil may ipapaabot. Ang trabaho ni ate, mag-tupi ng bagong labang damit at ilagay sa mga cabinet. Si bunso, mag-refill ng mga pitsel na walang laman. Sa’kin na ‘yung iba. At syempre, ako ang taga-masahe ng paa’t kamay bago matulog.

• • •

Alam ko namang mahal na mahal ako ni Mama. Pero hindi ko alam kung alam niya bang mahal na mahal ko siya. ‘Di ko makalimutan n’ung uminom siya ng chlorox dahil sa sama ng loob kay Papa. Humahagulgol ako n’un at hindi nila ako mapatahan. Niyakap ako ni Mama. Sabi niya, “Mahal na mahal mo pala ako, anak. Tama na. Hindi ko na gagawin ‘yun uli.”

Bilib ako kay Mama dahil kinaya niya lahat.  Nasaksihan ko kung pa’no niya tinago ang sakit n’ung uti-unti na silang nagkakahiwalay ni Papa. ‘Yung gabi-gabi nilang sigawan sa telepono, mga pag-iyak ni Mama habang akala niya tulog na kaming magkakapatid.

Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na tapos na talaga sila ni Papa, na kailangan pa rin niyang kausapin ang lalaking nanakit at nang-iwan sa kanya dahil dapat silang maging maayos, maging sibil kung hindi magkaibigan, para maipagpatuloy ni Papa ang pagtustos sa mga pangangailangan namin. N’ung nag-abroad kasi siya, nag-resign na si Mama para matutukan kaming magkakapatid.

Sobrang bilib ako kay Mama. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na hanggang d’un na lang talaga sila ni Papa, at ang kung ano mang ini-imagine niyang happily ever after nila ni Papa, ‘di na mangyayari.

Bawat pag-iyak ni Mama, ‘di namin pansing magkakapatid. Kahit magkakatabing matulog sa iisang kwarto, hindi talaga kami ‘yung madramang tipo ng pamilya na pinag-uusapan ang problema habang nag-iiyakan tapos magyayakapan. Isang beses lang kami nag-iyakan habang nagyayakapan – n’ung uminom ng chlorox si Mama. Kahit n’un, hindi namin pinag-usapan ang problema.

Ako, alam ko lang na wala akong magagawa. Alam kong hindi mapapatahan ng yakap o haplos ko ang bawat pag-iyak ni Mama. Hindi ako sapat para maghilom lahat ng sugat. Kaya wala akong ginawa. Nag-aral na lang ako ng mabuti.Pumasok ako sa school at sa paglabas ko ng pinto ng bahay, iniiwan ko d’un ang problema. Pinagpatuloy ko ang nakagawiang paghakot ng kung anu-anong awards. Kapag nasa school ako, lalo na sa tuwing may bagong quiz bee o spelling bee o essay writing contest, nakakalimutan ko na may nanay akong mag-isa sa bahay, umiiyak siguro. Nakakalimutan ko na malapit nang masira ang pamilya ko.

Ayokong isipin ang problema. Ayokong magtanong kung ano na nga ba talagang nangyayari. Ang kwentong alam ko, pinagtagpi-tagpi mula sa mga gabing nakikinig ako sa away nila sa telepono. May babae, ayaw pakasalan si Papa para maging legal siya sa States. Sa pakikinig ko lang nga nalaman na hiwalay na pala sila ni Mama, matagal na. Hindi ako nagtanong, nakinig lang ako sa bawat pag-uusap tuwing gabi, habang nababasa ng luha ang unan ko at pinipigilan ko ang bawat hikbi at singhot.

Hanggang sa tumigil ang sigawan, natapos ang pag-iyak, at ‘eto na kami ngayon.

May mga problema palang natatapos kahit kailan man, hindi pinag-usapan.

• • •

Kung ako ang dumanas ng gan’ung klaseng sakit, mas matigas pa siguro ako kay Mama ngayon.

Pilit kong iniintindi kung bakit madalas siyang magsungit, o madaling magalit. Kapag nagsisimula na akong magkimkim ng sama ng loob, pilit kong inaalala kung paano siya mataranta at tumawag sa tita kong nurse o sa secretary ni Doktora ‘pag may sakit ako, kung paano niya ako pinasasalubungan ng yellow na bag o wallet o pouch, o sleeveless na blouse, o makukulay na ballpen, o mga may disenyong papel at notebook, dahil alam niyang gusto ko. Iniisip ko kung paano siya nag-aral magluto ng sinigang (at dinadamihan ang pechay at pinapaasim pa ang sabaw dahil gusto ko) at adobong pusit – mga paborito kong pagkain. O kung paano niya sinabing mapapatay niya ang lalaking nagpaiyak sa’kin.

Bawat sermon ni Mama, gusto kong isumbat ang nakuhang mga medalya. Bawat akusasyon na gala ako, pabaya, at walang inatupag kun’di lakwatsa, gusto kong isigaw na lahat ng pagsisikap sa pag-aaral ay para sa kanya.

• • •

Kahit kailan, hindi ko ginustong maging number one.

Hindi ako nagsikap dahil sa kung anong pangarap para sa sarili ko. Nagsikap ako kasi akala ko, magiging masaya si Mama dahil may anak siyang tulad ko. Gusto kong mapangiti siya kahit sandali, malimot man lang niya lahat ng hapdi, sa bawat panalo ko. Hindi ko kasi alam kung ano bang pwede kong gawin, kaya wala akong ginawa kun’di magpapansin. Ang kaso, hindi pa rin sapat.

Sa bawat utos, wala akong reklamo. Kapag kinukumpara ako sa ate kong mas responsable at mas malinis sa gamit at mas masunurin, o kapag mas pinagbibigyan si bunso dahil “mas bata,” hindi ako nanunumbat. Humihiling na lang ako na sana, balang araw, mapansin niya ang mga ginagawa kong tama, hindi lang ang nakikita niyang mga pagkakamali ko.

Sinusubukan kong maging perpekto pero kulang pa rin. Iniiwasan kong magkamali pero may napupuna pa rin. Minsan, pagod na pagod na akong maging ako. Madalas, pagod na akong magpapansin. Pero ‘di pa rin ako tumitigil.

Kahit alam kong makakuha man ako ng ilang awards, o soaring-flying man ang GWA ko at mapasaya ko man siya sa pagpupumilit kong maging perpekto, hindi mapapantayan ang sayang pwede nararamdaman sana niya kung nandito pa si Papa.

Hindi ko siya mapapasaya. Dahil alam kong hindi ko na maibabalik ang oras, at hindi ko na siya mayayakap n’ung mga gabing may sigawan at iyakan. N’ung mga gabing akala ko, wala akong magagawa, masisira ang dapat masira. Pero ang totoo natakot lang akong may gawin.

At ngayong wala na, ngayong huli na, wala na nga akong magagawa, kun’di subukang maging number one. Baka sakaling mag-number one din ako sa taong kahit anong mangyari, number one sa puso ko.

Baka sakaling pag-akyat ni Mama ng entablado para sabitan ako ng medalyang pang-Magna, maramdaman niya na. Lahat ng ginagawa ko ay para sumaya na siya.