Para kay Tiktik, Trixie, Ate Pat: Pagbati at Pasasalamat

Bagama’t nangako sa Ate ko na bobonggahan ko ang Facebook Congratulatory Post para sa kasal nila ni Jo, hindi ko agad ito nagawa. September 10 sila ikinasal, at mag-iisang buwan na, pero hindi ko pa ka’gad nabigyan ng panahon.

blushing-bride
The blushing bride. *Iza fights back happy tears*

Naisip ko kasing napakahirap isaletra ang nararamdaman: saya dahil sa wakas, pagkatapos ng lahat ng hirap at sakit, pagkatapos ng iba’t ibang klase ng pagkadurog ng puso na nasaksihan ko, pagkatapos ng paghahanap, paghahangad at paghihintay, ikakasal na siya sa isang taong tanggap siya nang buong buo; at syempre, ang lungkot, dahil wala ako sa isa sa pinakaimportanteng araw ng buhay niya.

Malamang sasapukin ako no’n at this point, kung hindi lang siya malayo sa ‘kin, kasi madrama na. Pero pag-alis pa lang niya papuntang States, gusto ko nang magsulat tungkol sa kanya. Nakita ko pa lang ang salitang “departures” sa airport, iniisip ko na, sisimulan ko ang sanaysay sa salitang ito—kung bakit tila ang bigat nitong pakinggan at basahin, na para bang sa unang dalawang pantig pa lang, ide-detach sa iyo ang minsan mo nang naging bahagi.

Pero kahit kailan, hindi ko ‘yon naisulat. Natitigil ako sa tuwing magsisimula, sa takot na maramdaman uli ang paninikip ng dibdib at ang bloke sa lalamunan sa huling sulyap bago siya pumasok sa boarding area.

Miss ko na ang Ate ko. Kahit nakakausap ko naman siya sa chat minsan, iba pa rin syempre ang nakukulit siya sa personal. Hindi madaling mapikon ‘yon, pero mabigat ang kamay. Mahilig mamalo, minsan sa likod pa. Minsan, bigla na lang siyang papatong sa ‘kin kapag nakahiga sa kama, o sa sahig, kasi, wala lang. Madalas din ‘yan mangagat sa braso, kahit pa sobrang mapipikon ako pagkatapos. Akalain mong pati pala ‘yon, hahanap-hanapin ko?

hk
HK trip 2014 (look for our cutie bunso in the background)

Nang sabihin ko kay Ate Pat na buntis ako, mga ilang buwan bago siya umalis, habang papunta kami sa simbahan (hindi ko na maaalala kung bakit, hindi naman Linggo, novena ‘ata para sa fiesta), ang sabi niya sa ‘kin, “lagot ka,” nang nakangiti. Pagkatapos, nag-chikahan na kami kung anong ipapangalan sa anak ko.

Hindi kami agad na magkasundo ni Ate Pat. Sobrang lapit nang agwat ng edad namin, March 1992 siya pinanganak, at sumunod na ako ka’gad ng October 1993, kaya no’ng mga bata pa kami, ang natatandaan ko, ang lagi naming pag-aaway, at ang palayaw niyang nakakatawa: Tiktik. Pero sa mga kaklase at kamag-anak, Trixie.

me-n-pati
Tiktik and Lumi (charot, me)

Malaki kasi ang pinagkaiba ng mga ugali namin. Ako, mabunganga, maingay, at sa unang tingin, approachable daw. Siya, tahimik, hindi ga’nong nagsasalita kung hindi naman kailangan, at ang first impression lagi sa kanya ng mga tao, masungit.

Maingat siya sa mga gamit. Hanggang ngayon yata, buhay pa ang mga damit at sapatos ng mga Barbie niya, at syempre, ang mga Barbie. Ako naman, burara. Agad nawawala at nasisira ang mga laruan ko. Pugot ang mga Barbie at may sulat-sulat ng colored markers sa mukha at buhok. Kaya no’ng bata kami, lagi kong pinagdidiskitahan ang mga laruan niya. Tapos, magagalit siya sa ‘kin. Grabe pa naman siya magalit. Naninigaw talaga ‘yan, nagdadabog, tapos hindi namamansin. Maya-maya, bigla niya akong kakausapin na parang walang nangyari. Madalas, aalukin niya ako ng pagkain bilang peace offering. Pero kahit kailan, hindi ako ang unang kumakausap kapag nag-aaway kami. Minsan ko na kasing ginawa, tapos galit pa rin siya, at katahimikan lang ang sinagot niya sa ‘kin.

Kung may masasayang alaala man sa kabataan namin na naaalala ko, ‘eto ‘yung naglalaro kami ng “orphanage-orphanage” kasama ng napakarami naming stuffed toy. Ayaw namin ng bahay-bahayan. Kunwari may orphanage kami, tapos bida ang dalawa naming favorite stuffed toy—sa kanya si Bubbles, sa ‘kin si Blossom, na dinugtungan namin ng mahabang pangalan pa. Blossom Angelina Mae na lang ang naaalala ko, pero pito ata ‘yan o walo.

Naalala kong inggit ako sa kanya dahil sa tingin ko, sa kanya lagi napupunta ang mas magagandang pasalubong. Pakiramdam ko ako lang ‘yon, dahil madalas namang pareho ang binibiling pasalubong ni Mama para sa ‘ming dalawa, naiba lang ng kulay.

Pati pangalan niya, mas gusto ko kaysa sa pangalan ko. Louise Patricia, ang haba, naisip ko no’n. Ang akin kasi, eight letters lang.

Isa pang kinaiinggitan ko, ang halaga ng nakukuha niyang aginaldo. No’ng sa Pampanga na kasi kami nakatira, mas marami siyang nakukuha dahil taga-Pampanga ang mga ninong at ninang niya. Ako naman, halos asa Manila, kung sa’n kami tumira nang walong taon, bago nag-abroad si Papa.

May isang Pasko na hindi ko talaga matanggap na mas malaki ang nakuha niyang aginaldo, kaya umiyak ako nang umiyak habang nasa bahay ng tita ko, kasama ang iba pang mga kapamilya namin. Kaya ayon, binigyan nila ako ng pera para mapantayan ko ang halaga na nakuha niya.

Nagalit siya sa ‘kin no’n. Sabi niya, “ang daya mo naman, ‘eh.”

Kinaiinggitan ko rin ang mahaba at diretso niyang buhok, na bihirang bihira niyang pinapagupit. Kapag nagkakagusto sa kanya ang mga kaklase o kakilala ko, sasabihin nila sa ‘king ang ganda kasi ng buhok niya. Samantalang ako, kulot at buhaghag ang buhok, at Grade 6 pa lang, pinaunat ko na, kaya unti-unting nasira at ngayon lang bumalik sa pagkanatural (na magulo).

Lalo pang lumala ang mga pag-aaway namin nang ipanganak ang bunso naming kapatid, si Quiel. Ayaw kasi sa ‘kin ni Quiel no’ng batang-bata pa siya. Maitim daw kasi ako, at silang dalawa, parehong maputi.

Maliban sa aginaldo, kulay ng balat at buhok, halos pareho kami sa lahat ng bagay ni Tiktik. Pareho kaming nasa honor roll no’ng elementary, 1st ako at 2nd siya no’n, consistently. Pareho kaming isinabak sa Campus Journalism pagdating ng Grade 5. (Oo, nagsusulat din ang ate ko, cool niya ‘no, at ngayon, si Quiel, student-journalist na rin na humahakot ng awards). Si Tiktik, sa Feature Writing, at ako naman, sa Editorial Writing, parehong sa Ingles. Sabay kaming nananalo no’n, Grade 5 ako at Grade 6 siya.

Pati sa damit, laging pareho ang binibili ni Mama para sa ‘ming dalawa, again—naiiba lang ng kulay. Hindi kami magkamukha, pero dahil pareho kami ng damit, tinatawag kaming kambal.

Pareho rin kaming mahilig magbasa, hanggang sa paglaki. Ang kinahihiligan namin no’n, mga Young Adult novels. Dahil siguro dito, pareho kaming may idealistic na tingin sa pag-ibig at pagmamahal. Siguro, dahil malayo si Papa sa ‘min, pareho kaming naghangad ng knight in shining armor, at mala-fairytale na kwentong pag-ibig. Ang paghahanap namin ng happy-ever-after, stems from “Daddy issues”, sabi ng karamihan.

High school ko sinimulang tawaging Ate Pat si Tiktik. Lagi kasi kaming nagkikita sa hallways at corridors, at binabati siya ng mga kaklase ko. “Pat” ang tawag sa kanya sa nilipatan naming eskwelahan, kaya kami, “Ate Pat” ang tawag sa kanya.

Lumala ang dati naming mga cute na away pagtuntong ng sekondarya. Naging pasaway din kasi ako. Nahuhuli ako minsan ng dating sa school service naming jeep dahil nakikipag-chikahan pa ako. Minsan din naming pinag-awayan ang pakikipag-telebabad ko. May inutos ‘ata siya sa ‘kin na hindi ko na maalala kung ano, at hindi ako sumunod, dahil busy ako, ulit, sa pakikipag-chikahan. 1st year high school ako nito.

Nagkulong siya sa kwarto at hindi na ako kinausap. Kung gaano katagal, hindi ko makakalimutan—tatlong buwan. Lagi-lagi noon, ginigising niya ako (sobrang hirap kong gisingin; tamad kasi akong bumangon), sa pamamagitan ng paghila nang malakas sa paa ko. Pero simula no’n, hindi na niya hinila ang paa ko. Tabi kaming matulog, pero nakatalikod siya sa ‘kin. Pati si Mama, napansing hindi kami nag-uusap.

Hindi ko na maalala kung pa’no kami nagbati, pero simula no’n, natakot akong ulitin niya sa ‘kin ang silent treatment (na naulit pa, pero hindi na gano’n kahaba), kaya binawasan ko naman ang pagiging pasaway ko.

Ilan sa mga nagpatibay ng relasyon namin no’ng high school ang pagsali sa streetdancing sa parokya no’ng 2nd year, hanggang 3rd year high school. Nagkaro’n kami ng “barkada,” puro lalaki, at isa do’n, boyfriend niya.

Ang isa sa mga well-known Pat facts ng mundo, mula pagkabata, hindi iyan madalas umiyak. Natatahimik ang isang kwarto ‘pag tumulo ang luha niyan, kasi nga minsan lang ‘ata sa isang taon mangyari. Isang beses ko lang siya naalala humagulgol no’ng mga bata kami, nang umalis si Papa.

Pero nang nakikipaghiwalay ang boyfriend na ‘to sa kanya, muli kong narinig ang mga hagulgol niya—na parang hagulgol ng lalaki, sa totoo lang, dahil sa sobrang dalang—sa mga hagdan sa labas ng bisitas (kapilya) ng barangay namin, nagmamakaawa, hindi pumapayag, sumisigaw ng “ayoko.”

Sa paglipas ng mga taon, natunghayan ko ang ilang pagkawasak ng puso ng Ate kong matapang. Walang nakatitinag sa kanya kun’di pag-ibig. Sa paglipas ng mga taon, tahimik akong sumasabay sa kanyang paghiling na mahanap ang lalaking hindi na siya paluluhain.

Kolehiyo kami naging mas malapit ni Ate Pat. No’ng una, nag-away pa kami, dahil nagselos siya nang nagiging malapit na sa ‘kin ang dormmates namin na dati’y dormmates lang niya. Pero pagkatapos niyang makipagbati sa pamamagitan ng pagbili ng Army Navy burrito para sa ‘kin, naging maayos naman ang lahat. Tulad ng dati, pagkain pa rin ang peace offering niya sa ‘kin.

Naging daan ang mga dormmates namin—sina Ate Yan, Ate Roan, Ate Aix, Ate KC at Dana—na mas maging matibay ang relasyon namin bilang magkapatid. Lagi kasi kaming kumakain sa labas, o nagte-takeout at nagfu-foodtrip sa kwarto, bumibili ng isang galong ice cream at pinagsasaluhan habang nanonood ng downloaded movie sa laptop, pumupunta sa SM San Lazaro, nagke-kwentuhan, nagpi-picture-picture sa loob ng room 5-1 na tirahan niya ng apat na taon, at ako, tatlo.

dormis
College, with roommates, nang ma-stuck kami sa dorm for three days dahil sa bagyo at baha

Si Ate Pat ang nag-aayos ng maruruming damit ko para ipa-laundry no’ng kolehiyo kami. Siya rin ang bumibili ng pagkain at toiletries na kakailanganin namin sa dorm. Siya ang nagbabayad ng mga bayarin—tuition fee, bayad sa dorm. Pakiramdam ko, may magulang pa rin ako kahit dapat, independent na ako. Kaya nga nang nagtapos na siya at naiwan akong mag-isa, pakiramdam ko, unang taon ko pa lang sa college, dahil first time kong kailanganing gawin ang lahat on my own.

Isa pang nakabibilib na katangian ni Ate Pat, sobrang galing niyang mag-ipon ng pera. Ewan ko ba, ako, ubos lagi ang allowance ko, at wala naman akong nabibili. Siya, ang dami niyang ipon, pero nakabibili pa siya ng sapatos, damit, Beatz na headphones, cellphone at kung ano pang mga luho. Pag-graduate niya pa lang ata, 5 digits na ang ipon niya, pero nagtapos ako na walang pera.

Masinop rin siya sa gamit; laging maayos ang kama niya. Puti ang uniporme pero kahit kailan, hindi umuwi na may mantsa. Malinis lagi ang sapatos, organisado ang lalagyan ng damit, walang basura sa bag, kabaligtaran ko pagdating sa gamit at damit.

Hindi rin iyan puspusan kung mag-aral, pero ‘pag tinanong mo, kabisado. Chill lang siya madalas, nanonood ng series o pelikula sa laptop, natutulog (!!!), kumakain, pero pumapasa, at minsan, mataas ang grado.

Kung may pinaglalaanan ng effort ang Ate ko, ‘yun ang pag-ibig. Husgahan man siya ng iba, hanga ako sa oras na inilalaan niya para dito. Bongga ang regalo niya kapag may selebrasyon. Matagal niyang pinaghahandaan ang mga okasyon, minsan nga, kahit wala.

Pero ayon nga, kapag todo-bigay, todo rin kung masaktan. Isa ako sa mga umakay sa kanya sa hagdan (fifth floor ang kwarto namin) nang naglasing siya dahil nag-two time ang jowang payatot nga. Umupo siya sa sahig, sumandal sa mga cabinet namin, at umiyak nang malakas. Nagsasalita pa, “Ano bang mali sa’ kin?” habang sumisipa, parang batang maliit. Walang gumagalaw sa ‘min no’n; nakatingin lang sa kanya, minsa’y nagpapalitan ng tingin, hanggang sa may tumayo na para pilitin siyang humiga na sa kama.

At hindi lang emosyonal ang sakit—hindi ko makakalimutan, isang Valentine’s Day, malungkot siya dahil pakiramdam niya walang surpresa sa kanya ang boyfriend niya. Nang tumawag ito na naghihintay sa ibaba ng dorm para sa kanya, at may dalang mga bulaklak, dali-dali itong tumakbo, nag-elevator pababa, at tumakbo uli palabas mula sa lobby. Ayon, nadapa, tumama ang baba sa konkreto, at nag-Valentine’s Day sila ng boyfriend niya sa Health Service ng unibersidad.

Hindi naman siya nagpatalo sa bigong pag-ibig. 4th year na siya no’ng mag-two-time ang dating boyfriend, at nag-desisyong ituon ang sarili sa pag-aaral. Kung tutuusin, maayos naman ang pag-aaral niya no’n. Mabilis naman siyang makaintindi ng mahihirap na aralin; matalas naman ang memorya niya; at marami ngang naiinggit na hindi siya nag-eeffort pero laging pumapasa. Pero nang nag-exert na siya ng extra effort, pagkatapos magloko ng jowa niyang payatot, aba, Dean’s Lister.

d-hapi-gradu8
The ‘chill’ student graduates!

Hindi na kami madalas mag-away ni Ate Pat no’ng college, pero naaalala ko pang nagalit siya sa ‘kin bago mag-Valentines (na naman), kasi pumapayag ako sa setup namin ni Jelo (na tatay na ng anak ko ngayon), ang usong-uso na walang label pero kung umasta, daig pa ang mag-nobyo’t nobya. Tama naman siya dahil nag-Valentine’s day at hindi ako pinuntahan ni Jelo (nawala “raw” ang wallet niya, pero alam niyo na), kaya lang, matigas ang ulo ko.

Nang may “label” na kami ni Jelo, isa siya sa excited na excited na may boyfriend na ako. Binigyan ako no’n ni Jelo nang isang box ng Krispy Kreme, pinost niya pa sa Instagram, “donuts from Iza’s boyfriend.”

No’ng buntis na ako, nag-uusap pa ‘yang si Ate Pat at Jelo via viber. Nakita ko lang ‘yon nang binigay na sa ‘kin ni Jelo ang cellphone niya dahil pinanakaw ko ang binili niya para sa ‘kin. Pinag-uusapan nilang dalawa kung ano bang balak ni Jelo.

Alam kong kahit madalas kaming mag-away ni Ate Pat noon, na akala mo’y kontrabida kami sa buhay ng isa’t isa, siya naman talaga ang kakampi ko sa buhay. Lagi niya akong binibili ng kung ano-anong pagkain no’ng college, minsan sapatos, minsan notebook. Walang mintis na may birthday gift ‘yan sa ‘kin—one time, no’ng nahumaling ako kay Nicholas Sparks dahil gusto siya ng crush ko—binilhan niya ako ng kalalabas pa lang na libro nito.

Madalas akong wala sa dorm dahil nababarkada, at laging tumatawag ang Mama namin sa kanya para mangumusta. Pinagtatakpan niya ako at sinasabing naliligo, o kumakain sa labas, o may binili. No’ng nagkakaro’n na ako ng pregnancy scares, hindi niya ako hinusgahan na hindi na ‘ko virgin tulad ng ginawa ng marami. Sa halip, tinanong niya ‘ko ng alam niyang symptoms, at sinabing hindi naman siguro ako buntis. No’ng nagdududa ako kung kakayanin ko bang isama ang anak ko sa buhay ko sa Maynila, imbis na iwan siya sa Pampanga dahil no’ng panahon na ‘yon, para bang ‘yon ang tamang gawin, hindi niya ako bineybi at binola-bola na “kaya mo ‘yan.” Sa halip, sinabi niya sa ‘kin, “anak mo ‘yan. Kailangan kasama mo ‘yan kahit sa’n ka makarating. Panindigan mo ‘yan. You’re an adult.”—something like that. At kahit kailan, hindi ko pinagsisihan na sinunod ko siya.

At ngayon na “Auntie Pat” na siya, siya yata ang number one na nag-iispoil kay Lumiere, sa anak namin ni Jelo, pagdating sa mga gamit. Therapy niya raw kasi kapag nalulungkot siya sa States ang pagbili ng damit at sapatos para sa anak ko. Bongga ng therapy niya, ‘di ba? At pati ako, spoiled, dahil hanggang ngayon, binibilhan niya pa rin ako ng gamit.

Bago siya umalis papuntang States, may boyfriend siya dito sa Pilipinas. Maayos ang lahat sa kanilang dalawa kahit pa madalas mag-away, kaya akala ko, hindi na itutuloy ni Ate Pat ang pag-alis. Pinipigilan kasi siya ng boyfriend niya no’n.

Pero matagal nang pangarap ng Ate ko ang makaalis at makapagtrabaho sa ibang bansa. Simple man at chill si Ate Pat, mataas ang pangarap niya sa buhay. At siya rin ang tipo ng taong kapag ginusto niya ang isang bagay, paninindigan niyang makuha ito. Kaya kahit nasakripisyo ang relasyon nila ng boyfriend niya no’n, kahit ga’no niya pa ito kamahal, umalis siya.

Kaya hindi na ako nagtaka nang ma-approve ang Visa niya at makaalis. Tatlong buwan ako no’ng buntis. Bago siya umalis, sabi niya sa ‘kin, padalhan ko raw siya bawat buwan ng retrato ng tiyan ko, via Viber. Hindi ko nagawang bawat buwan, pero napapakita ko naman sa kanya paminsan-minsan. Pinagtatawanan niya na “mataba’ na raw ako.

Hindi na kami gano’n kadalas mag-usap. Mahirap panindigan ang “keep in touch,” siguro kung hindi para sa iba, para sa akin. Siguro isa o dalawang beses sa isang buwan, pero sapat na ‘yon para malaman kong and’yan lang ang kakampi ko, hindi mawawala, kahit ga’no pa kalayo.

Alam kong hindi naging madali para kina Ate Pat ang Jo ang lahat—naging long distance din ang relasyon nila dahil nagsanay si Jo para sa Airforce nang dalawang buwan, at sa sulat lang sila nag-uusap no’n; minsan lang pwedeng tumawag. Naglo-long drive siya papuntang Vegas dahil taga-California siya, at kung hindi, si Jo naman ang pumupunta sa kanya.

Ngayon, naka-destino si Jo sa San Antonio, Texas, at do’n sila nakatira. Dalawampung oras ang layo kung ida-drive mula sa dati niyang tirahan, sa California, kasama ni Papa. Plano nilang dalawa na mag-aral uli, tapos bumili ng bahay, at in two to three years, magka-anak. Tulad ng dati, alam ni Ate Pat kung anong gusto niyang mangyari sa hinaharap, at tiwala akong magagawa niya ‘to lahat, dahil kailan ba hindi?

May pagkabaliw din ang Ate ko pagdating sa relasyon—tulad ko rin. Clingy siya, selosa, at possessive, pero mapagbigay, tapat, at todo-bigay. Masaya akong nakahanap siya ng isang Jo na tanggap ang lahat ng ito. Umaasa akong isang araw, makikilala ko at ni Lumiere nang lubos ang Uncle Jo niya.

Alam ko naman, hindi pa ito ang happy-ever-after ng Ate ko. Hindi naman ‘yon nag-eexist sa tunay na buhay. Pero alam kong happy siya, more than she has ever been in her lifetime. Kaya malaki rin ang pasasalamat ko na dumating si Jo sa buhay niya. Pero sana alam niya, malaking bahagi ng kasiyahan niya ngayon, ay dahil nagsikap siya at hindi siya kailanman sumuko.

Congrats, Ate Pat and Jo. Sorry kung halos isang buwan na, pero ngayon pa lang ako bumabati. Huli man, masaya ako para sa inyo, at sa panibagong simula na ito.

Sana, sa kasal ko, ando’n kayong dalawa at ang mga pamangkin ko, kung meron na.

wedding
The newlyweds, ready to make gorgeous babies (chos, 2-3 years pa raw), ready to conquer the world muna
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s