Kulang

Hindi ko naman hinangad na maging number one. Gusto ko lang naman, maging sapat para sa kanya. Pero kahit anong pilit, hindi pa rin.

“Kapag hindi ka nag-Magna Cum Laude, hindi ako a-attend ng graduation mo,” sigaw ng boses sa kabilang linya. Hindi na lang ako umimik. Unti-unting lumuwang ang yakap ng mga daliri ko sa cellphone, kasabay ng paglakas lalo ng kanyang boses at pagbilis ng kanyang pagsasalita.

“Mahiya ka sa ate mong Registered Pharmacist. Eh ikaw, ano ka? Ang problema sayo masyado kang nagre-relax, puro ka barkada. Nag-boyfriend ka pa, akala mo mauubusan ka ng lalaki.”

Naramdaman ko ang pagtulo ng luha. Isa, dalawa, tatlo, hanggang hindi ko na mapigilan. Pero kahit kailan, hindi ko kayang sumagot sa kanya. Suminghot-singhot na lang ako.

“Ano? Maawa ka sa Papa mo, nagta-trabaho para makapag-aral ka. Pinagbibigyan ka sa lahat ng gusto mo, anong ginagawa mo? Loka, umayos ka. Hindi lang kita napagsasabihan pero napapansin ko ‘yang mga ginagawa mo,” Ano bang ginagawa ko? Hindi pa rin ako nagsalita. Narinig ko na lang ang pagbaba niya ng telepono.

Sinusumpong na naman si Mama.

• • •

Hindi ko na namalayan, pero dumating na lang sa puntong tuwing sasabihin ko kay Mama na, “Ma, DL pa rin ako,” hindi na siya magugulat. Ngingiti lang siya at sasabihing, “Good, anak.” Hindi na namin mapag-uusapan. Naisip ko na lang, siguro, sanay na siya.

Simula kasi pagkabata (O simula n’ung nabundol ako ng bumper ng sasakyan sa ulo habang tumatawid at nadapa n’ung nursery. Bago kasi ‘yun, pang-9 lang ako sa klase), naging hobby ko na ang paghahakot ng awards. Isang beses lang ako hindi first honor n’ung elementary – n’ung Grade 2 ako, dahil may policy ang school na hindi pwedeng mag-honor ‘pag transferee- at madalas, higit sa isang medal ang nakukuha ko tuwing recognition. 19 medals, Valedictorian, n’ung elementary. Anim naman n’ung 4th year, tatlong framed certificates galing sa malaking Luzon wide contest ng CBCP, at First Honorable Mention.

Pero kahit gan’un, ako pa rin ang paboritong pinapagalitan. Palagay ko, hindi na makalimutan ni Mama ‘yung nahuli niya akong nagvi-videoke sa may kainan sa harap ng school n’ung Grade 5 pa lang ako. Hindi ako agad umuuwi (hindi ko agad sinisipot ‘yung service kong tricycle) kasi nagvi-videoke pa ako. ‘Yun ang unang sermon na napalo ako ng ruler sa braso. At simula n’un, (sabi ni Mama), nawalan na siya ng tiwala sa’kin.

Pag tuntong ng High School, sinubukan ko namang ibalik ang tiwalang nawala pero dahil aktibo at laging sumasali sa kung anong contest, ginagabi ako ng uwi at ‘di naman siya naniniwalang school ang dahilan. Lagi akong gala, lakwatsera, nababarkada, pabaya kaya First Honorable Mention lang nag-graduate kahit kaya kong mag-Valedictorian. Lakwatsera pero buong buhay ko n’ung high school, isang beses lang yata ako nakapag-mall kasama ang mga kaibigan ko. Pabaya, pero kung hindi pagre-review para sa exam o recitation ang inaatupag ko, pagre-review naman para sa kung anong contest.

Ewan ko ba, pero sa mata ni Mama, ako ang pasaway. Alibughang anak ang peg ko sa bahay. Ako ang burara sa gamit (inaamin ko naman), ang laging nakakalimot magpatay ng ilaw at electricfan sa mga kwartong hindi ginagamit o mag-flush ng toilet (kahit minsan, hindi naman talaga ako), ang laging nakababasag ng mga plato’t baso (kahit huli yata akong nakabasag n’ung 9-years-old pa ako) at ang nakawala o nakaiwan ng payong, baby book sa clinic ni Doctora, pinabitbit niyang biniling tocino o kung ano man (makakalimutin kasi talaga ako).

Ako ang kamukha niya sa’ming tatlong magkakapatid (ang tawag sa akin sa’min ay “Little Gina”) pero hindi ako ang paborito.

Nagiging paborito lang ako sa tuwing lalayas ang katulong dahil napagod sa endless sermon. Ako agad ang substitute. Si Mama, naku, sobrang partikular pagdating sa paglilinis ng bahay. Hindi pwedeng basta mop ang gamit sa paglalampaso, kailangan kamay at basahan ang gamit. Feeling ko ako si Cinderella sa tuwing nawawalan kami ng katulong. Tumataba nga ang puso ko kasi kapag may bisita, puring-puri lagi ang bahay. “Ang linis naman dito sa inyo.” Gusto kong sabihing, “ako po ang nag-lampaso.”

Hindi kasi pwedeng mag-lampaso si ate o si bunso, may asthma sila, kaya ako lagi. Ako din ang paboritong utusan bumili ng merienda sa tindahan o barbecue sa kanto kapag walang ulam. Official taga-hiwa rin ako ng sibuyas, bawang, kamatis at mga gulay para sa iluluto niya. Ako din ang inuutusang pumunta sa bahay ni ganito o ni ganyan dahil may ipapaabot. Ang trabaho ni ate, mag-tupi ng bagong labang damit at ilagay sa mga cabinet. Si bunso, mag-refill ng mga pitsel na walang laman. Sa’kin na ‘yung iba. At syempre, ako ang taga-masahe ng paa’t kamay bago matulog.

• • •

Alam ko namang mahal na mahal ako ni Mama. Pero hindi ko alam kung alam niya bang mahal na mahal ko siya. ‘Di ko makalimutan n’ung uminom siya ng chlorox dahil sa sama ng loob kay Papa. Humahagulgol ako n’un at hindi nila ako mapatahan. Niyakap ako ni Mama. Sabi niya, “Mahal na mahal mo pala ako, anak. Tama na. Hindi ko na gagawin ‘yun uli.”

Bilib ako kay Mama dahil kinaya niya lahat.  Nasaksihan ko kung pa’no niya tinago ang sakit n’ung uti-unti na silang nagkakahiwalay ni Papa. ‘Yung gabi-gabi nilang sigawan sa telepono, mga pag-iyak ni Mama habang akala niya tulog na kaming magkakapatid.

Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na tapos na talaga sila ni Papa, na kailangan pa rin niyang kausapin ang lalaking nanakit at nang-iwan sa kanya dahil dapat silang maging maayos, maging sibil kung hindi magkaibigan, para maipagpatuloy ni Papa ang pagtustos sa mga pangangailangan namin. N’ung nag-abroad kasi siya, nag-resign na si Mama para matutukan kaming magkakapatid.

Sobrang bilib ako kay Mama. Wala na sigurong mas sasakit pa sa pagtanggap na hanggang d’un na lang talaga sila ni Papa, at ang kung ano mang ini-imagine niyang happily ever after nila ni Papa, ‘di na mangyayari.

Bawat pag-iyak ni Mama, ‘di namin pansing magkakapatid. Kahit magkakatabing matulog sa iisang kwarto, hindi talaga kami ‘yung madramang tipo ng pamilya na pinag-uusapan ang problema habang nag-iiyakan tapos magyayakapan. Isang beses lang kami nag-iyakan habang nagyayakapan – n’ung uminom ng chlorox si Mama. Kahit n’un, hindi namin pinag-usapan ang problema.

Ako, alam ko lang na wala akong magagawa. Alam kong hindi mapapatahan ng yakap o haplos ko ang bawat pag-iyak ni Mama. Hindi ako sapat para maghilom lahat ng sugat. Kaya wala akong ginawa. Nag-aral na lang ako ng mabuti.Pumasok ako sa school at sa paglabas ko ng pinto ng bahay, iniiwan ko d’un ang problema. Pinagpatuloy ko ang nakagawiang paghakot ng kung anu-anong awards. Kapag nasa school ako, lalo na sa tuwing may bagong quiz bee o spelling bee o essay writing contest, nakakalimutan ko na may nanay akong mag-isa sa bahay, umiiyak siguro. Nakakalimutan ko na malapit nang masira ang pamilya ko.

Ayokong isipin ang problema. Ayokong magtanong kung ano na nga ba talagang nangyayari. Ang kwentong alam ko, pinagtagpi-tagpi mula sa mga gabing nakikinig ako sa away nila sa telepono. May babae, ayaw pakasalan si Papa para maging legal siya sa States. Sa pakikinig ko lang nga nalaman na hiwalay na pala sila ni Mama, matagal na. Hindi ako nagtanong, nakinig lang ako sa bawat pag-uusap tuwing gabi, habang nababasa ng luha ang unan ko at pinipigilan ko ang bawat hikbi at singhot.

Hanggang sa tumigil ang sigawan, natapos ang pag-iyak, at ‘eto na kami ngayon.

May mga problema palang natatapos kahit kailan man, hindi pinag-usapan.

• • •

Kung ako ang dumanas ng gan’ung klaseng sakit, mas matigas pa siguro ako kay Mama ngayon.

Pilit kong iniintindi kung bakit madalas siyang magsungit, o madaling magalit. Kapag nagsisimula na akong magkimkim ng sama ng loob, pilit kong inaalala kung paano siya mataranta at tumawag sa tita kong nurse o sa secretary ni Doktora ‘pag may sakit ako, kung paano niya ako pinasasalubungan ng yellow na bag o wallet o pouch, o sleeveless na blouse, o makukulay na ballpen, o mga may disenyong papel at notebook, dahil alam niyang gusto ko. Iniisip ko kung paano siya nag-aral magluto ng sinigang (at dinadamihan ang pechay at pinapaasim pa ang sabaw dahil gusto ko) at adobong pusit – mga paborito kong pagkain. O kung paano niya sinabing mapapatay niya ang lalaking nagpaiyak sa’kin.

Bawat sermon ni Mama, gusto kong isumbat ang nakuhang mga medalya. Bawat akusasyon na gala ako, pabaya, at walang inatupag kun’di lakwatsa, gusto kong isigaw na lahat ng pagsisikap sa pag-aaral ay para sa kanya.

• • •

Kahit kailan, hindi ko ginustong maging number one.

Hindi ako nagsikap dahil sa kung anong pangarap para sa sarili ko. Nagsikap ako kasi akala ko, magiging masaya si Mama dahil may anak siyang tulad ko. Gusto kong mapangiti siya kahit sandali, malimot man lang niya lahat ng hapdi, sa bawat panalo ko. Hindi ko kasi alam kung ano bang pwede kong gawin, kaya wala akong ginawa kun’di magpapansin. Ang kaso, hindi pa rin sapat.

Sa bawat utos, wala akong reklamo. Kapag kinukumpara ako sa ate kong mas responsable at mas malinis sa gamit at mas masunurin, o kapag mas pinagbibigyan si bunso dahil “mas bata,” hindi ako nanunumbat. Humihiling na lang ako na sana, balang araw, mapansin niya ang mga ginagawa kong tama, hindi lang ang nakikita niyang mga pagkakamali ko.

Sinusubukan kong maging perpekto pero kulang pa rin. Iniiwasan kong magkamali pero may napupuna pa rin. Minsan, pagod na pagod na akong maging ako. Madalas, pagod na akong magpapansin. Pero ‘di pa rin ako tumitigil.

Kahit alam kong makakuha man ako ng ilang awards, o soaring-flying man ang GWA ko at mapasaya ko man siya sa pagpupumilit kong maging perpekto, hindi mapapantayan ang sayang pwede nararamdaman sana niya kung nandito pa si Papa.

Hindi ko siya mapapasaya. Dahil alam kong hindi ko na maibabalik ang oras, at hindi ko na siya mayayakap n’ung mga gabing may sigawan at iyakan. N’ung mga gabing akala ko, wala akong magagawa, masisira ang dapat masira. Pero ang totoo natakot lang akong may gawin.

At ngayong wala na, ngayong huli na, wala na nga akong magagawa, kun’di subukang maging number one. Baka sakaling mag-number one din ako sa taong kahit anong mangyari, number one sa puso ko.

Baka sakaling pag-akyat ni Mama ng entablado para sabitan ako ng medalyang pang-Magna, maramdaman niya na. Lahat ng ginagawa ko ay para sumaya na siya.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s